Chapter 15

861 9 0
                                    

Chapter 15

AWANG-AWA ang mga mata ni Cotton habang nakatingin siya kay Reyna Aravana na nakahiga sa kama. Yakap-yakap nito ang teddy bear na bigay ng mortal. Nakita niya ang tuyong luha sa pisngi nito, siguradong umiyak na naman ito at nakatulugan na ang magdamag na pag-iyak. Sa tuwing sasapit ang dilim sa Larisia ay magsisimula na itong mangulila para sa nobyo na nasa mundo ng mga tao.

Naupo siya sa gilid ng kama pagkuway hinaplos ang buhok nito. Kung maaari lang niya sana na dalhin dito si Third ay ginawa na niya upang kahit paano ay bumalik ang masayang aura ni Aravana ngunit hindi na maaari. Namatay ang mortal habang nasa kanilang mundo dahil sa sumpa ng espada ni Prinsipe Anikko kaya kapag bumalik pa si Third dito sa Entasia ay mamamatay ulit ito. Nagawa niyang baliktarin ang sumpa kaya nabuhay ito nang ibalik nila sa mundo ng mga tao.

"Mahal na Reyna, ipagpaumanhin mo na kailangan mo maramdaman ang sakit at pait dulot ng pag-ibig. Ito ang sinasabi ko na kapalit ng pagmamahal mo sa isang mortal ngunit hindi ka nakinig at nagpatuloy ka pa rin kahit na alam mo ang kahihinatnan ng iyong pagmamahal," sabi ni Cotton pagkuway inilabas ang isang litrato ni Third at inilagay iyon sa palad ni Aravana. "Nagkaroon pa ng bunga ang inyong pagmamahalan, batid ko na masakit ang isipin na maaari na mawala ang sanggol sa inyong sinapupunan ngunit hindi ko rin maiwasan ang hangaan ka. Naging matapang ka na harapin ang sakit at pait ng pag-ibig. Kaya bilang regalo ay hahayaan ko na maging masaya ka."

Napangiti si Cotton nang maalala kung paano magpuyat kaka-research si Third, kung paano ito nagpupunta sa mga mabundok na lugar kung saan may mga matatandang katutubo na apo ng mga naging babaylan noon. Sobra-sobra pa sa inaasahan niya ang ginawa nito para lang sa kanyang reyna. Kahit na magmukha na itong ermintanyo dahil sa kapal ng balbas ay hindi nito iyon iniinda at nagpapatuloy pa rin.

Alam niya ang mga bagay na iyon dahil nandoon siya sa tabi nito, siya si Antonette, ang bagong pasok na sekretarya nito sa law firm office. Nagpanggap siya upang subukan ang binata kung gaano nito kamahal si Aravana. At nakita niya ang pagmamahal nito. Napatunayan nito ang pag-ibig para sa kanilang Reyna.

"C-cotton?" hindi na niya napansin nagising na pala si Aravana. "Ano ang iyong ginagawa rito at... Ano ito?" takang tanong nito saka tinitigan ang litrato. Nanlalaki ang mga mata na tumitig ito sa kanya. Akmang magsasalita sana ito nang unahan niya.

"Oo, Mahal na Reyna. Ang iyong nobyo ang nasa maliit na papel na 'yan. Nagtutungo ako mundo ng mga tao at nagpapanggap bilang kauri nila upang makalapit sa iyong nobyo. Binabantayan ko siya at gusto ko na makasiguro na tunay at tapat ang pagmamahal niya para sa 'yo."

"Nagpunta ka sa kanya?"

Ngumiti siya bilang sagot. "Nakikita ko ang lungkot sa mga mata mo kaya hindi ako nakatiis. Inalam ko ang kalagayan ng mortal at tulad mo, malungkot din siya sa pagkawala mo. Naghahanap pa rin siya ng paraan upang makabalik ng Entasia.

Tuluyan nang napangiti si Reyna Aravana. "Kung ganoon ay pinapayagan mo akong magpunta sa mundo niya upang saglit ay—"

"Hindi lang pinapayagan, Mahal na Reyna. Hangad ko ang inyong kaligayahan kaya kung nais mo na manatili na habang buhay sa mundo ng mga tao ay tatanggapin namin. Bilang iyong Dama ay gusto ko na ibigay sa 'yo ang mga bagay na makakapagpasaya sa 'yo," nakangiting sabi niya. "Batid mo ba na isa sa mga ibinilin ni Dama Aniya ay ang siguruduhin ko na maging maligaya ka? At heto na ang pagkakataon, Mahal na Reyna. Batid ko na tanging ang mortal lamang ang makakapagbigay sa 'yo ng kaligayan na hindi makukuha ninuman."

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon