Prologue

3.8K 73 2
                                    

Prologue

NATATARANTA na tumatakbo si Aravana kasama ang kanyang Dama na si Aniya papasok sa loob ng madilim at masukal na gubat. Kailangan kasi nila na makatakas sa mga kawal ni Prinsipe Anikko na siyang humahabol sa kanila.

Si Prinsipe Anikko ay ang lalaking nakatakda niyang pakasalan. Mula pagkabata ay magkakilala na sila nito at tinanggap na niya noon pa man na ito ang kanyang mapapangasawa ngunit isang lihim ang natuklasan niya. Panakip-butas lang pala ang kasalan na iyon sapagkat ang totoong pakay ng prinsipe ay ang kanyang buhay—ang kanyang dugo.

Iaalay siya nito sa isang dragon na siyang isinumpa ng kanyang angkan matagal na panahon na ang nakakaraan. At ang tanging paraan upang mapawalang-bisa ang sumpa ay ang kanyang dugo sapagkat nanggaling siya sa angkan na siyang nagbigay ng sumpa sa dragon. Ngayon na nasa tamang edad na siya ay ito na rin ang kanyang katapusan.

Ngunit hindi papayag si Aravana na sa ganitong paraan magwakas ang kanyang buhay. Marami pa siyang pangarap, marami pa siyang nais gawin.

"Hayon ang prinsesa!" Narinig na sigaw ni Aravana sa di kalayuan.

Nanlaki na lang ang mga mata niya dahil ilang metro na lang ang layo ng mga ito sa kanya. Mas binilisan nila ang pagtakbo.
"Mahal na Prinsesa! Kailangan niyo na makatakas!" sabi ng kanyang dama pagkuway may binigay sa kanya na isang kwentas. "Hawakan mo nang mahigpit ang kwentas na ito at isipin mo ang lugar na maaari mong pagtaguan."

"H-ha? Ngunit saan? Wala akong alam na lugar, Dama Aniya!"

"Kahit saan, Mahal na Prinsesa! Basta makalayo ka lang sa—ah!" Natigil sa ibang sasabihin ang dama dahil may biglang lumipad na palaso rito, tinamaan ito sa puso dahilan para bulwakan ito ng masaganang dugo mula roon.

Napatuptop na lang ng bibig niya si Aravana. Namutla ang maganda niyang mukha dahil sa nasaksihan. "Dama Aniya!" Naiiyak na kinalong niya ang ulo nito.

"K-kailangan niyo na makatakas, Mahal na Prinsesa."

"N-ngunit paano ka?"

"H-hanggang dito na lamang ako. Sige na, mas mahalaga ang buhay niyo," sabi nito pagkuway pumikit na. Anyong wala nang buhay.

Dahan-dahan niya itong ibinaba sa lupa pagkuway hinawakan nang mahigpit ang kwentas na bigay nito.

Mahal na Bathalang Sarajevo! Ako ay dalhin mo sa lugar kung saan ay hindi ako mahahanap ng mga kaaway!

Ilang sandali pa ay biglang lumiwanag ang kanyang paligid. Para siyang nasa loob ng isang ulap at sa labas niyon ay nakikita niya ang mga kawal na sinusubukan siyang lapitan ngunit hindi magawa sapagkat nasisilaw ang mga ito sa mahiwagang liwanag na bumabalot sa kanya.

"Prinsesa Aravana! Magsisisi ka sa ginawa mong pagtakas!"
Narinig niyang sigaw ni Prinsipe Anikko bago siya tuluyang mawala at liparin ng mahiwagang liwanag palayo sa mga kalaban...

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon