Chapter 4

1.3K 50 2
                                    

Chapter 4

MAAGANG bumangon si Aravana. Kagabi kasi ay nagpasya siya na maagang gigising upang ipaghanda ng pagkain ang mortal na kumupkop sa kanya. Ayon kasi kay Cotton, nang tanungin niya ito kung ano ang karaniwan na ginagawa ng isang taga-silbi sa mundo ng tao ay sinabi nito na pagluluto raw.

Kaya heto siya ngayon, kakatapos lang niyang ayusin ang kanyang sarili at pababa na siya ng hagdan. Nagtungo na siya sa kusina at swerte niya dahil siya pa lang ang nando'n. Napangiti pa siya nang marinig niya ang tilaok ng manok tanda na naunahan niya itong magising. Alam niya ang manok dahil tinanong niya ito kay Cotton, may nakita kasi siyang imahe ng manok na nasa lamesa. Sabi pa ni Cotton, noong unang panahon daw ay ang tilaok ng manok ang nagsisilbing orasan upang magising nang maaga ang mga tao.

Napatingala siya sa mga de-lata na nasa maliit na lalagyan sa taas at kumuha ng isa. Nag-iisip siya kung paano ba niya bubuksan ang lata nang bigla ay maramdaman niya ang init na nagmumula sa kanyang likod. Agad siyang napalingon at dahil nakita niya si Third ay bahagya siyang napaatras kaya muntik na tuloy siyang matumba. Mabuti na lang at mabilis siyang nasalo ni Third.

"Ang aga-aga ano'ng ginagawa mo rito?" tanong nito nang bitawan siya.

"Nais ko na maghanda ng iyong pagkain kaya ako nandito. Hindi ba at ang kapalit ng pag-ampon mo sa akin ay magiging isa akong tagasilbi?"

Napakamot ng ulo ang binata at alanganin na ngumiti sa kanya. "Kalimutan mo nang sinabi ko 'yon, hindi ka na magiging katulong dito. Bisita ka na rito kaya malaya ka nang makakagalaw. Isipin mo na sa 'yo rin itong rest house ko."

Nanlalaki ang mga mata na tumitig siya kay Third. "Siyang tunay?" Tumango ang mortal bilang sagot. "Maraming salamat." Malaki ang ngiting sabi niya.

"Tuwang-tuwa ka, ha?"

Kimi na ngumiti si Aravana. "Ang totoo niyan ay wala akong alam na gawain ng tagasilbi kaya natutuwa ako na hindi na ako magiging tagasilbi rito."

Napatango-tango ang binata at ngumiti lang sa kanya. Natitigan tuloy ito ni Aravana. Namamangha ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. At ang ngiti nito, bakit parang pinabilis niyon bigla ang tibok ng puso niya? Parang may kakaiba agad siyang naramdaman dahil sa ngiti na iyon.

"Okay ka lang?" untag sa kanya ni Third at tinapik pa ang kanyang pisngi.

Nagulat pa siya sa ginawa nito. "M-maayos lamang ako. Sige, mauuna na ako," mabilis na niya itong tinalikuran at umakyat sa kanyang silid.

Pagkasara ng pinto ay napahawak siya sa kanyang puso. Mabilis pa rin ang tibok niyon. Talo pa niya ang kabayo na tumakbo nang pagkalayo-layo. Hindi niya alam kung bakit niya kailangan na maramdaman ito ngunit nagugustuhan niya ang bawat pagpintig ng puso niya.
_____

DAHAN-DAHAN na bumaba ng hagdan si Aravana. Umaga na kaya nagpasya na siyang lumabas ng kanyang silid. Dala-dala niya si Cotton habang patingin-tingin sa ibaba. Nais niya kasi makita si Third.

Nasaan na kaya siya?

"Mahal na Prinsesa, mag-ingat ka at baka humaba na ang leeg mo."

"H-ha?" inosente niyang tanong.

"Hinahanap mo ang mortal, 'di ba? Hay naku, malala ka na. Nakikita ko na sa hinaharap ay magkakaroon ka ng isang kumplikadong problema sa pag-ibig."

"Ano ka ba, Cotton? Pag-ibig agad? Wala akong paggusto sa mortal na 'yon."

"Naku, iba ang sinasabi ng bibig sa sinasabi ng puso. Ngunit ngayon pa lang ay—"

"Uulitin mo na naman ba ang tinuran mo sa akin noong nakaraang araw? Alam ko na bawal at nakatanim na iyon sa aking isip. Hindi ako gagawa ng bagay na aking ikakasakit sa huli."

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon