Chapter 13

370 6 0
                                    

Chapter 13

"MAHAL na prinsesa..."

Napalingon si Aravana sa nagsalita, si Ertano ang nakita niya kasama ang sampo sa mga kawal ng Larisia.

"Natapos na ang digmaan, nagapi namin ang ating mga kalaban. Ngunit sampo sa aking mga kasama lamang ang nakaligtas mula sa malulupit na kamay ng mga Allejian," malungkot na balita nito sa kanya pero parang hindi niya narinig iyon, inusisa lang niya ang hitsura ng mga ito ngayon.
Duguan at puro galos ang mga ito. Naaawa ang mga mata na nilapitan niya ang mga ito. Lumuhod siya kay Ertano at hinawakan ang mukha nitong may mahabang hiwa sa kaliwang pisngi kaya inaagusan ng masaganang dugo.

"M-mahal na Prinsesa..."

"Sshh, hayaan mo na gamitin ko ang aking kapangyarihan na magpagaling upang maghilom ang inyong mga sugat."

Natahimik naman si Ertano at hinintay ang kapangyarihan ni Aravana. Pumikit ang mga ito habang si Aravana ay itinaas ang mga kamay at inalayan ng kapangyarihan upang pagalingin ang mga kawal. Ilang sandali pa ay gumaling na nga ang mga ito. Namamangha na tumitig ang mga kawal sa prinsesa sabay yuko bilang pasasalamat sa kanya. Napangiti na lang si Aravana.

"N-nasaan si Third? Bakit kayo lamang ang nandito?"

Hindi agad nakasagot si Ertano. May lungkot sa mga mata nito. Ilang sandali pa ay biglang lumitaw sa kanyang harapan ang kaluluwa ni Percival. Sa pagkakataon na iyon ay nakaramdam na siya agad ng kaba. Bakit nasa labas ng katawan ni Third si Precival? Ano na ang nangyari sa kanyang mahal?

"Kailangan ng mortal ang iyong tulong, Mahal na Prinsesa."

"N-nasaan siya?"

"Nasa tarangkahan ng bayan na ito. Iniwan ko siya roon na nag-aagaw buhay."

Halos ay kapusin ng hininga si Aravana dahil sa narinig mula kay Percival. Mabilis na niyang tinungo ang tarangkahan at doon ay naabutan niya si Third na mahigpit ang hawak sa dibdib nitong binubulwakan ng sariwang dugo.

"Ginawa ng mortal ang lahat upang mapaslang si Prinsipe Anikko. Nagtagumpay siyang magapi ang prinsipe ngunit naisahan siya nito at naitarak ang espada sa kanyang puso," kwento ni Percival ngunit hindi na ito pinansin ni Aravana dahil agad na niyang niyakap ang duguan at nag-aagaw buhay na katawan ni Third.

"Aravana..."

"Mahal ko, huwag ka nang magsalita. Pagagalingin kita," nakangiti niyang sabi pagkuway akmang gagamutin ito gamit ang kanyang kapangyarihan ngunit tila wala iyong silbi ngayon. Hindi gumagana ang kapangyarihan niyang manggamot. Kahit anong pilit niya ay walang silbi iyon. "Mahabaging Bathala!"

"Mahal na Prinsesa, hindi gagana ang kapangyarihan mo sa mortal sapagkat may sumpang hatid ang talim ng espada ni Prinsipe Anikko," hindi na napansin ni Aravana ang pagdating ni Cotton kasama ang ibang mangkukulam. May hawak-hawak itong espada na sa hula niya ay ginamit sa pagpatay kay Third.

Minasdan niya nang maigi iyon at ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang mga nakaukit na salita doon. Isang sumpa kung saan ang bawat matatamaan ng talim ng espada ay hindi na maaaring mabuhay pa.

"A-aravana, mahal kita... M-mahal na mahal kita..."

Huling mga salita na sinabi ni Third bago tuluyang mawalan nang buhay. Nakita ni Aravana kung paano ito mawala. Pakiramdam niya ay nanigas siya mula sa kinauupuan niyang lupa. Kalong-kalong pa rin niya ang walang buhay na katawan ng binata.

"Gumising ka, nakikiusap ako. Huwag mo akong iwan." Pilit niya pa rin itong niyuyugyog ngunit wala na talaga. "Imulat mo ang iyong mga mata! Nangako kang hindi ako iiwan! Nangako ka!"

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon