Chapter 9

443 10 0
                                    

Chapter 9

HINDI mapigilan ni Third ang tingnan si Aravana habang nasa biyahe sila. Sakay sila ngayon ng kanyang kotse at pupunta sila sa Ligñon Hill—isang kilalang tourist destination dito sa Legazpi City. Inaya niya ito kaninang umaga pa kaya naman halata tuloy rito na inaantok pa. Napangiti na lang siya. Paano ay pinipigilan nito ang huwag mapapikit.

"Hey, okay ka lang ba?" untag niya rito pagkuway kinuha ang kamay at pinisil nang marahan. "Pasensya ka na, ha? Maaga kitang ginising para pumunta rito, bigla ko na lang kasi naisip na ipasyal ka para naman maarawan ka kahit na paano. Ilang linggo ka na kasi na laging nasa loob ng rest house ko."

Mula nang makidnap ito nang hindi sinasadya ay hindi na ito makalabas ng bahay. Naisip niya na siguro natatakot na ito sa ibang tao kaya ganoon. Kaya ngayon ay gusto niya na ihalubilo ito sa iba. Gusto niya na ipa-realize na hindi lahat ay masasama. Gusto rin niya na mawala ang takot nito. Ang tungkol naman kay Irine, kanina ay nakasalubong niya ito pero katakataka na hindi siya nito pinansin. Talagang hindi siya nakikilala. Hindi naman sa naiinis siya pero nakakapagtaka lang talaga. Pero wala na siyang pakialam sa babaeng iyon. Maganda nga itong walang ibang babae na umaaligid sa kanya dahil nagsisimula na siyang ligawan si Aravana. Gusto niya na maging good shot siya palagi rito.
Anyway, ginising niya ang dalaga ng alas quatro ng madaling araw para maagang makapaghanda. Dito kasi sa Ligñon Hill ay maganda ang view lalo na kapag ganoong oras dahil sabay na masasaksihan ang pagsikat ng araw. Balak pa nga ni Third na magpaabot ng gabi rito dahil tulad kapag madaling araw ay maganda rin ang view doon dahil makikita ang paglubog ng araw at ang nagkikislapang mga ilaw galing sa ibabang siyudad ng Legazpi. Siguradong ma-e-enjoy rin nilang dalawa ang malamig na hangin na galing sa dagat.

Ngumiti ang dalaga nang balingan siya. "Maayos lang ako, Third. Salamat sa iyong pag-aalala sa akin."

"You're welcome. Alam mo naman, gusto ko na maging maayos ka habang nasa poder ko. Anyway, mawawala 'yang antok mo kapag nasa Ligñon Hill na tayo. Maganda roon lalo na kapag ganitong oras dahil malamig ang hangin mula sa light house na pupuntahan natin."

Muli ay ngumiti ang dalaga at umaayos na nang upo. Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa light house ng Ligñon Hill. May mga turista na silang naabutan sa view deck at talagang inaabangan ang paglitaw ng haring araw. Pumuwesto sila ni Aravana roon sa walang tao, gusto kasi ni Third na masolo lang niya ngayon ang dalaga.

Nang nandoon na sila ay sabay nilang pinagmasdan ang paglitaw ng araw. Lihim na lang na napangiti si Third dahil ngayon ay malaya niyang pinagmamasdan ang dalaga. Kitang-kita niya mula sa mga mata nito ang saya habang nakatitig sa sinag ng araw. Halos ay hindi na nga siya napansin nito.

Mayamaya lang ay napansin niya na niyakap nito ang sarili at bahagyang kiniskis ng mga kamay nito ang magkabilang braso. Alam niyang nilalamig ito, kahit naman siya ay nilalamig din. Nakasuot na siya ng jacket pero nanunuot pa rin ang malamig na hangin na humahampas sa kanila. Pero kahit na ganoon ay hindi niya hahayaan na lamigin si Aravana. Hinubad niya ang jacket at ipinatong iyon sa mga balikat nito pagkuway niyakap niya ito nang patalikod.

Napatingin sa kanya ang dalaga, anyong nagtataka. Pero nginitian lang niya ito.

"Malamig na kasi. Ayaw kong magkasakit ka," sabi niya pagkuway hinalikan ang tuktok ng ulo nito.

"Maraming salamat, Third," nginitian siya nito pagkuway ibinaling ulit sa harapan ang mga mata. "Batid mo ba na hindi ako nakakapunta sa mga ganitong lugar sa mundo namin?"

"Bakit? Wala bang ganitong lugar sa mundo niyo?" Nakangiti niyang tanong. Alam niya na ang tinutukoy na naman nito ay ang sarili nitong mundo, ang kaharian nito na hanggang ngayon ay hindi niya pinapaniwalaan at wala na siyang pakialam kung ano man iyon kaya sasakyan na lang niya ang dalaga.

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon