Chapter 14

520 6 0
                                    

Chapter 14

"PAANO mo magagawang kalimutan ang mortal kung palagi ay pinagmamasdan mo siya sa bolang krystal na 'yan, Mahal na Reyna?"

Nasa harapan ngayon ni Aravana si Cotton bilang ito ay ginawa niyang kanyang kanang kamay habang siya ay namumuno sa Kaharian ng Larisia.

Siya na ngayon ay reyna na namumuno sa Larisia. Si Aravana na ang nagsisilbing ilaw para magkaroon ng liwanang ng pag-asa ang kanyang nasasakupan. Matapos ang naganap na digmaan laban kina Prinsipe Anikko ay tinipon niya ang lahat ng mga Larisian at mangkukulam na tumulong sa kanil ay nagkaisa ang mga Entasiano para mapilit siyang pamunuan ang Larisia. Ayaw niya sana pero naaawa siya sa mga diwata dahil naghahanap ang mga ito nang masasandalan.

Kaya naman pumayag na rin siya. Ngayon ay naging maayos na ulit ang Kaharian ng Larisia. Hindi pa ito ganoon kaunlad tulad ng dating kaharian na pinamumunuan ng kanyang ama ngunit unti-unti silang bumabangon.

Samantala ang mga naiwan naman na mamamayan ng Kaharian ng Alleje ay nandoon pa rin sa lugar nila. Binigay niya ang pamumuno ng kaharian kay Ertano. Isa kasi sa pinagkakatiwalan ng kanyang ama noon si Ertano at ngayon ay napatunayan nito ang sarili matapos na magwagi sa digmaan. Kasalukuyan ay pinapaunlad naman nito ang sariling kaharian. Ang mga mangkukulam naman na dati ay nasa bayan lang ng Azaria ay malaya na rin nakakagalaw sa mundo ng Entasia na walang kahit na anong alalahanin sa buhay ng mga ito.

At si Third? Malungkot na itinabi niya ang bolang krystal. Namatay ito nang araw na masaksak sa puso. May sumpa ang espada na ginamit dito kaya hindi na niya nagamit pa ang kapangyarihan niyang gamutin ito.
Hindi niya kinaya nang makitang wala ng buhay ang binata at naawa naman sa kanya si Cotton. May sinabi ito na maaari pa nilang mabuhay si Third, may magagawa pa ito upang baliktarin ang sumpa na hatid ng espada ni Prinsipe Anikko. Pumayag naman siya basta mabuhay lang si Third ngunit hindi naman niya akalain na kapag nabuhay na ito ay mawawalay na ito sa kanya.

Iyon kasi ang sinabi ni Cotton. Magbabalik sila sa mundo ng mga tao at doon sa mundong hindi sakop ng Entasia ay maaari nilang gawin ang ritwal ng pagbabalik ng kaluluwa nito. Nagawa nang maayos ni Cotton ang ritwal, naibalik nila ang kaluluwa ni Third at nagawa na rin niyang gamutin ang sugat sa puso nito.

Masaya siyang makita na buhay ang binata pero hindi na nila maaari na ipagpatuloy ang kanilang pagmamahalan. May kaharian na siya na dapat unahin, maraming Larisian ang umaasa sa kanya bilang bagong reyna. Ayaw man niya pero isinakripisyo niya ang pagmamahal niya dito. Nang araw na iyon ay ginamit ni Cotton ang kapangyarihan upang palabasin na hindi nangyari ang lahat. Ibinalik niya ang eksena kung saan sila unang nagtagpo ni Third.

"Tinatawag niya ang aking pangalan, Cotton. Hindi niya kaya na wala ako sa kanyang tabi." Garalgal ang boses ni Aravana habang pinupunasan ang luha sa kanyang pisngi.

"Isinuko mo na ang iyong pag-ibig sa mortal. Nandito ka bilang aming reyna sapagkat iyon ang kagustuhan mo."

"Batid mo na hindi ko kagustuhan na maging Reyna ng Larisia. Naawa lamang ako sa nasasakupan ng Larisia ngunit ang puso ko ay wala rito. Nandoon na sa mundo ng mga tao. Na kay Third na ang puso ko at hindi ko alam kung magagawa ko pang bawiin iyon. Pakiramdam ko ay wala akong pinagkaiba sa isang kaluluwa. Heto ako at nakikita niyo ngunit—"

"Mahal na Reyna..." hindi naman maiwasan ni Cotton ang maawa sa kanya. Kitang-kita niya iyon sa mga mata nito.

Napabuntong-hininga na lang siya. Naalala niya bigla ang kwento ng alamat ng bulkang Mayon na ikinuwento sa kanya ni Third. Parehas man na namatay si Daragang Magayon ay Gat Malaya ay magkasama pa rin ang mga ito sa iisang hukay. Naisip niya tuloy na sana ay parehas na lang sila namatay ni Third upang kahit na paano ay magkasama sila. Alam niya na mali na kanyang isipin iyon ngunit ano ang magagawa niya? Nagmamahal siya at kahit na anong paraan para lang makasama niya si Third ay gagawin niya. Kahit na kapalit pa ay buhay nila.

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon