Chapter 12

400 11 0
                                    

Chapter 12

"TOTOO ba ang iyong mga sinambit? Nandito na talaga si Prinsesa Aravana?" Nangingislap ang mga mata na muling tanong ni Prinsipe Anikko kay Apric na siyang nagdala ng magandang balita tungkol sa pagbabalik ni Aravana.

"Siyang tunay, Mahal na Prinsipe. Nakita sila ng ating mga kawal na lumabas sa isang puno."

"Sila? May ibang kasama ang prinsesa?"

"Oo, Mahal na Prinsipe. Ayon sa ating mga kawal, ang kasama ng prinsesa ay isang hayop na hindi mawari ang katawagan at isang mortal. May kakaibang kasuotan sila nang dumating dito sa Entasia."

Napangisi ang prinsipe saka tumayo mula sa pagkakaupo sa trono. "Nanggaling si Prinsesa Aravana sa mundo ng mga tao. Kung nalaman ko lang agad na roon siya nagtatago ay sana nagtungo na ako roon. Mas maaga ko sanang nakuha ang prinsesa ngunit nandito na siya at abot na ng aking mga kamay."

"Nalalapit na ang muling pagkabuhay ng dragon, Mahal na Prinsipe."

"Hindi na ako makapaghintay na maging makapangyarihan upang masakop ang buong Entasia. Kaya ihanda ang ating magigiting na mga kawal. Ngayon din ay magtutungo tayo sa kinaroroonan ni Prinsesa Aravana. Oras na upang siya ay ating kunin."

"Masusunod, Mahal na Hari."
Sa narinig na tinawag sa kanya ni Apric ay napangisi si Prinsipe Anikko. Mayamaya ay biglang naging halaklak iyon, palakas nang palakas hanggang sa sakupin na ng boses nito ang punong bulwagan ng Larisia.
_____

BIGLANG napabalikwas ng bangon si Aravana dahil sa isang masamang panaginip. Si Prinsipe Anikko raw ay biglang dumating habang kayakap niya si Third. Sinaksak nito sa likod ang binata. Namutla ang maganda niyang mukha nang makita itong unti-unting bumabagsak sa kanyang harapan, binubulwakan ng masaganang dugo ang bibig nito.

Sinubukan niya itong iligtas ngunit hinila na siya ni Prinsipe Anikko at isinakay sa kabayo upang dalhin sa Kaharian ng Larisia. Doon daw gaganapin ang ritwal upang makuha ang kanyang dugo.

Sa kanyang panaginip pa ay nakita niya ang sarili na itinali sa isang kahoy na hugis krus, nandoon si Prinsipe Anikko at unti-unting hinihiwa ang kanyang balat, mula sa sugat niya na may tumutulong dugo ay sinasalo naman iyon ng baso na gawa sa ginto. Nang maubos ang dugo niya ay doon na siya namatay. Bigla siyang pinanlamigan ng katawan. Ayaw niyang may magbuwis ng buhay. Ayaw niyang may mawala na mahal niya sa buhay. Tama na ang sakit noong nawala ang kanyang amang hari.

"Aravana? Bakit bigla kang bumangon?" Napatingin siya kay Third. Katabi niya ito sa kama at kakatapos lang nilang angkinin ang isa't isa.

"Masama ang aking panaginip. Namatay raw ako dahil nagtagumpay si Prinsipe Anikko upang ialay ang aking dugo sa dragon. At ikaw, sinaksak ka niya at namatay ka rin. Nakita ko rin ang buong Entasia na bumagsak sa kamay ni Anikko. Napakadilim at puno ng takot ang aming lahi."

"Panaginip lang 'yon, Aravana. Kabaligtaran ng mangyayari sa totoong buhay ang panaginip mo. Kung doon ay namatay tayo at nagtagumpay ang gagong prinsipe na 'yon, puwes sa magiging laban namin ay hindi ko hahayaan na makuha ka niya."

Napayuko si Aravana. "Hindi ko lang maiwasan ang matakot. Siguradong alam na ng prinsipe na nagbalik na ako sa Entasia kaya anumang sandali ay darating siya upang magsimula ng digmaan. Kung maaari ko lamang pigilan ang nagbabadyang laban ay gagawin ko ngunit hindi ko kaya. Ayoko na pati itong bayan ng Azaria ay bumagsak tulad ng aming kaharian."

Napabuntong-hininga si Third. Kinabig siya nito at niyakap. "Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa 'yo o sa pinakamamahal mong mundo. Nangako ako sa 'yo, 'di ba? Palagi kitang poprotektahan, aalagaan, lagi lang akong nasa tabi mo."

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon