Chapter 3

1.4K 43 1
                                    


Chapter 3

NAALIMPUNGATAN si Aravana dahil sa mahinang tapik sa kanyang pisngi. Nagmulat siya ng mga mata at doon ay sumalubong sa kanya ang mortal na halos ay nakadukwang na ang mukha sa kanya.

Nanlalaki ang mga mata na akmang tatayo sana siya ngunit nauntog lang siya sa sulok ng pinto na kinauupuan niya. Nasa loob pa pala siya ng sasakyan. Napahawak na lang siya sa kanyang ulo na nauntog.

"O, nabigla 'ata kita. Sorry, ha? Okay ka lang ba?" Nag-aalalang tanong nito sabay hawak sa kanyang ulo na nauntog. Hinaplos din nito iyon.

"O-oo, maayos lang ako. Siya nga pala, nasaan na ba tayo? Anong bayan na ito?"

"Nandito na tayo sa rest house ko."

"Sa iyong santuwaryo?"

"Yes," tumango pa ang binata bilang sagot.

Ilang sandali pa ay lumabas na sila ng sasakyan at pumasok sa loob ng santuwaryo raw ni Third. Ibang-iba ang hitsura nito kaysa sa kanilang santuwaryo sa Entasia. Sa kanila kasi ay nasa gitna ng isang maliit at mababaw na lawa nakahimlay ang kanilang Bathala na si Sarajevo, gawa sa isang bato ang rebulto nito. Sa loob ng lawa ay kailangan na mag-alay ng isang dasal na magtatagal ng buong araw, nakaluhod sila sa mababaw na lawa habang taimtim na magdadasal. Ginagawa nila iyon upang tuparin ni Bathala ang kanilang hiling. Nag-aalay rin sila ng mga prutas at alak dito.

Ang santuwaryo naman na nakikita niya rito sa rest house kung tawagin ni Third ay may mga upuan—hinawakan niya iyon at namangha na lang siya dahil may malambot na sapin iyon, may mga malalaking banga at mga imahe na nasa hugis kahon na nakasabit sa dingding. Wala siyang makita na kumakatawan sa isang Bathala. Magkaganoon man ay hindi niya maiwasan ang humanga. Kahit na walang Bathala rito ay napakaganda naman ng paligid. Parang nakakagaan ng pakiramdam sa kanya. Malamig sa kanyang mata ang nakikita niyang mga kulay dito. Pakiramdam pa niya ay hindi siya nalayo sa kanilang kaharian.
"Bakit parang nagtataka ka sa nakikita mo sa paligid mo?" tanong sa kanya ni Third.

"Kasi kakaiba itong santuwaryo mo. Subalit maganda naman ito."

"Thanks. Anyway, ihahatid na kita sa guest room mo. Pansamantala ay roon ka muna at—Manang Kateng!" tawag nito sa isang babae na kalalabas lang sa isang pinto. May edad na ito base sa nakikita niyang gatla sa paligid ng mata at noo nito. Maputi na rin ang buhok na hanggang batok ang haba. "This is Aravana, my guest here. Please take good care of her, okay?"

"Okay po, Señorito." Magiliw na nginitian siya ng babae. "Welcome po rito, Ma'am."

Napatingin siya kay Third. Paano ay hindi niya kasi naintindihan ang sinabi nito.

"Kinagagalak ka raw niya na makilala," sabi ni Third.

"Ah, iyon ba? Ako rin ay ikinagagalak na makilala ka," inabot niya ang kamay nito.

Ngumiti naman sa kanya ang matanda. Matapos niyon ay inilibot muna siya ni Third sa loob ng kabahayan. Itinuro nito sa kanya ang sala kung saan tumatanggap ng bisita, kusina kung saan doon daw gumagawa ng pagkain pati ang hapag-kainan ay itinuro nito.

"Nakakamangha talaga ang mga kagamitan sa mundo ng mga tao, hindi ba, Cotton?" sabi niya sa kanyang isip.

"Siyang tunay, Mahal na Prinsesa, ngunit marami ka pang mga bagay ang makikita rito. Mas nakakamangha iyon."

"Nasasabik na ako."

Ilang sandali pa ay umakyat sila sa isang magarang hagdanan, dinala siya ni Third sa isang silid. Napakurap na lang siya dahil sa ganda ng paligid. Hindi man ito ganoon mayaman sa mga palamuti pero sapat na ang pakiramdam na para siyang nasa sarili niyang silid sa Larisia. Malamig at sariwa ang hangin na pumapasok mula sa balkonahe ng kanyang magiging silid.

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon