Chapter 6

1.7K 46 3
                                    

Chapter 6

"NAPAKAGANDA naman nitong handog sa 'yo ng mortal!" Namamanghang sabi ni Cotton habang nakatitig sa damit na nakalatag sa kama.

Kulay puti iyon na hanggang tuhod ang haba. May mga makikininang na palamuti sa may bandang dibdib, may kasama rin iyon terno na mga alahas. Meron din sapatos na puti rin ang kulay at may takong iyon na ang haba ay nasa tatlong pulgada.
Kadarating lang nitong regalo at agad na binuksan nila upang makita. Kahit si Aravana ay namangha sa ganda ng damit. Nasasabik na nga siyang isuot iyon upang maipakita kay Third. Magugustuhan kaya nito? Mas magandahan pa kaya ito sa kanya? Maakit kaya niya ito?

Kusa siyang natigilan sa huling naisip. Mahabaging Bathala! At kailan pa niya naisip ang salitang akit?

"May problema ba, Mahal na Prinsesa? Tila napakalalim ng iyong naiisip?" untag sa kanya ni Cotton na tumabi sa kanya.

"Wala akong problema. Huwag mo akong alalahanin." Kimi siyang ngumiti rito saka kinuha ang damit at hinaplos ang malambot na tela.

Hindi niya masabi kay Cotton ang mga nararamdaman niyang kakaiba para kay Third. Sigurado kasi na sesermonan siya nito at alam niya na pagbabawalan siya nito upang itigil na ang kanyang nararamdaman. Hindi na niya kaya pang pigilan ang namumuong paghanga para sa mortal. Nagkaroon na ito ng puwesto sa kanyang puso, nakapasok na ito kaya paano pa niya aalisin ito? Tulad nitong nakaraang araw na nasa Cagsawa Ruins sila at magkayakap na sinalo ang malakas na ulan ay mas lalong tumibay ang kapit nito sa kanya. Naalala pa nga niya ang sinabi nito, "Pinapasaya mo ako, alam mo ba 'yon?"

Aaminin niya sa kanyang sarili na nakaramdam siya ng tuwa at biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Kilig, tama, iyon ang naramdaman niya. Hindi nga siya nakasagot dito dahil hindi niya alam ang sasabihin. Naisip niya tuloy na ganoon ba talaga kapag sobra ang sayang nararamdaman? Halos wala nang masabi. Kaya nga niyakap na lang niya nang mahigpit si Third upang sa pamamagitan niyon ay maramdaman nito na masaya siya na napapasaya ito.

"Alam mo, Cotton, napakaligaya ko na napunta ako sa mundo ng mga tao. Masaya ako na nakilala ko Third. Naisip ko na kahit nalayo ako sa ating totoong mundo ay tila ba nagkaroon ulit ako ng pag-asa na mabubuhay ako sa bagong mundo ko ngayon."

"Mahal na Prinsesa, ipinapaalala ko lamang sa 'yo na hindi tayo magtatagal na mananatili sa mundong ito. Oo at ligtas tayo laban kay Prinsipe Anikko ngunit darating pa rin ang araw na kailangan mong magbalik sa iyong totoong mundo, ang Entasia. Kailangan ka rin ng iyong totoong tahanan, ang Larisia. Nakakalimutan mo na ba? Nasa ilalim ng pananakop ang inyong kaharian nang lisanin mo ang Entasia, kailangan ka ng mga Larisian sapagkat ikaw ang sunod na magiging reyna na mamumuno sa 'yong kaharian."

Biglang nalungkot ang mga mata ni Aravana pagkaalala sa Larisia. Kumusta na kaya ang kanilang kaharian? Ang kanyang ama kaya? Nakaligtas ba ito laban kay Prinsipe Anikko?

"Ipagpaumanhin mo kung kailangan kong ipaalala ang inyong kaharian ngunit iyon lamang ang paraan na aking nakikita upang hindi ka mawili sa mundong ito."

"Naiintindihan ko, Cotton, ngunit maaari ko bang malaman kung ano na ang nangyari sa aking ama?"

Biglang natigilan si Cotton. "Ipagpaumanhin mo ngunit hindi ko batid," mababang ang boses na sabi nito. Saglit na hindi nagsalita. "Siyanga pala, napapansin ko na nagiging malapit ka masyado sa mortal na iyon. Hindi ba at nagbilin ako upang-"

"Alam ko, Cotton, hindi mo na kailangan pang ulitin ang bagay na iyon." May paninindihan ang boses na sabi niya pero sa totoo lang ay labas sa ilong iyon. Ayaw niya lang kasi na sabihin ni Cotton na umiwas na siya kay Third dahil alam niya sa kanyang sarili na hindi niya makakaya iyon.

_____

NAPANGITI na lang si Aravana habang pinagmamasdan ang sarili sa malaking salamin. Suot na niya ang damit na pinasadyang itahi para sa kanya. Heto na ang araw kung saan dadalo sila sa isang piging.

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon