Chapter 2

1.8K 48 4
                                    


Chapter 2

NAPABUNTONG-HININGA na lang si Aravana nang lumapat pasara ang pinto na nilabasan ng lalaking aampon sa kanya.
Batid ni Aravana na nawi-wirduhan ito sa kanya lalo na sa klase ng kanyang pananalita ngunit ano ang magagawa niya? Ito na ang nakalakihan niya. Sa Entasia kung saan naninirahan ang mga diwata na tulad niya ay iisang lengguwahe lang ang ginagamit at pasalamat na lang siya dahil naiintindihan ito ng mortal kahit na paano. May isa pang lengguwahe ang ginagamit ng mortal at hindi niya maintindihan iyon, tuloy ay natatakot siya na baka may sinasabi na ito laban sa kanya.

Oo at sinabi niya na nagtitiwala siya rito ngunit hindi naman siguro mawawala ang takot niya lalo pa at nasa ibang mundo siya, sa mundo pa ng mga tao. Noong bata siya ay palagi siyang kinukwentuhan ng kanyang amang hari na nakakatakot daw sa mundo ng mga tao dahil naglipana raw ang mga tao na mahilig sumira sa kalikasan, nandoon na rin ang mga tao na gumagawa ng masama laban sa kapwa.

Pero gano'n din naman sa mundo namin. Walang pinagkaiba ang mundo ng mga tao sa Entasia. Lahat ay nagiging sakim at ganid nang dahil sa kapangyarihan.

Napailing siya. Oo nga, gano'n din sa mundo niya. Hinahabol nga siya ng prinsipe upang kunin ang kanyang dugo. Hindi siya papayag na mangyari iyon. Ayaw niyang mamatay sa gano'ng paraan.

Sa mundong iniwan niya ay nagkaroon ng digmaan laban sa dalawang kaharian. Ang Kaharian ng Larisia, kung saan siya ay prinsesa at Kaharian ng Alleje kung saan ay prinsipe naman si Anikko. Sumiklab ang digmaan nang ipaalam niya sa kanyang amang Hari na si Demitriv ang totoong plano ni Prinsipe Anikko tungkol sa gagawin nitong pagpapalaya sa sumpa ng dragon.

Mas nagalit pa ito nang kanyang ipaalam na ang dugo niya ang gagamitin ni Prinsipe Anikko upang mapalaya ang dragon. Kaya naman inihanda nito ang mga magigiting na kawal ng kanilang kaharian upang sumugod sa Kaharian ng Alleje ngunit naunahan na sila ng tusong prinsipe. Nasa tarangkahan na pala ito ng kanilang kaharian at naghahanda na rin sa pagsugod.

At sa gitna ng digmaan ay dumating si Dama Aniya sa kanyang silid...

"Mahal na Prinsesa! Kailangan niyo nang umalis ngayon dahil natatalo na ng prinsipe ang ating mga kawal!" Nangangambang sabi nito sa kanya. Bakas sa mukha ang matinding takot.

"Ang aking ama? Ano na ang nangyari sa mahal kong ama?" Napatayo siya sa kinauupuan dala ng matinding kaba.

"Nandoon siya sa punong bulwagan at pinipigilan ang pinuno ng mga kawal na huwag makapasok sa inyong silid. Ikaw ang pakay nila, Mahal na Prinsesa."

"Mahabaging Bathala!"

"Kailangan na natin umalis!"

"Ngunit paano si Ama?"

"Makakaligtas siya. Iyon ang pangako niya nang ibilin niya sa akin na protektahan ka."

Napatango na lang si Aravana. May tiwala siya sa kanyang ama, sinabi nito na makakaligtas ito mula sa digmaan at alam niya na tutuparin nito iyon. Wala pang pangako ang kanyang ama sa kanya ang napako kaya alam niya na makakaligtas ito. Kaya naman kahit ayaw niya na umalis ay sumunod na rin siya sa utos ng kanyang Dama.

Dumaan sila sa bintana ng kanyang silid gamit ang pinagdugtong-dugtong na mga kumot na magsisilbi nilang hagdan upang makababa sila. Nang magawa ay sumuong sila sa madilim na kagubatan. Pero may nakakita sa kanilang isang kawal na taga-Alleje kaya sinundan sila nito. At doon na nga namatay ang kanyang dama nang tamaan ito ng palaso ng kalaban. At ang mga sumunod na nangyari ay napunta na siya sa mundo ng mga tao gamit ang kwentas na bigay ni Dama Aniya.

Bigla siyang nalungkot nang maalala si Dama Aniya. Kaawa-awa naman ang sinapit ng aking pinakamamahal na Dama. Hindi ko man lang siya nabigyan nang maayos na libingan. Bathalang Sarajevo, kayo na ang bahala sa aking dama. Nawa'y kasama niyo na siya sa inyong palasyo sa kabilang buhay.

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon