Pumunta siya roon at hinawi ang puting kurtina. Doon ay nasilayan niya ang isang magandang tanawin. Mula kasi sa kanyang kinatatayuan ay nakikita niya ang asul na dagat at ang luntian na kulay niyon sa may dulo kung saan meron isang napakalaking bundok na hugis tatsulok.

"Ang ganda naman dito. Ano pala ang tawag doon?" turo niya sa bundok na hugis tatsulok.

"'Yan ang Mayon Volcano. Isa 'yan sa top tourist attraction dito sa probinsya ng Bicol," sagot nito nang makalapit sa kanya.
"Napakaganda at perpekto ang hugis niya," sabi niya habang nakatingin sa matayog na bulkan.

"Yeah, anyway, alam mo ba na may nakakamanghang alamat kung paano nabuo ang Bulkang Mayon?"

"Alamat?"

"Oo. Teka, hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng alamat?" Umiling si Aravana. "Ang alamat ay isang kwento tungkol sa pinagmulan ng mga bagay sa mundo. Katulad niyan." Sabay turo sa bulkan. "Sabi sa alamat, may magandang dalaga raw noon ang nabuhay dito sa Albay. Si Daragang Magayon, ang ibig sabihin ng pangalan niya ay 'Magandang Dalaga'. Dahil sa kagandahan niya ay maraming kabinataan ang nanligaw sa kanya, isa na roon si Pagtuga. Pero ayaw ni Magayon sa lalaki kaya tinanggihan niya ito agad."

"Tinanggihan ang pag-ibig?"

"Oo, kasi sakim sa kayamanan si Pagtuga at ayaw ni Magayon sa ganoon. Pero isang araw ay may dumating na lalaki, si Ulap. Siya ngayon ang nagpatibok sa puso ni Magayon. Naging magkasintahan sila hanggang sa nagpasya na silang magpakasal. Umalis si Ulap para sunduin ang kanyang mga magulang pero nang pagbalik niya ay wala na si Magayon."

"Anong nangyari sa kanya?"

"Wow, mukhang interesado ka sa kwento ko, ha?"

Kimi na ngumiti si Aravana. "Hindi naman." Pero ang totoo ay naisip niya na magkaparehas sila ng kwento ni Daragang Magayon. Hindi ba at tinanggihan o sa madaling sabi ay tinakasan niya si Prinsipe Anikko at heto siya ngayon, may nakilalang isang mortal sa katauhan ni Third. "Maaari mo bang ituloy ang kwento?"

"Sure! So, nalaman ni Ulap na kinuha pala ni Pagtuga si Magayon. Pinipilit na pakasalan ito. Napilitan si Magayon sa gusto ni Pagtuga kasi pinagbabantaan siya nito na papatayin ang ama. Kinuha rin kasi ni Pagtuga ang ama ni Magayon. Nang araw ng kasal ay dumating si Ulap at binabawi na si Magayon pero hindi pumayag si Pagtuga kaya nagkaroon ng laban sa pagitan nila."

"Sino ang nagwagi? Naging matagumpay ba ang pagmamahalan ni Magayon at Ulap?"

"Well, sadly hindi. Parehas kasing namatay sina Magayon at Ulap nang tamaan ng sibat ng kanilang kalaban. Namatay din si Pagtuga. Tapos, nilibing sila sa iisang hukay."

"S-sa iisang libingan?"

"Oo, tapos hayan, sa pinaglibingan nila ay biglang may umusbong na isang bundok. At ito na ang tinatawag na Mayon Volcano. O, bakit ka nalungkot?"

"N-nakakalungkot kasi ang kuwento nila. Hindi man lang sila nabigyan ng pagkakataon ng kanilang Bathala upang maging maligaya. Sa aking hula ay napakaiksi lamang ng kanilang pinagsamahan."

Napabuntong-hininga si Third at inakbayan siya.

"Alam mo, wala naman sa haba o iksi ng pinagsamahan para masabi mo na naging masaya o malungkot ang isang tao. Nasa paano mo pinahalagahan ang isang tao habang kasama mo siya. Maiksi lang kasi ang buhay kaya nga sabi nila mahalaga ang bawat minuto. Hindi dapat sinasayang."

"Ikaw ba, naranasan mo na ba ang magpahalaga sa isang tao?"
"Well, may mga pinahalagaan ako noon. 'Yong mga magulang ko pero wala na sila, maaga silang kinuha."

"Pero naranasan mo na ba ang magmahal?"

Napaubo si Third sa tanong niya. "Well, hindi pa naman."

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon