Napatingin siya sa lamesa na nasa gilid ng kamang kinahihigaan, nandoon ang damit niyang nakatupi, sa tabi niyon ay may supot kulay puti kaya nalaman niya na nandoon ang mga gamit niya.
Kinuha niya iyon at tiningnan ang laman. Nandoon ang kwentas niya na binigay ni Dama Aniya bago ito mamatay. Nilabas niya iyon mula sa lalagyanan at pinakatitigan ang kwentas na iyon.
Hugis kabibe iyon na may salamin sa gitna. Kasing-laki iyon ng kanyang palad. Napapalamutian iyon ng mga dyamante. Ang alam niyang tawag dito ay Aliya Daya, ngunit ipinagbawal na ito sa kanilang mundo dahil ginamit na iyon noon ng mga ganid sa kapangyarihan upang makapunta sa ibang lugar at masakop iyon.

Pero bakit meron si Dama Aniya nito?

Sa pagtatanong niya sa kanyang sarili ay biglang lumiwanag ang kabibe. Nasilaw siya sa liwanag na taglay nito kaya naman napapikit siya at nabitawan ang kwentas. Nang mawala ang liwanag ay nakita niya sa kanyang kandungan ang isang hayop. May kalakihan iyon at mabalahibo, may dalawa itong patusok na tainga, may apat na paa at mahaba ang buntot. Ang mga mata nitong kulay asul ay parang nangungusap. Itim ang kulay nito ngunit ang bandang leeg ay kulay puti gano'n din ang mga talampakan. Namangha siya, ngayon lang siya nakakita ng ganitong hayop.

Kinuha niya ang naturang hayop at kinarga iyon. "Saan ka galing munting nilalang?"

"Sa loob ng kabibe," sagot nito.

Nabigla si Aravana nang magsalita ito. Bumuka ang bibig nito! "Nakakapagsalita ka?"

"Ay? Hindi ba halata?" Napakurap si Aravana dahil may kasupladahan pala ang hayop na karga-karga niya. "Ako nga pala si Verdana, ngunit maaari mo akong tawagin na Cotton sapagkat nandito tayo sa mundo ng mga tao. Inatasan ako ni Dama Aniya upang bantayan ka rito sa mundo na pagtataguan mo."

"Inatasan?"

"Oo, Mahal na Prinsesa. Magiging malaking tulong ako sa 'yo sapagkat nakakaintindi ako ng salita ng mga mortal, kaya ko rin ang magsalita gamit ang lengguwahe nila. Kaya kapag may hindi ka maintindihan ay tawagin mo lamang ako at sasagutin kita."

"Nakakamangha, ngunit paano kang naatasan ng aking dama? At paano ka nagkasya sa maliit na hugis kabibe na ito?"

"May alam sa mahika si Aniya," napakunot-noo siya. Napansin naman iyon agad ni Cotton. "Teka nga, hindi mo ba alam kung saang angkan nanggaling si Aniya?" umiling si Aravana bilang sagot. "Ay, kawawa ka naman." Naiiling na sabi nito.

"Bakit naman ako naging kawawa?"

"Kasi wala kang alam," inisnaban pa siya ng hayop.

Napanguso na lang si Aravana. Ngayon pa lang ay nakikita na niyang mahihirapan siya na pakisamahan ang nilalang na inatasan ng kanyang yumaong Dama.

"Si Aniya ay nanggaling sa angkan ng mga mangkukulam pero mababait sila, ha? Sila ay mula rin dito sa mundo ng mga tao."
Napakunot-noo si Aravana. "Hindi ko maintindihan ang mga tinuran mo sa akin."

Napabuntong-hininga naman ito. "Matagal na panahon na ang nakakaraan ay pinapatay ang mga mangkukulam dahil sa paniniwala na sugo sila ng mga demonyo at ibang masasamang elemento. Sa takot ng mga mangkukulam na maubos ang kanilang lahi ay gumawa sila ng ritwal upang makahanap ng ibang mundo kung saan sila maaari na manirahan. Doon ay nakita nila ang mundo niyo. Lumipat sila doon. Hindi sila pangkaraniwan na gumagala sa dalawang kaharian dahil natatakot sila na patayin."

"Bakit naman sila papatayin?" Taka niyang tanong. "At anong uri ka ng nilalang? Ngayon lamang kita nakita." Sa isip-isip niya ay may nabubuhay pala na ganitong uri ng nilalang sa kanilang mundo, ngayon lang niya nalaman.

"Dahil nga kakaiba sila sa mundo niyo. At ako, hindi ito ang totoong anyo ko. Kailangan ko lang na mag-anyong pusa upang malayang makagalaw sa mundong ito at mabantayan ka."

Entasia 1: Something MagicalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon