(C35) Jasley's Wish

15 1 0
                                    

"ANO?" Natawa ako sa biro niya at tiningnan lang siya pero hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha niya.

"Hindi ako nagbibiro, Zendrick." Muling tumulo ang kaniyang luha.

Napailing ako at pinunasan ang mga luhang nag-uunahang tumulo sa magkabilang pisngi ko. "Jasley, bakit ganiyan ang sinasabi mo? Nandito na tayo, nasa itaas na natin 'yong northern lights. Tingnan mo, magkasama tayo, masaya tayo, kasi... kasi ito ang pangarap mo, 'di ba? Gusto mo 'tong makita, 'di ba? Bakit sinasabi mo na..." May tumulong luha sa mukha ko. "Jasley, bakit sinasabi mo na hindi ka nagising?" Hindi ko mapigilan ang sarili ko, tuloy-tuloy lang ako sa pagsasalita.

"Zendrick..." umiiyak na tawag ni Jasley sa 'kin. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko at hinarap ako. "I..." Napahagulgol si Jasley habang napapayuko. "I'm sorry... I died."

Marahas akong umiling dahil hindi ako naniniwala sa sinasabi niya. Nagsisinungaling siya. "H-ha? Jasley, huwag mo namang sabihin 'yan. Hindi 'yan magandang biro."

"Alam ko, Zendrick... Alam ko. At sana nga nagbibiro lang talaga ako."

Niyakap ko lang siya. "Hindi, Jas. Hindi ka patay. Hindi puwede. Hindi 'yan totoo. Hindi mo ako iiwan. Palagi mong sinasabi sa akin na hindi ka mawawala sa tabi ko, 'di ba? Na nandito ka palagi sa tabi ko. Pero ngayon... Bakit? Bakit sinasabi mo lahat ng 'yan sa akin ngayon?"

Hindi niya ako sinagot, umiyak lang siya nang umiyak, kagaya ko. "Patawarin mo ako kung hindi ko natupad ang pangako ko sa 'yo na hindi ako mawawala sa tabi mo... na palagi akong nandiyan para sa 'yo." Tiningnan niya ako at ang sakit makita ang mga mata niyang lumuluha. "Patawarin mo ako, Zendrick. Sorry dahil hindi ako nagising. Sorry dahil nauna ako. Sorry, dahil nasasaktan ka na naman ngayon. Sorry dahil iniwan kita. Pero..." Hinawakan niya uli ang mukha ko. "Pero palagi mong tatandaan... na kahit wala na ako sa tabi mo, lalaban ka pa rin, ha? Mangako ka, Zendrick. Mangako ka na hindi ka susuko kahit sobrang sakit, kahit sobrang hirap."

Umiiyak akong napatingin sa sarili ko at nakitang maraming sugat sa katawan ko. "Jasley," umiiyak na tawag ko sa kaniya, nagtataka, natatakot, naguguluhan. "Bakit..." Pinunasan ko ang luhang tumutulo sa mukha ko. "Bakit may mga sugat ako?" inosenteng tanong ko habang umiiyak.

Nakita kong nasasaktan siya sa pagtingin pa lang niya sa mga sugat na tinutukoy ko. "Noong umagang..." Halos hindi na siya makapagsalita. "Noong umagang hindi na ako nagising..." Napapikit siya dahil hindi na tumitigil ang mga mata niya sa pagluha. "Noong nalaman mong hindi na ako nagising, na wala na ako... tumakbo ka nang tumakbo palayo. Wala ka na sa sarili mo." Tiningnan niya ako sa mata at saglit akong pinagmasdan bago nagsalita. "Nagpasagasa ka sa truck, Zendrick. Naka-survive ka, pero na-comatose ka, at hanggang ngayon hindi ka pa rin nagigising."

"Hindi, Jasley. Buhay ka. Ang sabi mo, nanaginip ka lang. Kasama kita noong libing ni Papa, 'di ba? Nag-stargazing pa tayo, nagpunta tayo sa perya, sumakay tayo ng Ferris wheel, 'di ba? Naaalala mo pa ba 'yon? Jasley, hindi ka patay, dahil kasama kita." Pilit ko siyang pinapaamin dahil alam kong nagsisinungaling lang siya.

"Zendrick..." Halos mapaluhod na siya sa harapan ko. "Patawarin mo ako..." Niyakap niya ako para hindi siya tuluyang mapaluhod. Umiling lang ako nang umiling, hindi pa rin naniniwala sa mga sinasabi niya.

"Jasley, buhay ka. Hindi ako naaksidente. Hindi ako na-comatose. Hindi ka patay! Tingnan mo nga, ang dami nating picture dito sa camera." Mabilis kong kinuha ang camera at hinanap ang mga picture namin pero wala akong makita kahit isang litrato. "Nasaan na ba 'yon?" pabulong kong tanong, nagmamadaling hanapin ang mga litrato. "Nandito lang 'yong pictures natin, sigurado ako, Jasley, maniwala ka sa akin!"

"I'm sorry..." Ang bigat marinig ng pag-iyak niya habang niyayakap ako.

Parang sinusugatan na mismo ang puso ko. Sobrang sakit.

All Those NightsWhere stories live. Discover now