(C17) I'm Okay

6 1 0
                                    

11:30 p.m.

HALOS isang oras na rin ang nakalipas mula nang mawalan ng malay si Zendrick. Mula kanina, hindi pa rin siya nagkakamalay—hindi ko na maiwasang mag-alala. Ako lang ang kasama niya ngayon dito sa hospital room dahil nagpapahinga si Christine; mayroon daw aasikasuhin si Sir Oli na konektado rito sa nangyari. Probably, alam na rin ni Sir Rocco by now ang nangyari.

Hindi ko namalayang nakaidlip pala ako. Thirty minutes din akong nakadukdok dito sa kama ni Zendrick. Nang kuskusin ko ang mga mata ko, napabuntong-hininga ako nang makitang hindi pa rin siya nagigising. Sana talaga ay ayos lang siya. Sana walang malalang nangyari sa kaniya.

Kinuha ko ang cell phone ko para tingnan kung anong oras na. Malapit na palang mag-alas dose. Napahikab pa ako habang nag-uunat ng mga braso. Tumayo rin ako saglit at naglakad-lakad sa loob ng kuwarto para naman magising ang diwa ko dahil medyo inaantok pa rin ako. Pagbalik ko sa upuan, tiningnan ko uli si Zendrick pero wala pa ring pinagbago. Pero hindi nagtagal, halos mapatalon ako sa gulat nang biglang may nagsalita sa tabi ko.

"Jas?" Boses ni Zendrick ang narinig ko kaya napatingin agad ako sa kaniya.

Mabuti naman at gising ka na. "Kumusta ka?" tanong ko agad at nag-chat agad kina Sir Oli na nagising na si Zendrick. "May masakit ba sa 'yo?"

"Ano'ng... Ano'ng nangyari?" Inilibot niya ang tingin niya sa paligid ng kuwarto, at base sa emosyong ipinakikita ng mga mata niya, alam niyang nasa ospital kami pero hindi niya maalala kung bakit.

"Bigla ka na lang nawalan ng malay kanina. Si Sir Oli, hindi pumayag na hindi ka dalhin dito, kaya—" Sumenyas ako para sabihin na iyon ang dahilan kung bakit nandito kami sa ospital. Saglit kong pinasadahan ng nag-aalalang tingin ang mukha niya na matamlay at maamo. "Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ko uli.

"Ayos lang naman ako, medyo..." Napapikit siya at marahang hinawakan ang kaniyang ulo. "Medyo masakit lang ang ulo ko, saka nahihilo."

Nagtagpo ang mga tingin namin at hindi ko nagawang umiwas. Hindi ko tuloy naitago na nag-aalala ako nang sobra.

"Dahil 'yan sa pagkakabagsak mo. Hindi malabong nauntog ka sa sahig dahil medyo malakas ang impact mo kanina." Tiningnan ko siya nang masama. "Bakit naman kasi hindi ka nagsabi sa amin na masama na pala ang pakiramdam—"

"Kasi ayokong nag-aalala ka para sa 'kin." Ngumiti siya nang tipid, at sa halip na mainis, hindi ko alam kung bakit nag-init pa ang mukha ko na hindi naman dahil sa galit.

"So mas gusto mo rito sa ospital?" sarkastikong sagot ko sa kaniya. Hindi mo lang alam, mas lalo akong nag-aalala ngayong nandito ka.

Hindi na siya umangal pa at napangiti na lang. Tuwang-tuwa siya at alam niyang nag-aalala ako para sa kalagayan niya. Ang kapal din talaga minsan. Porke alam niyang may mutual feelings kami para sa isa't isa, nagte-take advantage na siya. Suntukin ko 'to sa mukha, eh.

Pero kahit na nakakabuwisit siya at nananalaytay sa dugo niya ang pagiging mapang-asar, aminado naman akong mas mahalaga sa akin sa ngayon ang maging ayos siya. 'Yon ang gusto ko. Kaya kahit buwisitin niya ako, tatanggapin ko, pero kapag okay na siya, gaganti na ako.

Tiningnan ko lang ang kamay niya na sa kulay pa lang ay halata nang nanlalata at matamlay. Gusto ko mang hawakan, pinigilan ko ang sarili ko. Ayoko namang magpadalos-dalos at mapasobra sa physical touch. Pero bandang huli, hindi ko rin napigilan ang sarili ko. Maingat kong hinawakan ang kamay niya at pinisil-pisil 'yon nang bahagya kaya napatingin siya sa akin, pinipigilan ang sarili na mapangiti. Nang magtagpo uli ang tingin namin, tila ba nangungusap ang mga mata niya.

"Ayos ka lang ba talaga? Tatawag ako ng nurse—"

"'Wag na, ayos lang talaga ako. Matulog ka na lang, kailangan mo ng pahinga." Huminga siya nang malalim. "Maaga pa ang trabaho natin bukas." Tinapik pa niya ang kama niya, sumesenyas na matulog na ako.

All Those NightsWhere stories live. Discover now