(C26) I'm With You, Forever

4 1 0
                                    

PAGLABAS ko ng ospital, pinilit kong hagilapin si Zendrick pero nabigo ako. Tumakbo ako papunta sa parking lot ngunit wala rin siya ro'n.

"Zendrick?" tawag ko sa kaniya pero walang senyales na nandito siya.

Hindi nagtagal, naramdaman kong mayroong pumatak sa aking mukha. Napatingala ako at biglaang bumuhos ang ulan. Napatakbo ako paalis ng parking lot at nilibot ang paligid ng ospital dahil baka nandoon lang si Zendrick. Kailangan ko siyang makita. Hindi siya puwedeng maging mag-isa ngayon. Baka... baka kung ano ang gawin niya.

"Zendrick?" Basang-basa na ako sa ulan pero ramdam ko pa rin ang mainit na luhang tumutulo sa aking magkabilang pisngi. "Zendrick?" Hindi ako tumigil na hanapin siya.

Napatingin ako sa ibang tao, lahat sila ay nagsisitakbuhan papasok ng ospital, ang iba ay nagmamadali habang hawak ang kani-kaniyang mga payong, samantalang ako ay nandito, nagpapakabasa at walang pakialam sa ulan. Hindi ako sisilong kung alam kong kagaya ko, nababasa rin ngayon si Zendrick, at nadudurog... mag-isa.

Ramdam ko man ang lamig, at kahit nanginginig ang katawan ko, nanatiling buo ang loob ko na hanapin ang boyfriend ko. I saved him once, and maybe, I can do that once again.

Sa bilis ng takbo ko, hindi ko naiwasan ang madulas na bahagi ng sementong tinatakbuhan ko. Bumagsak ako sa sahig at napadapa. Napaiyak ako sa sakit pero pinilit kong ibangon ang sarili ko. Nang makatayo ako, hirap akong nagpatuloy sa paghahanap.

Pagkatapos n'on, napalingon ako sa gawi ng mga basurahang malapit sa isang exit ng ospital. Nakaupo sa sahig si Zendrick, basa rin sa ulan at yakap-yakap ang kaniyang mga binti habang nakapatong ang kaniyang baba sa tuhod.

"Zendrick!" Tumakbo ako palapit sa kaniya at muntik na namang madulas. "Halika na, pumasok tayo sa loob. Basang-basa ka na." Hinawakan ko ang braso niya at pilit siyang pinapatayo pero nilabanan niya ang pwersa ko.

"Dito lang ako." Narinig ko pa rin ang kaniyang sinabi sa kabila ng ingay na idinudulot ng pagbuhos ng ulan.

"Zendrick, sige na. Sumama ka na sa akin sa loob," kalmadong sabi ko, lumuluha dahil awang-awa na ako sa kaniya.

Nang marinig niya iyon, nagtaas siya ng tingin at nakita ko ang lumuluha niyang mga mata kahit basa na rin siya sa ulan. Nagmadali siyang tumayo at niyakap ako nang mahigpit, saka humagulgol sa balikat ko.

"Sobrang sakit, Jas. Ang sakit-sakit. Napakasakit." Naramdaman kong bumigat ang kaniyang katawan. Marahil ay nanlalambot na ang kaniyang mga tuhod. Hindi na niya kayang tumayo sa sarili.

Dahan-dahan siyang napaluhod pero tinulungan ko siyang makatayo uli. Umiiyak kong ibinuhos ang buong lakas ko para matulungan siyang gawin iyon. "Alam ko, Zendrick. Alam kong sobrang sakit nito para sa 'yo, pero..." Tiningnan ko ang kaniyang mga mata na mugtong-mugto na. "Pero lalaban tayo, ha? Ilalaban natin 'to. Hindi tayo susuko. Magkasama tayo sa laban na 'to. Kasama mo ako."

Tumango-tango lang siya habang patuloy pa rin sa mabigat na pagbuhos ang kaniyang luha at ulan.

***

NAKAUWI na kami rito sa bahay nina Zendrick. Nang tumila ang ulan, tumawag agad ako ng tricycle na masasakyan namin. Kailangan niyang magbihis. Kailangan ko ring magbihis, dahil parehas kaming basang-basa.

Inuna kong pagbihisin si Zendrick. Halos hindi na niya kayang kumilos kaya tinulungan ko na siyang magbihis. Nagbabadya mang tumulo ang luha ko habang binibihisan siya, pinigilan ko ang emosyon ko. Kahit na awang-awa ako sa kaniya. Mas lalo pang naging mahirap sa akin iyon dahil habang kumukuha ako ng pamalit na damit sa kaniyang cabinet, hindi ko mapigilang pagmasdan ang ginawa niyang mural painting na ginamit niyang daan upang maidala sa akin ang Northern Lights.

All Those NightsWhere stories live. Discover now