(C16) Just You and I

3 1 0
                                    

9:45 p.m.

NAPATIKHIM ako nang rumehistro na sa akin na totoong naka-post iyon at hindi ako nag-iisip ng kung ano-ano. Ilang beses ko pang tiningnan ang picture, at napapikit na lang ako dahil hindi ko naman maide-delete ’yon.

Dahan-dahan akong lumingon sa kaniya pero agad ding lumihis ng tingin dahil nakatingin pala siya sa akin. Narinig kong natawa siya dahil medyo napabuga siya ng hangin. Alam kong alam na niya na nakita ko ang post niya. ’Di ko lang alam kung natutuwa ba siya o natatawa sa reaksyon ko, kasi kahit gusto kong ipa-delete sa kaniya ang post, may pumipigil sa akin, dahil deep inside me, alam kong okay lang sa ’kin na i-post niya ’yon.

Makalipas ang ilang minutong pagtitig sa napakagandang view, nilabanan ko ang sarili ko at niyaya na siyang umuwi kahit ayoko pa talaga. “Tara na nga, gabi na.”

Tumango lang siya at agad hinawakan ang kamay ko. Nauna siyang naglakad pabalik sa loob ng mall, kaya wala akong nagawa kundi ang bumuntot sa kaniya dahil hawak niya ang kamay ko. Pagbalik sa loob, na-realize kong mas malamig pa pala sa labas kaysa rito. Habang naglalakad, tinitingnan-tingnan ko ang mga kamay namin na magkayakap. Kilala ko ’tong si Zendrick, alam kong nakikita niyang tinitingnan ko ang mga kamay namin, pero hindi ako magpapatinag.

Pagkalabas namin ng mall, dumeretso na kami pababa dahil medyo mataas ang puwesto ng mall. Kung kanina ay paakyat ang sidewalk, ngayon naman ay pababa na, kaya hindi na masiyadong nakakapagod maglakad.

Halos wala pa kami sa kalahati ng sidewalk nang mapahinto kami dahil mayroong nagtitinda ng mga souvenir. Hindi ko matiis, gusto kong bumili ng bracelet para sa aming dalawa ni Zendrick. This time, ako naman ang masusunod. Tumayo lang siya sa tabi ko at hinayaan akong mamili ng gusto ko. Makaraan ang ilang saglit, iniabot ko sa nagtitinda ang sampung bracelets. Isang pares para sa aming dalawa ni Zendrick; isang pares para sa amin ni Christine; isang pares sa amin ni Lola, sa amin Tita, at para kay Ate Quinn. Tig-iisang pares kami, lahat may kapareho ako ng kulay. 

Pagkapili ko, binayaran ko na rin kaagad ang mga bracelet. Habang kumukuha ng panukli ang tindera, pasimple kong tiningnan si Zendrick. Nakatayo lang siya at naghihintay sa akin, hawak niya ang take-out food para kay Christine. 

“Salamat po,” sabi ko na lang nang tanggapin ko ang baryang isinukli sa akin. 

Naglakad lang ako nang mailagay ko sa bag ang mga barya. Alam ko namang susunod si Zendrick, kaya hindi ko na siya niyaya. At tama ako, ramdam kong halos nasa tabi ko lang siya. May kakaibang enerhiyang dala si Zendrick. Kahit hindi ko siya nakikita, alam kong nariyan siya. Hindi ko alam kung bakit gano’n na lang kalakas ang dating ng presensya niya sa akin.

Inialis ko na lang sa sistema ko ang kung anong gumugulo sa isip ko. Baka kapag hinayaan kong guluhin ako nito ay hindi ko pa mapagbuti ang paglalakad at masubsob pa ako, lalo na at pababa pa ang nilalakaran namin. Focus, Jas… huwag ka masyadong magpaapekto.

Ilang minuto kaming naglakad pababa, at nang makarating kami rito sa kanto, biglang may kung anong nagbigay sa akin ng ideya na dumaan kami sa tindahan ng mga streetfood doon sa tabing kalsada papuntang Burnham Park. Kahit gabi na at busog ako, may mabisang kuryente sa katawan ko ang kusang nag-utos sa akin na yayain ang kasama ko.

“Gusto mo ng shawarma?” tanong ko kay Zendrick. “Mayro’n doon.” Itinuro ko ang pababang kalsada kung saan nakapuwesto ang mga tindahan. 

Saglit siyang nag-isip. “Puwede naman,” sagot niya, maamo lang ang tingin sa akin. “Hindi ka pa ba nabusog?” biglang tanong niya.

Oo nga naman, hindi pa nga ba ako nabusog sa kinain namin sa mall? Nag-ice cream pa kami sa lagay na ’to. “Ah…” hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nagmadali akong mag-formulate ng idadahilan. “Ano lang, natatakam kasi ako,” sabi ko na lang. “Kung busog ka na, ako na lang ang bibili.”

All Those NightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon