(C29) If I Die Tonight

5 1 0
                                    

"I know... I know." Sinalo ko ang pabagsak na katawan ni Zendrick.

"Dito, ang sakit-sakit," hagulgol niya habang hinahampas ang kaniyang dibdib, hanggang sa napaluhod siya.

Buong lakas ko siyang tinulungang tumayo uli pero kapwa kami umiiyak kaya nanghihina rin ang katawan ko. Hindi nagtagal, dumating si Kuya Kent, at agad tinulungan ang kapatid.

Hinayaan ko na lang na si Kuya Kent ang umalalay sa kaniya. Napatakip na lang ako ng bibig habang tinitingnan na nasasaktan si Zendrick. Tumingala ako at tiningnan ang mga bituin. Habang pinagmamasdan ko ang mga iyon gamit ang lumuluha kong mga mata, tila ba nangungusap ang mga ito at sinasabing magiging maayos din ang lahat. But how? How will things get better?

Pinunasan ko ang luhang tumutulo sa aking pisngi. Paano nga ba? Paano ako magkakaroon ng lakas kung nakikita kong durog na durog na si Zendrick? Paano ko patuloy na sasabihing magiging ayos ang lahat sa tamang panahon kung ngayon ay parang hindi na kakayanin ni Zendrick?

Napatingin ako sa direksyon nilang dalawa ni Kuya Kent. Kasalukuyan silang nakaupo sa hagdan malapit sa entrance. Awang-awa ako kay Zendrick. Ang hirap niyang tingnan dahil para akong kinukurot sa puso kapag nakikita kong nahihirapan siya.

Tumakbo ako palayo at huminto nang alam kong walang ibang makakakita sa akin. Napahawak ako sa magkabilang tuhod ko habang bumubuhos ang mga luha ko. Nakakalungkot, nakakatakot. Nakakalungkot dahil alam kong hindi madali ang ibangon si Zendrick mula sa sitwasyong ito. Nakakatakot dahil alam ko ang mga posible niyang gawin para takasan ang kalungkutan. At ayokong mangyari 'yon.

Tumayo ako nang tuwid at bumuga ng hangin upang pakalmahin ang sarili. "Kaya mo 'to, Jasley. Kailangan mong kayanin. Kailangan ka ni Zendrick," sabi ko at saka bumuntong-hininga bago ako naglakad palapit kina Zendrick at Kuya Kent.

"Gusto niyang umuwi." Hindi pa ako nakakaupo sa tabi nila ay nagsalita na agad si Kuya Kent, nakaakbay kay Zendrick at hinahaplos ang balikat ng kapatid.

Humihikbi-hikbi pa si Zendrick nang tingnan ko siya. Nagbalik ako ng tingin kay Kuya Kent at nakita kong naluluha rin siya pero pinipigilan niya. Tumango na lang ako bilang pagsagot sa kaniya.

"I'll drive you home." Inalalayan ni Kuya Kent si Zendrick na tumayo. Nang makatayo siya ay ako naman ang humawak sa braso niya dahil pupunta na si Kuya Kent sa sasakyan.

Bago kami sumakay, napalingon ako sa likuran namin, nandoon si Ate Quinn. Binigyan ko siya ng makabuluhang tingin at alam kong naintindihan na niya iyon, saka siya tumango.

Habang nasa sasakyan, nakayakap lang ako sa braso ni Zendrick. Sinusulyap-sulyapan ko ang mukha niya at hindi ko maiwasang makita ang namumugto niyang mga mata, na kapag natatamaan ng liwanag ay parang kumikislap dahil sa luhang naipon sa kaniyang mga mata.

Pagkatapos ay tiningnan ko sa rareview mirror si Kuya Kent. May tumutulong luha sa kaniyang pisngi pero mabilis niyang pinunasan iyon. Nakatingin lang siya sa kalsada pero alam kong si Zendrick ang iniisip niya. Awa at labis na pag-aalala ang nakikita ko sa kaniyang mga mata. Alam kong sobra siyang nasasaktan dahil hindi niya gustong makita na nasasaktan ang kapatid niya.

Pagdating sa bahay, pinaupo ko sa sala si Zendrick, saka ako kumuha ng isang basong tubig. Sinamahan kami ni Kuya Kent hanggang dito sa loob pero nagpaalam din agad siya dahil kailangan niyang bumalik sa funeral home. Walang ibang naiwan doon kundi sina Ate Quinn, kaya kailangan nila ng tulong.

Inilapag ko na lang sa lamesa ang basong pinag-inuman ni Zendrick. "Gusto mo bang matulog?" mahinang tanong ko sa kaniya, halos bumulong na ako sa tainga niya.

Tumango lang siya nang magtagpo ang aming mga tingin. "Gusto ko nang magpahinga..."

May kung anong kaba akong naramdaman dahil sa naging sagot ni Zendrick. Inalalayan ko siya hanggang sa makarating kami sa kuwarto niya. Pagkahiga niya, tumingin lang siya sa kisame. Kasabay ng katahimikan ang muling pagtulo ng luha sa kaniyang pisngi. Pinagmasdan ko lang siya. Makalipas ang ilang saglit, tumabi na rin ako sa kaniya. Humiga ako pero wala akong balak matulog. Kailangan kong bantayan si Zendrick.

Dinig ko ang mabigat niyang paghinga kaya naman lumapit ako sa kaniya at niyakap siya. Nilalabanan ko ang emosyon ko dahil ayokong umiyak pa. Alam kong lalo siyang malulungkot kung pati ako ay umiiyak.

"Jas..."

Tiningnan ko lang siya at lumingon naman siya sa akin.

"Gusto ko nang magpahinga."

"Ano'ng..." Napalunok ako dahil mukhang maiiyak na ako. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Gusto kong..." Napahinto siya at huminga nang malalim, nagdadalawang-isip kung dapat pa ba niyang ituloy ang kaniyang sasabihin. "Gusto ko na ring magpahinga. Pagod na ako. Hindi ko na kaya. Sobrang sakit na. Suko na ako, Jas. Sumusuko na ako..."

Nang marinig ko ang sinabi niya ay natakot ako at napayakap nang mas mahigpit. Umiiyak ako nang isinubsob ko sa kaniyang braso ang mukha ko. "Lalaban tayo, 'di ba?" Sinubukan kong pigilan ang luha ko pero hindi ko kinaya. "Nangako tayo na lalaban tayo, 'di ba? Sabi mo..." Napahikbi ako. "Sabi mo lalaban tayo. Haharapin natin 'to nang magkasama, 'di ba?"

Natahimik siya at hindi umimik. Maya-maya ay umiling siya. "Tama na, Jas. Hayaan mo na akong magpahinga. Pagod na pagod na ako."

Napailing ako nang sabihin niya iyon. "Hindi, Zendrick. Hindi puwede. Hindi tayo susuko. Ilalaban natin 'to. Hindi kita pababayaan." Hinalikan ko ang braso niya na basa na ng luha ko. "Hindi kita iiwan, hanggang dulo. Zendrick, huwag mong gawin sa akin 'to. Please? Laban tayo, ha? Laban..." Napaiyak na lang ako at niyakap siya nang sobrang higpit.

"Basta, mangako ka... na kapag wala na ako, kapag patay na ako—"

"Zendrick..." pagpigil ko sa kaniya. "Hindi 'yan mangyayari. Huwag mo namang sabihin 'yan," nagmakaawa ako, hinahaplos ang pisngi niyang basang-basa dahil sa luha niya.

"Kapag wala na ako, palagi mong tatandaan na ikaw ang bumuo sa akin. Ikaw ang dahilan kung bakit naranasan kong sumaya. At ikaw... ikaw ang pinakamamahal ko. Palagi mong tatandaan 'yan. Mahal na mahal kita, Kate Jasley..."

Napailing ako at mas lalong napahagulgol. Ni hindi ko na magawang magsalita pa. Gustuhin ko mang kontrahin siya, wala nang salitang gustong lumabas mula sa aking bibig.

"Kung bukas, paggising mo, wala na ako," panimula na naman niya. "Gusto ko na ang isusuot sa akin, 'yong suot ko noong gabing nagkita tayo sa perya. Gusto ko, walang malungkot na mga kanta sa burol ko. At sabihin mo kay Sir Oli, gusto kong dumalaw sa akin si Sir Rocco, kundi, mumultuhin ko siya. At sabihin mo, maayos na picture ang ilagay sa tarpaulin ko."

"Ang daya-daya mo naman..." mahinang sabi ko. "Nangako tayo, 'di ba? Akala ko ba mahal mo ako? Bakit iiwan mo na ako? Zendrick nandito pa ako, nandito ako. Hindi ako mawawala—"

"Pero, Jas, pagod na ako."

"Iiwan mo na lang ako?" Parang dinudurog nang pino ang puso ko habang hinihintay ang sagot niya,

"Patawarin mo ako... kung napapagod na ako. Pero kahit wala na ako, mangako ka na tutuparin mo ang pangarap mo. Pupunta ka ng Iceland, makikita mo ang Northern Lights. Mangako ka sa akin, tutuparin mo 'yon."

Napayakap na lang uli ako sa kaniya. Napapikit ako dahil ayaw nang tumigil ng luha ko sa pagtulo. Nang idilat ko ang mga mata ko, maliwanag na ako paligid. Nakatulog ako.

Nang mapagtantong nakatulog ako, tiningnan ko kaagad si Zendrick. "Zendrick?" bulong ko sa kaniya. "Gumising ka na, gagayak na tayo. Maaga ang libing—" Napahinto ako at agad naluha. "Zendrick?" Niyugyog ko ang balikat niya pero wala siyang imik. "Zen—" Napiyok ako at napahintong muli, mas lalong nilalakasan loob. Inilapit ko ang tainga ko sa kaniyang ilong upang pakinggan kung humihinga siya, pero wala akong narinig.

Hinawakan ko ang kaniyang kamay at mas lalo akong naiyak nang maramdaman kong malamig ito. "Zendrick..." hagulgol ko. "Gising na, gagayak pa tayo," pilit ko siyang ginigising. "Zendrick, 'wag mong gawin sa 'kin 'to." I hugged him and cried all my tears out. "Zendrick!" napasigaw na ako, hindi na alam ang gagawin. "Gumising ka!"

"Jasley?"

Napadilat ako.

"Jasley, Zendrick, tanghali na." Boses ni Kuya Kent ang narinig ko. Napabangon agad ako at tiningnan si Zendrick na nakadilat at nagkukuskos ng mga mata niya.

Mabilis kong niyakap si Zendrick, umiiyak. "Akala ko..." hagulgol ko.

"Bakit?" nagtatakang tanong ni Zendrick, hinahaplos ang pisngi ko.

"Nanaginip ako." Isinubsob ko ang mukha ko sa dibdib niya at umiyak lang nang umiyak.

All Those NightsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon