Ang Kritiko

318 42 13
                                    

Ikinalulungkot kong imutawi na mali ang iyong pagbaybay
Na maaring iwanan agad ang iyong tula ng mga tagasubaybay
Dapat mong aralin pagkaka-iba ng din at rin, maging ang doon at roon
Ang ng at nang ay dapat mong ilagay sa tamang direksyon

Napakasimple ang ginamit mo'ng talasalitan
Gaganda ang sinulat kapag ang iyong titik ay nilaliman
Wala ring sukat ang iyong nilikha at di ako makarinig ng musika
Dapat mo'ng pahalagahan ang awit ng pangungusap sa isang tula

Maganda sana kung di lang ito sinulat kamay
Ang kompyuter ngayo'y nagkalat na saan mang hanay
Maging ang iyong pabalat ay doo'y pwede mong gawin
Upang madali mo'ng atensyon ng mambabasa'y agawin

Sa dami na nang aking nabasang mga tula
May bagay akong aaminin tungkol sa iyong nilikha
Ang iyong isinulat ay sa puso ko ay kumurot
Ang damdaming ng iyong mga tula'y sa kaluluwa ko'y sumuot

Nailarawan mo ang buhay mo noong tag-araw
Kung papano nasunog ang iyong balat nitong haring araw
Naisabuhay mo ang iyong kalungkutan noong tag-ulan
Kung papaano mo sinabayan ang tangis ng kaulapan

Naramdaman ko noong ika'y umaray sa natamo mong sugat
Noong bulsa mo'y di na mabuhat ang presyo ng bilihin sa bigat
Nadama ko ang bawat emosyong umaalab sa iyong mga letra
At di naiwasang matangay nang agos ng iyong tag-ulan itong aking mata

Tunay na ang iyong isunulat ay sa puso ko ay kumurot
Ang damdamin ng iyong mga tula'y sa kaluluwa ko'y sumuot
Oo maraming mali, maraming mali sa iyong sinulat
Pero ito ang pinakamaling tumama sa puso ko't sumugat

Writte : June 13, 2015 @ 6:00 am

Mysterious Aries

Kabiguan Ng ManunulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon