Kabanata 15

1.7K 61 7
                                    

Kabanata 15

Above the Sea of Fog

"Kumusta ang day off, Rean?" tanong sa akin ni Alice nang lapitan niya ako habang naglilinis ako ng counter.

"Uy, nandito ka na pala." Ngumiti ako. "Ayos naman. Nakapagpahinga naman ako nang maayos. Kayo? Kumusta rito?"

"Wala namang masyadong ganap. Wala rin naman kasi si Sir Wyatt dito kaya wala rin namang mapag-usapan."

Natigil ako sa pagpupunas nang marinig ang pangalan ni Sir Wyatt. Wala talaga siya rito kasi kasama niya ako at namasyal kami sa buong Marina. Pero syempre, hindi ko naman sasabihin iyon kay Alice. Kahit pa close naman kami, hindi sapat iyon para basta ko na lang sabihin na magkasama kami ni Sir Wyatt. Hindi rin naman magandang pakinggan na kasama ko ang boss namin kahit pa sinabing work-related iyon. Kung kaming dalawa lang, malamang bibigyan iyon ng malisya. Kahit pa kaibigan ko si Alice, hinding-hindi ko pwedeng sabihin iyon.

"-pero nag-inuman kami kagabi. Sayang at wala ka!"

"Ah, sorry. Wala kasi akong load at saka pagod din ako. Alam mo na, ako pa rin naman kasi ang nagt-trabaho sa bahay," sagot ko nang maalalang nag-text nga siya sa akin kagabi at nagtatanong kung pwede raw bang sumunod ako sa kanila. Pasado alas syete na iyon at kakauwi ko lang din naman sa bahay. Buti nga at nabigyan ko pa ng dahilan si Mama kung bakit wala ako sa bistro.

"Sa susunod, ha? Baka next week naman ulit."

"Susubukan ko. Marami kayo kahapon?"

Nagpatuloy lang ang kwentuhan namin ni Alice habang naglilinis kami. Ang ibang mga waitress ay nandoon na rin naman at nags-serve na sa mga maaagang bisita. Ang sabi ni Alice ay may party raw kagabi kaya marami-rami ang bisita namin ngayon. Marami ang nag-overnight at pagka-umaga naman ay rito kumain sa restaurant ng Balsameda.

Buong umaga kong hindi nakita ang anino ni Sir Wyatt. Buti naman, dahil hindi ko alam ang magiging reaksyon kung sakali mang makita ko siya. 'Yong lakad namin kahapon, malaki ang pasasalamat ko sa kaniya. Ngayon naman, hindi ko alam kung iisipin ko pa ba ang nararamdaman ko lalo pa at hinding-hindi ko na maiiwasan si Sir Wyatt.

Ilang buwan na ako sa Balsameda. Ilang buwan ko na rin namang itinatago ito sa aking ina at mas lalong kay tagal na rin simula nang magkaroon ako ng koneksyon sa isang Balsameda. Hindi na ako pwedeng umatras pa pero pwede akong umiwas. Pwede ko pang maagapan ito lalo pa at hindi naman malalim. Ayaw kong makasagabal ito sa mga plano ko at mas lalong ayaw kong pagmulan pa ito ng gulo.

Kilala ko naman ang sarili ko. Kailanman hindi ako humanga sa kahit sino. Ni minsan hindi ako nagkaroon ng interes sa kahit sinong lalaki pero bakit sa pagkakataong ito, ngayon lang ako pinaglaruan ng tadhana? Bakit sa lahat ng pwede kong magustuhan...bakit isang Balsameda pa? Bakit sa taong kay hirap abutin? Bakit sa taong bawal sa akin?

Mula nang ihatid ako ni Sir Wyatt kahapon, hindi mawala sa isip ko ang naramdaman habang magkasama kami. Ang kakaibang dagundong sa aking dibdib, ang malalim na pag-iisip sa mga posibilidad at higit sa lahat, kung gaano ko napapansin na halos araw-araw na lang ay siya ang laman ng isip ko. Ngayon ko lang binigyang-pansin ang lahat ng ginagawa niya sa akin at hindi ko maiwasang isipin kung posible bang mangyari itong nararamdaman ko. Ilang beses ko ng itinanggi na hindi pwede pero kahit anong pagtatanggi at pagtutulak sa ideyang iyon, mas lalong lumalakas ang pwersang humahatak sa akin patungo sa kaniya.

Ayaw ko namang mangarap kay Sir Wyatt. Ayaw kong umasa. Lahat ng ginagawa niyang kabutihan, alam kong ginagawa niya rin naman sa iba. Hindi ako naiiba sa mga empleyado niyang itinatrato niyang parang kaibigan lang. Pare-pareho lang naman ang ipinapakita niya sa amin kaya bakit ko nga ba iisipin na naiiba ako?

Above the Sea of Fog (Provincia de Marina Series #3)Where stories live. Discover now