Kabanata 3

2.7K 92 8
                                    

Kabanata 3

Above the Sea of Fog

Hanggang saan nga ba aabot ang lakas ng isang tao? Kailangan bang nasa sukdulan iyon para malaman kung ano lang ang kaya? o kailangan bang mapagod muna tayo para sabihing wala ng natitira sa atin? Hindi ko mahanap ang tamang salita para sabihing malakas talaga ako o kung kailan ba ako mapapagod. Ang alam ko, kailangan kong magpatuloy kahit pa kaunting-kaunti na lang ang natitirang lakas sa akin.

Mahirap naman talaga ang mabuhay. Kahit pa alam mong darating ang umaga, hindi ka rin naman sigurado kung maaabutan mo ito. Sa bawat oras o araw na daraan, lagi kong hinihiling na sana magwakas na lang ang araw at panibagong oras naman ang gugugulan ko ng pansin.

Kaya rin siguro itinadhana kaming magkita ng tutang sinagip ko mula sa pagkakabangga. Pakiramdam ko kailangan nito ng isang taong mag-aalaga sa kaniya dahil napag-iwanan siya. Kaya itinagpo siya sa akin para maibsan ang nararamdaman kong pagod sa buong araw na wala ako sa bahay at nagbubuwis ng pawis at oras para mabuhay.

"Dog food? Talaga Syrean?" rinig kong talak ni Mama nang makita niya ang inilapag kong pinamili. Kagagaling ko lang mula sa Balsameda at dumiretso agad ako sa palengke para mamili ng grocery namin para sa buong Linggo. Dahil malaki-laki naman ang nakuha ko sa bistro ay kumuha ako ng parte para sa bahay at para na rin sa aso.

"Hindi nga tayo makakain nang maayos na pagkain tapos 'yang tutang iyan ay dog food? Magkano ba ang isang kilo niyan? Isang daan? Pang-ulam at bigas na natin iyan sa isang araw," reklamo pa rin ni Mama habang patuloy ako sa pagsasalin ng tubig sa kainan ng tuta.

"Namili na rin naman ako nang makakain natin, Ma. Maliit na halaga lang naman itong para sa tuta at pang-ilang linggo niya na rin," katwiran ko.

"Nagsasayang ka lang ng pera sa tutang iyan. Ang lakas pa ng ingay sa tuwing wala ka at kaunti na lang, ipapatapon ko na iyan kapag narindi ako."

Tinikom ko na lamang ang aking bibig at pinakain na ang tuta na naghihintay sa akin. Dalawang linggo na rin naman siya sa bahay. Malakas kumain at mabilis din namang tumaba.

Nasisiyahan nga ako dahil mukhang hiyang ito sa aking pagpapalaki. Ngayon lang ako nakapag-alaga ng isang hayop kaya naninibago rin. Hindi ko alam na ganito kasaya ang mag-alaga ng isang tuta.

Sinamahan ko ito sa labas habang kumakain siya. Tinuturuan din naman siya ng mga kapatid ko kung paano dumumi sa labas. Hindi ko naging problema iyon dahil mabilis siyang matuto. Ang mga kapatid ko ay aliw na aliw rin naman kapag nakikipaglaro sa kaniya. Kaya kapag wala ako, panatag naman ako na inaalagaan siya nang mabuti rito sa bahay. Buti nga at hindi itinapon ni Mama. Hahanapin ko rin naman kung sakali.

"Anong oras na ba? Bakit hindi ka pa umaalis?" tanong sa akin ni Mama nang makapasok na ulit ako sa bahay.

"Magpapahinga lang ako saglit, Ma. Mamaya pa naman iyon."

Tuluyan ko na rin sigurong ililihim kay Mama na nag-t-trabaho na ako ngayon sa mga Balsameda. Hindi niya rin naman malalaman dahil hindi naman siya madalas sa sentro ng Costa. Dito lang naman siya sa barangay namin madalas at ang mga customer niya ay hindi naman palaging nagpapatahi sa kaniya. Hindi niya masasagap ang balitang iyon dahil ayaw niya rin namang makisalamuha sa mga tao.

Hinalikan ko si Isla bago ako tumulak papuntang Costa gamit ang aking bike. Kapag kumagat na kasi ang alas cinco ay bumababa na ako ng lighthouse at magpa-padyak hanggang Balsameda. Ilang minuto rin naman ang ginugugol ko para roon. Nasanay na rin naman ako na ilang minuto ang binabiyahe makarating lang sa lugar na pinag-t-trabahuhan ko.

"Uy Rean!" binati ako ng iilang waiter doon sa bistro nang pumasok na ako. Dalawang linggo na ako sa bistro at masasabi kong hindi madaling bitawan ang trabaho. Bukod sa malaki-laki ang tip, hindi naman ako kadalasang binabastos. Magagalang ang mga customer kahit na ang iilang empleyado. Sa kadahilanan na rin siguro na malaki ang Balsameda at sopistikado, kailangang marangal ang lahat ng nag-t-trabaho.

Above the Sea of Fog (Provincia de Marina Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon