Huminto kami sa paglalakad nang makarating kami sa harap ng malaking wall na punong-puno ng iba't ibang ulay ng pintura. Napanguso ako nang wala akong nakitang nakakalat na spray paint, pero napalingon ako kay Fierro nang dumeretso siya sa sulok at may pinulot na spray paint.

"Wow! Sana hindi nahuli ng tanod yung nakaiwan niyan."

Tumawa siya. "Hindi naman ako hinuli, 'wag kang mag-alala."

Napakunot-noo ako. "Ikaw may-ari niyan?"

Tumango siya bago lumingon sa akin. "Tinago ko d'yan para kapag pupunta ka dito nang walang dalang spray paint . . . may gagamitin ka pa rin."

Napaiwas ako ng tingin sa kan'ya nang dahil do'n.

Sobrang thoughtful naman.

Sa gitna ng pagtitig ko sa vandalized wall, napalunok ako nang maramdaman kong inilabas na niya ng bulsa ang kamay ko at saka binitiwan. Malulungkot na talaga ako dapat kaso naglakad siya at lumipat sa kanan ko, saka kinuha ang kanang kamay ko at 'yon naman ang ibinulsa.

"May gusto ka bang isulat?" tanong niya na para bang wala siyang ginawang kakaiba ngayon lang.

Tumikhim ako bago sumagot. "W-Wala pa naman."

Tumango siya bago lumapit sa wall saka nagsimulang magsulat doon gamit ang spray paint na kulay pula. Hinintay kong matapos ang sinusulat niya saka ito binasa nang buo.

"I will." Napalingon ako sa kan'ya. "Ano 'yan?"

Tumingin siya sa akin. "Hindi mo pinakinggan nang mabuti yung kanta kanina?"

Ngumuso ako. "Pinakinggan ko pero hindi ako familiar kaya hindi ko na rin tanda ngayon."

Napatango na lang siya. "Hindi ka mahilig sa music?"

Umiling ako. "Hindi masyado."

"Ohh . . ."

"Magkaiba tayo," natatawang sabi ko bago ibinalik ang tingin sa pader. "Music yata ang hilig mo since sinabi mo noon na marunong kang maggitara at piano."

Bahagya siyang tumawa. "Hindi ko tuloy alam kung advantage ba 'yon o hindi."

Nagsimula na ulit siyang magsulat. Napakunot-noo ako nang mabasa ang pangalan ko doon.

"Bakit sinulat mo pangalan ko d'yan?" kunot-noong tanong ko.

Hindi siya sumagot. Sa halip, dinugtungan niya lang ito.

Na-miss kita.

Muntik na akong mapahawak nang mahigpit sa kamay niya matapos mabasa 'yon. Gusto kong sumagot at sabihing na-miss din kita, pero parang hindi ko kaya.

"Huwag mo na i-cancel sa susunod yung friend request mo."

Napalingon ako sa kan'ya nang dahil do'n. Nasa pader pa rin ang atensyon niya, parang pilit na iniiwas sa akin ang tingin.

"Huwag mo na rin sana planuhin ulit na palitan ako bilang partner mo. Hindi mo alam kung gaano kasama ang loob ko noon."

Napalunok ako. "I-I'm sorry na."

Ngumiti siya bago tumingin sa akin nang deretso.

"Huwag mo na rin akong iiwasan."

Tumango ako.

"At . . . huwag ka na rin iiyak . . . lalo na kapag dahil sa akin."

Ngumuso ako. "Huwag mo akong pag-aalalahanin nang gano'n."

Natahimik siya ng ilang segundo bago nagsalitang muli. "Umiiyak ka ba talaga kapag nag-aalala?"

Napalunok ako kasabay ng pag-iwas ng tingin sa kan'ya. Hindi ko alam kung paano sasagutin 'yon nang hindi sinasabing siya lang ang dahilan ng mga pag-iyak ko lately.

Nahihiya ako. Baka isipin . . . may gusto ako sa kan'ya.

"H-Hindi naman ako iyaking tao, Fierro," natatawang sagot ko.

Umawang ang bibig niya. Magsasalita na sana siya ulit pero muli niyang sinarado ang bibig. Natahimik siya matapos n'on pero muli rin nagsalita.

"Simula ngayon . . . susubukan kong huwag kang pag-alalahanin."

Ngumiti ako sa kan'ya  "Tama 'yan."

Lumunok siya. "Okay na tayo, ah?"

Tumawa ako. "Oo, okay na." He smiled. "Sana . . . huwag ka nang bumalik doon."

He sighed. "Ibabalik ko yung mga pera ng pumusta sa akin kanina . . . kaya siguradong kailangan ko rin bumalik doon for the following weeks."

Ngumuso ako bago tiningnan siya. "Hindi mo sila pinilit tumaya sa 'yo. Hindi mo sila pinilit na isugal ang natitirang pera nila para sa 'yo—"

"Pero pinatalo ko yung laban na dapat panalo. Kaya dapat lang na bayaran ko sila."

Napasimangot ako. "Bakit kasi pinatalo mo?"

"Nagulat kasi ako, biglang nandoon ka." Tumawa siya nang mahina. "Tapos umiiyak ka pa. Sino naman magkakaroon ng lakas para lumaban kung gano'n ang makikita?"

Muli akong natawa sa huling sinabi niya. "Tss! Hindi naman ikaw si Superman at hindi ako ang kryptonite mo para manghina, 'no!" Tumawa siya nang dahil do'n. "Basta sa susunod . . . kung gagawin mo ulit 'yon, siguraduhin mong hindi mangyayari ulit yung kanina."

"Ayos lang sa 'yo?"

Umirap ako. "Siyempre, hindi! Kung p'wede nga lang kitang bawalan pumunta doon, binawalan na kita! Pero hindi ko trabaho 'yon. Kaibigan mo lang naman ako at buhay mo 'yan kaya ikaw pa rin ang masusunod."

Hindi siya nakasagot.

"Pero ayaw ko na talagang bumalik ka doon. Sana lang . . . makahanap ka na ng ibang libangan sa ganitong oras . . . para hindi ka na nasasaktan doon."

Tumango siya nang marahan bago nagsimula nang maglakad paalis doon habang hawak ang kamay ko.

Isa talaga sa pinagpapasalamat ko, hindi ako pasmado kaya hindi nakakahiya na hawak niya nang ganito katagal ang kamay ko.

"Ihahatid na kita pauwi. Maghintay na lang tayo ng sasakyan."

Umiling ako bago lumingon sa kan'ya. "Maglakad na lang tayo."

Lumingon siya sa akin. "Ala-una na."

"Kahit na."

Ayaw ko pang matapos yung gabi. Gusto ko pa nang ganito. Ang tagal naming hindi nagkita at nagkasama dito kaya parang nakakalungkot naman kung magmamadali akong umuwi.

Bahagya siyang tumawa. "Mabuti na lang gusto mong maglakad."

"Bakit?" tanong ko.

"Wala lang." Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko. "Parang masyado pang maaga para matapos 'to."

Lihim akong napangiti bago hinigpitan din ang hawak sa kamay niya.

Siguro nga, tama si Frieda.

Siguro nga, may gusto ako kay Fierro. Hindi ko na itatanggi sa sarili ko dahil halata naman sa lahat ng naramdaman ko for the past two weeks na hindi kami okay.

At if ever na mahalata man ni Fierro, eh 'di okay lang! Hindi ko naman siya pipilitin na magustuhan ako.

Hindi ko ipipilit pero sana . . . sana magustuhan niya rin ako.

Love At The Coffee ShopWhere stories live. Discover now