#16: Huling Sayaw

7 2 0
                                    

Huminga ako ng malalim habang nakatingin sa entrada ng subdivision. Alam kong papapasukin ako dito kaso nanghihina ako. Baka kasi ipagtabuyan niya ako matapos ko siyang iwan pero nagpaliwanag naman ako. Kinakabahan lang ako sa hindi maipaliwanag na dahilan.

"Good Morning Sir" bati ng guard sa'kin. Ngumiti ako sa kaniya saka pinaandar ang kotse papasok sa loob. May mga pinagbago pero hindi ang lugar kung hindi ang mga tao. Siguro mga bagong lipat dito.

Matapos ang sandaling biyahe ay inihinto ko na sa tapat ng gate ng pinakamamahal kong babae. Tiningnan ko muna ang bahay saka ako lumabas nang makita ko ang pamilyar nilang kasambahay. Nag-doorbell ako ng dalawang beses. Taka itong sinulyapan ang kabuuan ko bago patakbong lumapit sa'kin. Binuksan nito ang gate. Nakangiti ko itong sinalubong ngunit nagtataka pa rin ang kaniyang tingin. Tuloy ay umusbong ang kaba sa 'king dibdib dahil baka galit siya sa'kin.

"Sir Aiden, anong ginagawa mo rito?" Tanong n'ya. Ngumiti ako saka bahagyang sinilip ang bakuran para makita si Kleigh. Ang aking pinakamamahal na babae, pero di ko siya makita. Muli akong bumaling kay Maria na maid nila.

"Ate Maria, si Kleigh? Isu-surprise ko sana siya eh" nakangiti kong sabi matapos tingnan muli s'ya.

"Ah eh.." bigla ay wala s'yang masabi.

"Maria!" Napatingin kaming dalawa sa pinto nang sumigaw ang baritonong boses. Ang tatay ni Kleigh. Patakbo itong nagtungo sa aming kinaroroonan at sa hindi inaasahan ay isang malutong na sapak ang iginawad niya sa'kin. Tumumba ako sa lupa. Nalalasahan ko ang aking dugo mula sa bibig. Iniangat ko ang aking tingin sa tatay ni Kleigh. Galit na galit ang kaniyang mukha at nanlilisik ang mga mata dahilan para magtaka ako.

'Noon ay boto ka sa'kin tito, bakit ngayon ay galit ka?'

Pinipigilan siyang lumapit ni Ate Maria sa'kin habang si Lukas ay hawak sa braso ang kaniyang ama. Hindi namalayang lumabas pala s'ya. Masama rin ang titig sa'kin ni Lukas na kapatid ni Kleigh.

"Nang dahil sa'yo, nawalan ako ng anak! Dahil sa katarantaduhan mo, iniwan ako ng aking anak!" Sigaw nito na aking ipinagtaka. Anong ibig n'yang sabihin. Nahihilo man ay pinilit kong tumayo.

"A-Ano ang ibig sabihin n'yo tito?" Kabadong tanong ko. May konklusyon man sa'king utak ay ayaw kong aminin dahil natatakot ako. Natatakot akong iniwan niya ko.

"Tarantado! Hindi mo alam?! Si Kleigh na in-attend'an ang despidida party mo ilang taon na ang nakalilipas ay pinatay. Pinauwi mong mag-isa ang aking anak Aiden! Ginahasa siya! Ginahasa siya at walang awang pinatay dahil pinabayaan mo siya! Pinabayaan mo siyang maglakad sa gabi nang mag-isa!" Sigaw niya na nagpagising sa kaba, lungkot, takot at ang gabing iyon na akala ko'y nalimutan ko na. Kung saan, kasayaw ko siya. Pinainom ng alak na may halong pampahilo.

G-Ginahasa ko siya at pinatay. Itinapon sa daan para pagtakpan ang kamalian ko. Matapos no'n ay tumungo na 'ko sa America para takbuhan ang ginawa kong katarantaduhan.

Natutop ko ang aking bibig dahil ang gabing iyon ang aming Huling Sayaw at ang huli naming pagkikita nang buhay s'ya

One Shot Stories Where stories live. Discover now