#15: Alas-Otso

6 2 0
                                    

Bagong lipat kami sa Bulacan, Lakasdiwa Street sa San Pedro Area F. Galing kami sa Manila at talagang nakakatuwa ang mga tao rito. Approachable sila at matulungin. Mayroon nga, isang araw, ang kapitbahay namin ay nagdala ng hotdog sa bahay bilang pag-welcome daw. Hindi ko nga alam kung matutuwa ako o matatawa. Lagi akong kumakain ng hotdog. Lalo na ang mataba at mahabang hotdog.

"Iha, pumasok ka na. Alas otso na. Delikado sa labas" anang ginang nang makitang nasa labas pa ko. Isa lang sa nakakapagtaka sa lugar na ito ay pagdapit ng alas otso ay halos wala ng tao sa labas. Parang may iniiwasan. May kinatatakutan. Kaya maaga silang pumapasok ay hindi ko alam.

"Sige po" magalang kong sabi kasabay ng konting pagtango. Senyales ng paggalang saka ako tumalikod papunta sa loob ng bahay. Nang makapasok ay naabutan ko pa si Papa at Mama na nanonood habang si Kuya ay nagtetext sa girlfriend niyang naiwan sa Manila.

Hindi ko na sila inimik sa halip ay naglakad na ko patungo sa kwarto ko. Gusto kong magpahinga pero kakahiga ko palang sa kama ko ay nalunod ako sa pag-iisip.

Anong meron sa alas otso? Bakit natatakot ang mga tao ng ganoong oras? Samantalang sa Manila, napakaaga pa ng alas onse? Ganito ba ang buhay probinsiya?

Gusto kong malutas ang lahat ng ito kaya umupo ako sa kama at tumabi sa bintana. Inabot ako ng ilang oras sa pagtitig sa labas. Hindi ko alam ang oras pero isang hindi pamilyar na anino ang nakita ko. Hindi ko alam kung tama pa ba ang nakikita ko. Isang imahe ng tao, nakabaliktad. Gamit ang kamay nito sa paglalakad. Hindi lang isa, hindi lang dalawa at lalong hindi lang tatlo. Marami sila!

Agad akong kinabahan dahil sa nakita. Napalunok ako nang makita ako ng isa na nagmamasid! Agad kong isinara ang kurtina at nagtungo sa drawer para kunin ang cellphone ko. Gusto kong i-text kay Ana ang nakita ko kaya tutok ako sa cellphone habang naglalakad papunta sa kama. Nakaupo na ko nang may makita ako sa peripheral vision ko. Nag-angat ako ng tingin para lang kilabutan. Bumilis ang tibok ng puso ko at nanginig ang buong katawan ko!

Katulad sa nakita ko sa labas. Narito ang isa sa kwarto ko! Hindi ko alam kung babae o lalaki basta isang tao na nakatayo gamit ang kamay. Mahaba ang itim nitong buhok na sumasayad sa lupa. Maputlang-maputla ang mukha, mapula ang mga mata, nangingitim ang labi at may tumutulong dugo sa noo! Matalim akong tinitingnan nito na lalo kong ikinatakot.

Napanganga ako habang nanlalaki ang mata nang ibuka niya ang bibig niya't tumulo ang laway. May mga matutulis siyang ngipin.

"AHHHH!!" napatili ako sabay talukbong ng kumot at yakap ng mahigpit sa unan nang maglakad ito papunta sa akin.

Umiiyak ako habang yakap ang unan. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Naroon ang gulat at pagtataka sa kung ano iyon pero nangibabaw ang takot. Bakit may gano'n?

Lumipas ang ilang minuto nang walang nangyayari kaya kahit nangingibabaw ang takot ay dahan-dahan kong inalis ang kumot. Takot kong nilibot ng tingin ang lugar pero wala na. Wala na talaga ang nilalang. Dahan-dahan akong umupo sa kama at nanginginig na niyakap ang tuhod habang tahimik na lumuluha.

Ito pala ang dahilan ng alas-otso.

One Shot Stories حيث تعيش القصص. اكتشف الآن