Tahimik akong naglalakad sa pasilyo. Medyo nakayuko ako. Tinititigan ko ang mga paa ko. Kahit na medyo gamay ko kung ano ang itinuro sa akin ni Ginang Yi ay sinusuri ko pa rin kung tama ba ito dahil noong unang linggo ng pagtuturo niya sa akin ay aminadong medyo nahirapan ako. Dahil kapansin-pansin ang pagiging magaslaw ang aking ikinikilos na tila hindi ako sanay na maging marikit. Pero sige lang, kung kinakailangan ay gagawin ko. Ayoko ding masayang kung ano ang itinuro nila sa akin.

Huminto lamang ako sa paglalakad nang natanaw ko mula dito ang bulto ng isang lalaki. Nasa likod ang mga kamay nito. Tahimik itong nakaharap sa munting dugatan (pond). Kumawala ako ng isang malalim na buntong-hininga at ipinagpatuloy ang aking paglalakad hanggang sa tagumpay akong tumayo sa kaniyang likuran.

Yumuko ako tulad ng itinuro sa akin. Kahit na hindi siya nakatingin sa akin o magkaharap ay kinakailangan ko pa rin gawin ito, tanda ng pagrespeto. "Ama, ipinatawag daw po ninyo ako." marahan kong wika.

Doon siya nagkaroon ng pagkakataon na humarap sa akin. Nanatiling nasa likuran ang kaniyang mga kamay. Isang ngiti ang isinalubong niya sa akin. "Siya nga, Rei." sagot niya. Tumingala siya sa kalangitan. "Haaa... Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong pakiramdam."

Ikiniling ko nang kaunti ang aking ulo. "Ano pong ibig ninyong sabihin, ama?" bakas ang pagtataka doon.

"Sa mahabang panahon ay ngayon ko lang naramdaman ang ganitong pakiramdam, na malayo ka sa gulo at tahimik ang 'yong pamumuhay." sambit niya. "Dahil sa maagang edad ay namulat ang aking mga mata sa karahasan at digmaan. Sa mahabang panahon ay ang tanging iniisip ko lang ay kung papaano ako mabubuhay at manatili sa mundo upang makuha ang aking mga pangarap. Nakipaglaban ako sa mundo, para sa aking minamahal na bansa... Para sa aking pamilya."

Nanatili akong tahimik. Mataimtim kong pinapakinggan ang kaniyang sinabi.

"Ang buong akala ko ay hindi ko rin magagampanan ng maayos ang pagiging asawa at ama sa aking pamilya."

Yumuko ako. "Sa nakikita ko po ay masaya na po kayo. Kuntento na po kayo sa kung anuman po ang naabot ninyo. Iyon ay dahil napagpasyahan ninyo nang magretiro." kumento ko sa pamamagitan ng marahan kong tinig. "At tingin ko din ay masaya si ina at kuya Peng sa pasya ninyo ngayon."

Tumango siya, tila sumang-ayon siya sa aking sinabi. Tumititg siya sa akin saka ngumiti. "Ilang araw nalang ay dadalhin ka na sa Palasyo, ang nais ko lang sabihin ay ipinapanalangin ko ang 'yong kaligtasan. Madumi ang politika at hindi maiiwasan na may madadamay na mga buhay sa oras na may magtangkaang labanan at salungatin ang plano ng mga taong nais kalabanin ang Kamalahang Imperyal." may bahid na kalungkutan nang sambitin niya ang mga salita na 'yon. "Kung malakas pa ako, handa kong ialay ang aking buhay para sa mahal na emperador. Kung hindi pa ako umabot sa ganitong edad, ipinapangako ko na hindi niya muli mararanasan ang mapait niyang nakaraan." binawi niya ang kaniyang kamay at inilagay niya ulit ito sa likod.

Doon ako natigilan. "Ano pong ibig ninyong sabihin, ama?" bakas sa boses ko ang kuryisdad. "Anong mapait na nakaraan na mayroon ang mahal na emperador?"

Isang mapait na ngiti ang iginawad niya sa akin. Lumapit pa siya sa akin. Mahina niyang tinapik ang isa kong balikat. "Malalaman mo din, sa oras na tumapak ka na sa Palasyo. Pero ako na mismo ang nakikiusap sa 'yo. Hangga't maaari, protektahan mo ang Kamahalang Imperyal, anak."

Nanigas ako sa kinakatayuan ko. Bakit bigla nagwala ang aking sistema nang marinig ko ang pakiusap na 'yon? Bakit tila may bumagsak na mabigat na bagay sa magkabilang balikat ko. Napagtanto ko na kaya ba pinayagan nila ako na matutunan ko ang mga bagay na ito dahil tingin nila ay ako ang magpoprotekta sa minamahal nilang emperador? Na kaya kong harapin ang mga balakid na nais humarang mula sa pamumuno nito, ganoon ba?

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2) - EDITINGΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα