Umiba ang ekspresyon ng kaniyang mukha nang ipinagtaka ng mga ito. Sumeryoso ang kaniyang mukha. "Ang totoo po niyan ay ipinadala ako dito ng mahal na emperador, ang Kamahalang Imperyal, ama... ina." pag-amin niya.

Mas lalo gumuhit ang pagtataka sa mga mukha ng kaharap. "May ipinag-uutos ba ang Kamahalang Imperyal sa iyo, Peng? Sabihin mo lang at malugod naming tatanggapin 'yon ng 'yong ina." sunod na sinabi ng kaniyang ama.

Lumunok siya sa nilapitan niya ang karwahe. Nagsisunod ang mga ito sa kaniya. Tahimik niyang binuksan ang pinto ng pulang karwahe sa kaniyang harap. Nilakihan niya ang awang nito upang makita ng lahat. "Ito po ang sunod na tungkulin na ibinigay sa akin ng mahal na emperador. Ipinag-uutos niya na manatili po ang binibini na ito sa ating poder. Nais din po ng Kamahalang Imperyal na ampunin natin ito at tayo ang kinikilala niyang pamilya simula ngayon. Sa oras na babalik po ako sa Kabisera, 'yon din daw po ang hudyat na turuan siya ng mga bagay-bagay na kailangan niyang matutunan bilang anak na nagmula sa maharlika. Mula po sa pananamit, pagbabasa at pagsulat sa pamamagitan ng ating lengguwahe. Turuan din daw po siya ng tuntunin ng tamang pag-uugali bilang isang dugong bughaw at binibini, hanggang sa paraan natin na makikipaglaban."

Hindi makapaniwalang tingin ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga magulang. "Pero... Sino ba siya, anak? Saan ba siya nakuha ng Kamahalang Imperyal?" tanong sa kaniya ng ina.

Muli siyang lumunok at suminghap. "Iniligtas po siya ng mahal na emperador mula sa mga nais manakit sa binibini. At napag-alaman po namin na nawalan siya ng alaala na hindi po namin alam kung anong dulot nito. Subalit ay Kamahalang Imperyal ang personal na nagpangalan sa kaniya. Rei. Sinabi din ng Kamahalang Impyeryal na... Ito daw po ang mapapangasawa niya.." medyo maingat siya nang sambitin niya ang mga huling salita, hindi niya maaaring sabihin sa mga magulang na ang binibini na kaniyang bitbit ay isang dayuhan, pili lang ang nakakaalam sa tunay na pagkatao ng binibini. Mabuti nalang din ay kasama sa kapangyarihan ng naturang suot nitong mahiwagang maskara pagbago ng kulay ng kaniyang buhok. Mula sa gintong kulay at naging itim na ito.

Kita niya kung papaano nagulantang ang mga magulang niya nang banggitin niya ang huling pangungusap. Ganoon din ang kanilang mga tagapagsilbi. Si Lan naman ay tumangu-tango, bilang pagsang-ayon at pagpapatunay na nagsasabi siya ng totoo at walang halong biro.

"K-kung ganoon man at 'yon ay personal na utos ng Kamahalang Imperyal, hinding hindi namin ito maaaring tanggihan." wika ng kaniyang ama. Binalingan nito ang mga tagapagsilbi nito. "Maingat ninyong ipasok ang binibini sa loob at ilagay ninyo siya sa silid pampanauhin. Dapat ay walang bakas na pagbabaya sa kaniya."

Mabilis sumunod ang mga ito sa utos ng kaniyang ama.

Medyo nakahinga siya ng maayos nang marinig niya ang pagsang-ayon ng kaniyang ama. Alam din kasi ni Shan na gusto nga talaga mag-ampon ng kaniyang magulang dahil nag-iisa lang siyang anak. Naiitindihan din niya ang mga magulang kung bakit gusto at naghahanap sila ng aampunin. Lalo na ang kaniyang ina. Iyon ay mabawasan ang pag-aalala ng mga ito sa kaniya dahil malayo na ang kaniyang trabaho at hindi maiwasan na mailagay siya sa isang delikadong sitwasyon, lalo na pagdating sa digmaan, kahit na sabihin nating isang retirong heneral ng mga mandirigma ang kaniyang ama. Hindi masasabi ng tadhana kung pati siya ay mananatiling ligtas tulad ng kaniyang ama. Kaya sumang-ayon na din siya sa panukala ng mahal nilang emperador.

Habang inaayos ng mga tagapagsilbing babae si Rini sa magiging silid nito ay siya naman ay kasama ang kaniyang mga magulang na silid tanggapan. Kaharap niya ang kaniyang mga magulang habang ang iba pang babaeng tagapagsilbi ay abalang nagsasalin ng tsaa sa kanilang harap. Nang matapos ay umalis na ito para makapag-usap na silang mag-anak.

"Hindi ko alam na kami ang personal na pinili ng Kamahalang Imperyal na mag-alaga sa binibini na kaniyang mapapangasawa." panimula ng kaniyang ama.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2) - EDITINGWhere stories live. Discover now