Kabanata 17

4.1K 98 19
                                    

"CASSANDRA! ORDER NG TABLE FOUR, KANINA PA RAW! "

"Nandiyan na po!" Malakas na sigaw ko habang dala-dala ang malaking tray na naglalaman ng mga pagkain. 

Pagkalabas ko ng kusina, ang maingay na kainan agad ang bumungad sa akin. Kahit pinagpapawisan na ako dahil sa init ay sinikap ko pa ding ngumiti sa mga customers. Busy ngayon dahil may pasok ang kalapit na pampublikong high school. Lunch break nila.

"Limang tokwa't baboy, limang kanin saka isang serve ng bulalo." Nakangiting sambit ko saka maingat na inilapag iyon sa harapan nila. Magbabarkada yata ang mga 'to. "Kumpleto na. Damihan ang kain ha!" 

Nakita kong masayang tumango sila at nagpasalamat sa akin. Nangingiting umalis ako doon saka patakbong bumalik muli sa loob ng kusina. Nakahanap ako ng trabaho bilang dishwasher at waitress dito sa kainan nina Aling Rosita. May-ari ng malaking kainan dito sa Pasay.

Kahit pakialamera 'yong may-ari ng inuupahan ko ay labis na nagpapasalamat ako sa kaniya dahil siya ang nagsabi sa akin na kailangan nila ng waitress dito. Tatlo lang kami. Ang cook na si Emma, ako at si Aling Rosita na siyang tumatanggap ng orders sa harapan. 

"Cassandra, pakihugasan ng mga plato. Wala nang paglalagyan ng ulam. " Rinig kong saad ni Emma na nagluluto sa may kusina. 

Tumango ako saka hinarap ang napakaraming plato na nasa malaking palanggana. Huminga ako ng malalim bago hiniwalay ang mga 'yon at isa-isang hinugasan. Kahit mahirap ang trabaho ay kinakaya ko. 

Sa ngayon, ito lang muna ang trabaho na pinagtiya-tiyagaan ko. Hindi ako pwedeng mag-inarte dahil kahit papaano may sasahurin ako. Isa't kalahating buwan na akong nagtatrabaho dito. Kahit medyo masungit si Aling Rosita ay nabobola ko naman para sa libreng ulam. 

Tuwing sabado ang sahod ko sa isang linggo. Mas mabuti na din 'yon kaysa naman arawan. Baka kasi ay magastos ko kaagad. Kailangan ko pa namang ipadala ang sweldo ko kay Axel. Malapit na daw kasi ang exam niya. Kailangan kong magdoble kayod. Gusto ko sana silang bisitahin.

Alas sais ng gabi ay agad na nagpaalam na ako sa kainan matapos malinis ang mga mesa at mga pinggan sa kusina. Napatingin ako kay Emma nang may inilalagay siyang supot sa kamay ko.

"A-ano 'yan?" Nakangisi sa akin ang babae. Nakatalikod sa amin si Aling Rosita na nagbibilang ng pera sa harapan. 

"Iuwi mo ang tirang ulam! Ang payat-payat mong bata ka. " Tinapik niya ang pisngi ko bago bumalik sa loob ng kusina. Napangiti ako dahil doon. 

Mabait si Emma. Single mother siya at halos magkalapit lang ang edad namin. Matanda lang sa akin ng dalawang taon. Maaga kasi siyang nabuntis tapos iniwan siya ng syota niya. Three years old na ang anak niyang si Violet. Cute at mataba ang pisngi!

Inilagay ko agad 'yon sa loob ng bag ko. Ayos! May uulamin ako ulit bukas ng umaga!

Nagpaalam ako sa masungit na si Aling Rosita at agad na lumabas sa kainan. Pumara ako ng jeep sa may kalsada at nang makita na papunta 'yon sa Cainta ay agad na sumakay ako. 

Naramdaman ko ang pagod at hindi ko namalayan na nakaidlip na pala ako. Lumagpas pa tuloy ako sa 7 eleven kung saan ko hihintayin si Valerius. Malapit lang ang tinutuluyan ko dito kaso itong si Val ay tinext ako na maghintay daw dito. Ihahatid niya daw kasi ako pauwi.

Dahil hindi pa naman nagtetext ang lalaki ay bumili ako ng isang asadong siopao at umupo ako sa labas. Mukhang hindi naman uulan kaya oks lang. Mas maganda din dahil sariwa ang hangin. Medyo matao din sa loob at walang mauupuan.

Kumakain ako nang marinig ko ang mahinang pagtunog ng aking cellphone. Nang tingnan ang text ay napangiti ako ng malaki. Hays. Sobrang clingy ng singkit na 'to. Hindi pumapalya araw-araw sa pagsundo sa akin at paghatid pauwi. 

GONE AFFLICTED (Gone Series 2: Olive Cassandra Strom)Onde histórias criam vida. Descubra agora