Chapter 7 (Sweet Calvary)

45.5K 1.7K 237
                                    

CHAPTER 7

"LOLA, sigurado kang maayos ka na po?" tanong niya kay lola nang sinabing ito na ang pupunta sa puwesto nila sa maliit na palengke.

"Kaya ko na, apo. Huwag kang mag-alala. Kami na muna ni Seiranel ang bahala doon, magpahinga ka muna," tugon nito, hinaplos ang nakalugay niyang buhok.

"Sigurado ka po, ha?" ulit niya.

"Oo nga," natatawang sagot nito.

"Sige, lola. Maglilinis na lang ako dito," aniya, nginitian ito.

"Nauna na si Seiranel sa palengke," anang lola niya.

"Sige po. Ay oo nga pala, luluwas akong Maynila bukas, lola," paalam niya.

Kumunot ang noo nito at kapagkuwan ay tumingin sa kalendaryong nakasabit sa dingding ng bahay nila.

"Napapansin ko taon-taon kang lumuluwas ng Maynila sa saktong buwan at petsa," anito, muling tumingin sa kaniya.

Kaagad naman siyang natigilan. Halos limang taon na niyang ginagawa ito pero ngayon lang iyon isinatinig ni lola.

"Ano kasi lola...may—"

"Huwag ka nang magsalita. Basta mag-iingat ka," anito at tumalikod na.

Nakahinga naman siya ng maluwag nang tuluyan itong nakalabas. Dahan-dahan niyang kinuha ang litratong nakaipit sa luma niyang pitaka at pinagmasdan iyong mabuti.

Napabuntong-hininga siya at kumilos para maglinis ng bahay. Lahat ng puwedeng ligpitin ay inayos niya. Inayos na rin niya ang dadalhing damit para bukas.

Nang matapos niyang maglinis ay lumabas siya, diretsong tumingin sa karagatan. Medyo payapa siya nitong mga nakaraang araw. Siguro dahil walang nang-aasar sa kaniya. Ilang araw nang wala si William. Ang sabi ay lumuwas daw ito sa Maynila. Nasanay na siyang lumuluwas ang mga ito patungong Maynila paminsan-minsan.

Nang mapagtantong iniisip niya ang binata ay paulit-ulit siyang umiling. Ilang araw at gabi na itong nasa isip niya. Minsan sa palengke ay hindi niya mapigilang hanapin ang presensya ng binata.

Napangiwi siya sa sariling naisip. Gusto niyang sawayin ang sariling puso nang maramdaman ang hindi normal na tibok niyon.

Pumasok na lang siyang muli sa loob ng bahay at naligo. Nagluto na rin siya ng makakain nila hanggang mamayang gabi.

Kinabukasan ay maaga siyang nag-ayos at nagpaalam kay lola at Seiranel. Ang kapatid niya ay mataman lang na nakatingin sa kaniya.

"Ingat ka, ate," mahinang sabi nito, hinalikan siya sa pisngi. "Balik ka kaagad katulad ng palagi mong ginagawa para...hindi ako mag-alala," patuloy nito, pilit na ngumiti.

Nakangiting pinisil niya ang pisngi ng kapatid.

"Opo. Alis na ako," muling paalam niya at sumakay sa naghihintay na bangka na maghahatid sa kaniya patungo sa sasakyan niyang barko.

Halos inabot din sila ng isang oras bago makarating sa daungan ng malalaking barko. Nang nasa loob na siya ng barko ay abot-abot ang kaba niya. Parang gusto na niya kaagad makarating sa Maynila pero sa ilalim ng puso niya, hangga't maaari ay ayaw na niyang tumungtong sa lugar kung saan ay nakaranas siya ng kalupitan.

Nang tuluyang makadaong ang barkong sinasakyan sa Maynila ay halos nagdadalawang-isip pa siya kung hahakbang o hindi.

Humugot siya ng lakas ng loob at tuluyang lumabas ng barko, kasabayan ang mga kapwa niya pasahero.

Alam na niya kaagad kung anong jeep ang sasakyan patungo sa lugar na pupuntahan niya. Hinatid siya ng jeep sa sakayan ng bus at doon sumakay. Kalahating oras ang binyahe niya bago tuluyang nakarating sa paroroonan.

Isla Fontana Series #3: Chain Her (COMPLETED)Where stories live. Discover now