Chapter 3 (Chain)

49.5K 2K 245
                                    

CHAPTER 3

"DITO ka lang, huwag kang aalis. Babalik ako. Pangako, babalik ako," matigas na bilin niya sa babaeng kaharap.

Marahas itong umiling.

"Isama mo ako. Isama mo ako," sunod-sunod ang mga luhang sabi nito, mahigpit siyang hinawakan sa kamay.

Masuyo niyang hinaplos ang pisngi nito.

"Kapag hindi ako makabalik sa loob ng isang oras, umalis ka na dito. Humingi ka ng tulong. Huwag mong hahayaang mahuli ka nila, naiintindihan mo ba? Naririnig mo ba ako, ha?" Umiiyak na hinalikan niya ito sa noo.

"Paano ka? Ayokong umalis na wala ka. Hihintayin kita. Sabay tayong tatakas dito. Hindi ako papayag na wala ka," nagpupumilit ito.

Matapang niya itong tiningnan sa mga mata sabay bitaw sa kamay nito.

"Ipangako mong aalis ka dito kapag hindi ako nakabalik kaagad. Ipangako mo," mariing sabi niya.

Impit itong umiyak sabay tango. Dahan-dahan siyang tumayo at kaagad na tumalikod. Walang lingon-lingon na tumakbo siya kahit malaki ang sugat niya sa binti.

Alam niyang makikita at makikita pa rin siya dahil sa tumutulong dugo mula sa binti niya. Hingal na hingal at pawis na pawis siyang sumandal sa malaking puno at malakas na pinunit ang punit-punit na niyang bestida.

Pigil na pigil niya ang sariling hindi umiyak. Kailangan niyang magpakatatag. Taas-baba ang dibdib na tinali niya ng tela ang mahaba niyang sugat sa kaliwang binti. Ang sugat na ito ay hinding-hindi niya makakalimutan. Kung mabubuhay man siya ngayong gabi, habang-buhay niya itong babaunin sa buong pagkatao niya.

Tumingala siya sa kalangitan, umiiyak na pinagmasdan ang malaki at maliwanag na buwan. Saksi ang buwan na ito sa ilang araw at gabing kalbaryo sa buhay niya.

Pabalikwas siyang napabangon mula sa higaan. Hingal na hingal siya habang hawak ang sariling dibdib.

Malakas siyang napabuntong-hininga at bumaba mula sa papag. Nagsuot siya ng makapal na jacket at lumabas ng bahay. Malalim na ang gabi kaya hindi na siya nag-abalang itali ang mahabang buhok.

Napatingala siya sa kalangitan. Napakalaki ng buwan. Bilog na bilog iyon at maliwanag.

Ganito rin kalaki ang buwan noon. Ganito rin kaliwanag. Maliwanag man ang buwan na ito, hindi maitatangging hindi niyon masasakop ang liwanag na gusto niyang abutin. Madilim pa rin sa kapaligiran. Nananatili pa rin siya sa kadiliman.

Dahan-dahan siyang naglakad, ni hindi na nagsuot ng tsinelas. Naglakad siya malapit sa dalampasigan, hindi alam kung saang direksyon ang tutunguhin.

Ramdam niyang natutusok ang mga paa niya. Panandalian niyang naramdaman ang sakit pero kalaunan ay nagiging manhid iyon. Mapait siyang napangiti. Higit pa dito ang naranasan niya noon. Higit pa dito ang sakit at hapdi na tiniis niya noon.

"Hindi ka makatulog?"

Awtomatiko siyang napalingon sa nagsalita. Bahagya pa siyang napaatras sa sobrang gulat.

"William..." anas niya.

Mula sa liwanag ng buwan ay nakita niya ang pagngiti nito. Tumitig ito sa mukha niya.

"Hmm...nakalugay ang buhok mo ngayon. Nakalugay lang 'yan kapag naliligo ka," may aliw sa mga matang sabi nito.

"Anong pakialam mo sa buhok ko?" Tinaasan niya ito ng kilay.

Mahina itong natawa.

"Malalim na ang gabi at bilog pa ang buwan. Imbes na isa kang leon, baka bigla kang maging lobo diyan, Kathy," natatawang sabi nito.

Isla Fontana Series #3: Chain Her (COMPLETED)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora