Chapter 18

2.2K 187 37
                                    

Dumagundong ang matinding kaba sa dibdib ko nang makita na bumaling sa direksyon ko si Kahel matapos ng tanong sa kaniya ni Fatima. Napalunok ako ng sunod-sunod lalo na nang magtagal ang tingin niya sa akin. Hindi ko nagawang alisin ang tingin ko sa kaniya kahit na kinakabahan ako.

Hindi nagtagal ay naramdaman ko ang pagsiko sa akin ni Vera. May sinabi pa siya sa akin na hindi ko nagawang marinig dahil masyadong nakatuon ang atensyon ko sa isang tao.

Bakit sa akin ka kaagad tumingin? Bakit hindi na lang sa iba? Hindi ko tuloy maintindihan kung may ibang ibig sabihin ba ang lahat ng ito. Hindi ko maipaliwanag kung bakit wala pa mang kompirmasyon, nangingibabaw na kaagad ang tuwa sa dibdib. Paano kung tama nga ang iniisip ko?

Paano kung-

"Wala akong tipo sa isang babae. Wala rin naman akong nagugustuhan."

Hindi ko alam kung bakit biglang bumagsak ang balikat ko. Naibaba ko ang tingin sa sahig at doon itinuon ang pagkadismaya ko sa sagot niya. Naririnig ko rin ang ilang komento ng mga kaklase ko at binibiro pa silang dalawa ni Fatima. Hindi ko naman nagawang mag-angat ng paningin. Bigla kong gustong tapikin ang sarili ko dahil kung anu-ano na kaagad ang pumasok sa isip ko kahit lumingon lang naman siya sa akin.

Oo nga naman, hindi naman porket sa akin siya unang tumingin, ibig sabihin ay ako na ang tipo niya sa isang babae. Totoo pala talaga na hindi magandang nag-aassume ka sa isang bagay.

Napatawa na lamang ako sa isip ko. Tingin pa lang iyon pero nagkakaganito na ako.

Nanatiling nakababa ang tingin ko kaya hindi ko nagawang makita ang mga nangyayari sa mga kaklase ko. Gayon pa man, naririnig ko naman lahat ng mga tawanan at asaran nila. Nagpatuloy ang tanungan hanggang sa mamalayan ko na si Vera na pala ang tatanungin. Doon na ako tuluyang nag-angat ng tingin at ngumiti sa kaniya.

Nakita kong nag-aagawan sa pagtatanong ang mga lalaki naming kaibigan. Pati sina Jorem at Jeryc ay nakisali pa sa kanila. Sa huli ay si David ang pinili ni Ma'am na magtatanong. Pinigilan ko ang tawa ko lalo na nang makita ko ang malaking ngisi sa labi niya. Si Vera naman ay halatang busangot ang mukha.

"Crush mo ba ako?" si David.

Kaagad na nagsigawan ang mga kaklase ko. Hindi ko na rin napigilang makisali sa kanila. Nasapo ko ang bibig upang pigilan na lakasan ang kantyaw ko sa mga kaibigan. Si Vera sa aking tabi ay hindi na maipinta ang mukha. Masamang-masama ang tingin na ibinibigay niya kay David. Mas lalong lumakas ang kantyawan.

Mabuti na lamang at hindi sa akin itinanong iyon. Hindi ko kasi alam kung paano ako tutugon sa tanong na ganoon. Paniguradong bago pa ako makasagot ay sumabog na ang pisngi ko sa labis na kahihiyan.

"Bakit kita magiging crush? Si Levi ka ba?"

"Oh..." kantyaw ng mga kaklase namin.

"Hindi nga, pero magkahawig naman kaming dalawa." pang-aasar pa ni David. "Mahilig ka pala sa maliliit, sayang ka."

"AOT! AOT! AOT!" nasapo ko ang noo sa isinigaw ng mga kaklase ko. Karamihan sa mga iyon ay lalaki. Hindi ko alam na adik pala talaga si Vera kay Levi. Nakikita ko kasi ilang mga pictures niyon sa gallery niya. Ngayon ko lang nalaman na adik siya sa mga 2D characters. Kaya pala madalas kong marinig kina Sayon iyong salitang 'simp'.

Kita kong asar na asar na si Vera kay David. Mabuti na lang at pinatigil na sila ni Ma'am Castromero. Doon ko lang tuluyang napagtanto na ako na pala ang kasunod na tatanungin. Kinabahan kaagad ako lalo na nang mag-ingay ang mga lalaki kong kaklase. Nahiya kaagad ako nang magtaasan sila ng kamay para matanong ako.

Mabuti na lamang at si Sayon ang tinawag ni Ma'am. Mas komportable ako sa kaniya kaysa sa iba kong mga kaklaseng lalaki. Ngumiti ako sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Siniko-siko naman ako ni Vera pero hindi ko na siya pinansin.

Under The Rain (Guevarra Series 1)Where stories live. Discover now