Chapter 9

2.2K 158 9
                                    

"Ana? Naibigay mo?" Tanong sa akin ni Nana pagpasok ko kinabukasan. Ngumiti ako sa kanila ni Emily. Kampante naman ako dahil naibigay ko iyon ng maayos kay Kahel kahapon. Hindi ko na inantay kung ano ang magiging reaksyon niya dahil maging ako ay nahihiya.

Pero ngayon, masaya na ako dahil nagawa ko iyon ng tama.

"Salamat talaga, Ana!" Tuwang-tuwang anas ni Emily. Yumakap pa siya sa akin. Napangiti ako sa kaniya.

Bigla ko tuloy naisip kung ano ang mangyayari ngayong araw. Paano kung may gusto rin pala si Kahel kay Emily? Mas lalo akong natuwa sa posibilidad na mangyari iyon. Wala namang imposible 'di ba?

Natahimik kami lahat at nagpanggap na walang pinag-uusapan nang makita na pumasok si Kahel sa pintuan. Kinabahan kaagad ako nang unang dumapo sa akin ang tingin niya. Medyo magulo ang kulay itim na buhok niya ngayon siguro ay dahil sa pagsakay sa tricycle. Wala ring mababakas na galit o iritasyon sa mukha niya ngayon. Pilit ko tuloy pinipigilan ang ngiti ko dahil baka gumanda ang mood niya ngayon dahil sa letter na binigay ko sa kaniya kahapon.

Hindi kalaunan ay dumating na rin si Ms. Ladines kaya nagsibalikan na kami sa kaniya-kaniya naming upuan. Nagtataka pa kaming tiningnan ni Vera nang maabutan kaming naguusap-usap ng hindi siya kasama. Hindi na ako magtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasabihan nina Emily tungkol sa balak nilang gawin. Siguro ay hindi sila nagtitiwala sa bibig niya.

"Hoy? Ano iyong pinag-uusapan niyo kanina?" Pagtatanong niya sa akin. Nakatalikod si Ms. Ladines kaya hindi siya nakikita. Napatingin naman ako kina Nana na nakaupo sa kabilang row ng mga upuan. Hindi ko tuloy alam kung dapat ko bang sabihin kay Vera o hindi.

"Si Emily na lang ang tanungin mo. Baka kasi magalit sa akin kapag sinabi ko." Privacy din ito kaya dapat ay igalang ko. Pinagkatiwalaan nila ako sa sikreto nila kaya hindi ko dapat basta-basta sabihin lalo na kung kay Vera.

"Ang daya. Bakit ako lang ang hindi nakakaalam?" Nagtatampong anas niya. Alanganin naman akong ngumiti sa kaniya. Wala kasi ako sa posisyon na magsabi nito. Kay Emily dapat manggaling. Ayaw ko namang magkagalit kami dahil sinabi ko sa iba ang sikreto niya.

"Hindi ko kasi alam kung pwede kong sabihin eh. Si Emily na lang ang tanungin mo." Paliwanag ko sa kaniya. Kung magsasabi man ako ng sikreto ko, ihuhuli ko rin si Vera sa mga makakaalam. Hindi naman sa nagiging judgemental ako, sadyang sa loob ng ilang buwan kong kasama sila, kilala ko na rin talaga ang ilang bahagi ng personalidad nila.

"Ang daya." Anas niya. "Ano na lang sagot sa number 4?" Napailing ako sa pambawing tanong niya.

"9.8m/s square." Binigay ko na lang kaagad ang sagot bilang pambawi. Baka lalong magtampo ito sa akin kapag hindi ko pinagaya.

"Salamat! Sana maging top 1 ka!" Tumawa siya nang umiling ako.

Hindi na ako nag-eexpect na magiging top 1 ako ngayon. Sa school kasi na pinanggalingan ko ay madalas akong maging top 1 sa klase. Hindi dahil sa matalino ako. Kundi dahil masipag lang talaga akong magbasa at mag-aral. Hindi ko rin hinahayaang may kulang sa mga requirements ko. Kaya nga nahihiya rin ako sa tuwing tinatawag nila akong matalino. Hindi naman kasi talaga ako matalino, responsable lang.

"Sus tatanggi ka pa ang tali-talino mo kaya. Sana matalo mo si Fatima." Siniko ko siya para patigilin. Kahit kailan talaga ay palagi niyang naiisali si Fatima sa usapan. Hindi ko nga alam kung bakit iritadong-iritado siya roon. Wala naman akong nakikitang ginagawang masama iyong tao.

Natahimik na lamang ako at nagpatuloy sa pagsasagot hanggang sa sumunod na subject. Nang sumapit ang recess ay himalang hindi sila nag-akit na lalabas. Napasulyap ako kay Emily at nakitang namumutla siya sa kaba. Siguro ay iniisip niya kung ano ang sasabihin sa kaniya ni Kahel kapag tinanong siya nito mamaya.

Under The Rain (Guevarra Series 1)Där berättelser lever. Upptäck nu