CHAPTER 2

13.7K 490 184
                                    

Chapter 2: Agreement



“OPEN your book on page 281,” sabi ni Ma’am.

Isa-isa naming nilabas ang libro at nilagak sa ibabaw ng mesa.

Napatingin ako sa bandang kaliwa kung saan nakapuwesto si Con. Wala taong nakaupo sa dalawang upuang pagitan namin kaya malaya ko itong napagmamasdan. Nakaupo ito malapit sa bintana at nasisinagan ng araw ang buhok niya. Nakaub-ob din sa sariling desk niya. Walang duda, natutulog na naman ito.

Nangunot ang noo ko nang mapagmasdang mabuti ang kulay ng buhok nito. Asul?

Nilibot ko ang paningin at tiningnan isa-isa ang buhok ng mga kaklase ko. Ibinalik ko ulit ang paningin kay Con. Tanging si Con lang ang may kulay ng buhok sa amin at kulay bughaw pa!
Ngayon ko lang napansin.

Sumasayaw ang bawat hibla ng buhok nito dahil sa ihip ng hangin. Hindi ko ipagkakaila, bagay na bagay sa kanya ang kulay ng buhok niya. Naputol ang pagtitig ko sa kanya nang bigla siyang gumalaw kaya agad na napabalik ang tingin ko sa libro at kunwaring nagbasa.

Napatingin ulit ako sa kanya pagkatapos ng ilang segundo. Nakaharap na siya sa gawi ko pero nakapikit pa rin. Nakakrus ang mga braso niyang nakapatong sa desk at ginawa niyang unan iyon.

Napagmasdan ko nang mabuti ang mukha niya. Una kong napansin ang matangos nitong ilong, parang ilong ng isang koreano. Iyon kasi ang una kong napapansin kapag nanonood dati ng isang korean drama. Manghang-mangha ako sa ilong nila.

Teka? May lahi ba itong koreano? Nangunot ang noo ko sa tanong na iyon. Pero sa pagkakatanda ko hindi singkit ang mata niya. Ay ewan.

Katamtaman lang ang kapal ng kilay niya. Ang kinis din ng mukha pero napansin kong may pasa sa gilid ng labi niya subalit hindi ito gaanong nakikita. Parang pawala na nga ito. Siguro sa pakikipagbasag ulo niya nakuha iyon? Ano pa nga ba ang aasahan diba?

Bigla siyang nagmulat ng mata kaya nagsalubong ang paningin namin. Paktay! Nahuli pa! Baka ano pang sabihin nito sa ‘kin. May atraso pa ako rito. Hala, hala!

Ako na ang unang nag-iwas ng tingin pero pagkailang segundo ay napatingin ulit ako sa kanya. Tuloy ay nahuli ulit ako nitong nakatingin sa kanya. Pasimple kong kinurot ang hita. Napaiwas ulit ako.

Ysa huwag ka nang lumingon! Huwag!

Pilit kong pinigilan ang sarili na huwag ulit lumingon. Para kasing may nagtutulak sa akin na pihitin ang ulo para makita ulit si Con. Hindi ko alam kung bakit. Siguro ay gusto ko lang humingi ng tawad sa sinabi ko kanina. Tama! Iyon nga ‘yon.

Napalingon ulit ako sa kanya sa ikatatlong pagkakataon. Naman oh! Gusto kong malaman kung nakatingin pa ba siya o ano. Nagsalubong ulit ang paningin namin. Ganoon pa rin ang posisyon niya pero nakamulat na ang mga mata. Nakatingin pa rin siya sa ‘kin. Seryosong nakatitig lang ito at hindi gumagalaw.

Napalunok ako sa paraan ng pagtitig niya. Hindi ko maipaliwanag iyon. Halos magkasabay na ang bawat kisap ng mata namin. Binasa niya ang labi kaya napalunok ako. Bubuka na sana ang bibig ko pero hindi iyon natuloy.

Ysa! Okay na ba ‘yong pinagawa kong project ha?

Ay oo nga pala ‘yong essay ko tapos na ba Ysa?

Halos mapatalon ako sa gulat namg marinig ang boses ng mga kaklase ko. Nawala tuloy ang atensyon ko kay Con at nailipat sa kanila na nakatayo sa harapan ko. Sinilip ko ang unahan, wala na ‘yong guro namin.

“A-ah. . . o-oo. Ito na, tapos na lahat,” wika ko at isa-isang kinuha sa ilalim ng desk ang mga libro at projects na pinagawa nila sa akin.

Binigay ko sa kanila iyon. Napatili pa sila dahil wala na silang poproblemahin. Isa-isa silang nagbayad sa akin. Nginitian ko lang sila.

Living with the Bad Boy (Bad Boy Series #1)Where stories live. Discover now