Warning:33

1.3K 47 0
                                    

Chapter 33

Zanchi’s POV

Tanging pagtunog lamang ng kamay ng relo na nasa dingding ang maririnig sa maliit na kuwarto kung nasaan ako. Puti at kulay berde lamang ang tanging kulay sa loob maliban sa suot kong kulay asul na dress.

Hindi ko mabitawan ngayon ang kamay niya, medyo malamig ito at walang pakiramdam. Masyadong natatalo ng kaba ko ang aking pandama. Nakahiga siya ngayon sa hospital bed at mahimbing na natutulog.

Ilang beses nang tumatawag sa akin si Aliyah pero hindi ko nasasagot. Nakuha ng taong ito ang buong atensyon ko kung kaya’t nawalan na ako ng pakialam sa nasa paligid ko.

Ayaw kong maniwala pero totoong nasa tabi ko na ang taong matagal ko ng gusto makita. Hindi ko inaasahan na ang laki ng pinagbago niya.

Halata ang pagkapayat nito, naalala ko pa kung paano ko napagpantasyahan ang braso nito na tila alaga sa gym, ngunit ngayon ibang-iba na. Mahaba na rin ang buhok nito. Walang sigla ang kaniyang mukha kahit na alam kong “poker face” naman talaga siya.

“Oy! Lucien naman! Bakit mo pinabayaan 'yang sarili mo, inis!”

Hindi ko namalayan na umaagos na ang mainit kong luha at binabasa na ang tuyo kong pisngi. Nalasahan ko rin sa labi ang  malinaw kong sipon.

“Kadiri ka! Diyos ko, Zanchi! Hindi ka baby para umiyak nang ganiyan!” reklamo ng konsensya kong walang pakisama.

Hindi ko na lamang iyon pinansin at nagpatuloy sa pag-iyak. Nawalan siya ng malay kanina sa daan kung saan ko siya nakita at hinawakan. Tumawag kaagad ako ng security guard para madala ko siya sa hospital. Wala akong tiwala sa mga gunggong kanina na panay ang tawag ng “baliw” sa taong pinapahalagahan ko nang sobra.

Kapag may oras ako, humanda kayo sa akin.

Dehydration ang sanhi ng pagkawala ng malay ni Lucien. Isa pa ang napansin namin kanina ng doctor na tumingin dito ay ang kaliwang mata nito. Ayaw kong isipin pero binabagabag ako nito. Ipinaliwanag sa akin ng doctor na kailangan operahan iyon kung kaya’t sinabi ko na walang problema roon, ako ang bahala sa lahat para lang kay Lucien. May hindi gaanong malalim na hiwa ang nasa parte ng mata nito. Mula sa noo pa-slant sa kaniyang pisngi, kaya hindi malabong natamaan ang kaniyang mata. Hindi ko napansin iyon kanina dahil sa natatakpan ito ng bangs niyang mahaba. Gagawin ko ang lahat para bumalik iyon sa dati, sana ay pumayag siya.

Napalingon ako sa pintuan nang may iniluwa ito. Akmang tatayo ako upang tingnan iyon. Ang akala ko ay ang doctor na tumingin kay Lucien ngunit nagkamali ako.

“Nagkita na pala kayo?” Bakas na bakas ang pagka-sarkastiko niya sa tono ng kaniyang pananalita.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” matapang kong tanong, ngunit kaagad na nangilid ang mga luha ko sa aking mata.

Nagsisimula nang kumalabog ang puso ko.  Hindi ako puwedeng maging mahina ngayon nang dahil lang sa kaniya, pero sa presensya pa lang niya hindi na ako makahinga.

Iba man ang suot niya hindi pa rin nagbago ang kulay ng mga damit niya, tila gusto niyang iparating na kasangga niya si Kamatayan.

“Ayaw mo na ba siyang magising?” nagbato muli siya ng tanong sa akin.

“Walang hiya ka!” nanggigigil kong sabi.  Gusto kong sabunutan siya pero naunahan niya ako.

Napabitaw ako sa pagkakahawak sa kamay ni Lucien. Natagpuan ko ang sarili ko na nakasandal sa pader at bahagyang nakaangat. Unti-unti  kong nararamdaman ang pagbaon ng matatalim niyang kuko sa aking leeg hanggang sa nakaramdam ako ng hapdi sa aking katawan.

Warning: She is Mine. [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon