Warning:27

1.3K 43 1
                                    

Chapter 27



Third Person’s POV

Tahimik ang buong palasyo, tila nakamamatay ang sino mang gagawa ng ingay.



Kaagad siyang yumuko para magbigay ng galang sa kamahalan.  Kahit na may bahid ng  dugo ang magkabilang kamay at katawan ay hindi na siya nagdalawang-isip na harapin ang amang hari.



"Nasa pagamutan na po ang inyong anak, kamahalan," sabi ni Niall at nanatiling nakayuko.



"Mukhang napuruhan ka sa pakikipaglaban sa aking anak," sabad ng kamahalan.



"Marahil sa galit nito dahil sinaktan ni Raelle ang bihag nitong tao. Hindi niya tanggap na masasaktan ang—"



"Padalus-dalos din ang babaeng iyon. Dahil lang sa pag-ibig ay sasayangin niya ang kaniyang buhay. Bagay na bagay sila ng anak ko na nagpapatalo sa emosyon na iyan," komento ng hari.



“Ibig pong sabihin, isa na po talagang ganap na aswang ang dating kasintahan ni Lucien? Ang lakas at kakaibang abilidad nito kanina ay—” nahihiwagaan na tanong ni Niall sa hari.



“Tama, ang dahilan para makuha niyang muli ang aking anak at maibalik dito sa palasyo. Salamat din pala sa tulong mo, Niall dahil sa bihag na tao ni Lucien ay walang sabing sumugod dito ang anak ko para lang sa kaniya.”



--



Nasa tapat ng isang pinto si Niall; isang kuwarto kung saan nananatili ang kaniyang ama. Ang kapalit ng pagkakanulo niya sa kaniyang kaibigan ay ang makapiling ang nag-iisang pamilya.



“Ama, nandito na po ako,” mahinahong sabi niya.



“Niall? Anak ko.” Sa isang malawak na kuwarto na may magagandang kagamitan at magagarang damit ang sumalubong kay Niall.  Karangyaan ang naghahari sa buong kuwarto ng kaniyang ama. “Hindi ka dapat pumarito pa,” ang sabi ng kaniyang ama. Katulad pa rin ito ng dati, tila hindi tumatanda ang hitsura nito.



“Ngunit aking ama, ginawa ko po ito para makasama kayo, at mabuhay nang malaya sa labas ng palasyo,” tugon ng binata.



“Hindi, anak. Hindi ka pakakawalan ng kamahalan. Makukulong ka nang tuluyan dito katulad ko na hindi man lang magawang makatakas palabas.”



“Hindi totoo iyan, Ama! Ang ibig niyo lang sabihin na mas pipiliin niyo itong karangyaan na mayroon kayo kaysa sa makasama ako na anak ninyo! Hindi ninyo man lang naisip ang sakripisyo na ginawa ko para makausap man lang kayo! Ngayon lalasunin ninyo pa ako na sumapi sa inyo!?” naiinis niyang sabi sa kaniyang ama.



“Dumito ka na lang; samahan mo akong pagsilbihan ang kamahalan,” pagkukumbinsi nito kay Niall.



"Kung alam ninyo lang kung gaano ko kinamumuhian ang katangiang mayroon ako dahil sa pagliligtas ko sa inyo noon,  pagkatapos ngayon…iyan na ba ang desisyon niyo, Ama? Pipiliin mo itong palasyo kaysa sa nag-iisang anak mo?” Hindi niya alintana ang mga nakapapasong luha na kumakawala at lumalandas sa kaniyang magkabilang pisngi.



“Patawad, anak,” ang sagot na hindi kayang tanggapin ni Niall.


Tila napakaraming patalim na bumaon sa kaniya nang narinig ang sagot mula sa ama; ang sagot  na kailanman ay hindi niya makalilimutan.



Hindi na nilingon pang muli ni Niall ang ama at walang sabing umalis siya ng kuwarto. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lamang kumawala ang naipong mga luha na matagal nang pinigilan ni Niall.



Patay na ang kaniyang ama; patay na ang nag-iisang pamilya niya na siyang pinanghahawakan niya ng pag-asang mabuhay. Pinatay na ito ng kadiliman na siyang yumakap sa kaniya noon.



Hindi na niya kinilala ang lalaking kaharap niya kanina na isang pamilya dahil sa mga sinabi nito; malinaw na kinalimutan na rin ng sariling ama niya na may anak ito na naghihintay rito at lumalaban sa buhay para makapiling itong muli, ngunit nauwi lamang ito sa wala.



Napaluhod na lamang sa madilim na pasilyo si Niall dahil sa panghihina. Ang nakapapasong luha ay walang hinto sa pag-agos sa magkabilang pisngi niya. Ang paghihirap na tiniis niya ay nauuwi lang sa wala na tila bula na kahit ano’ng ingat ay mawawala.



Ang sakit lang na maramdaman na ang nag-iisang tao na pinaglalaban mo ay iiwan ka at kalilimutan na tila wala kang halaga at walang pinagsamahan. Ang taong ipinaglalaban mo ay matagal nang sumuko; ang tao na gustong-gusto mong makita, ngunit ito ay hindi man lang nag abala na ika’y maalala.







Zanchi’s POV



Pagod na pagod kong iminulat ang aking mga mata. Sobrang sikip ng pakiramdam ko na tila nakakulong ako sa isang maliit na kahon. Damang-dama ko ang sobrang lagkit ng pakiramdam ko. Wala akong ideya kung nasaan ako. Madilim na kuwarto ang bumungad sa akin nang maka-adjust ang paningin ko. Nakahiga ako sa maalikabok na sahig habang nakatali ang magkabilang paa, at nasa likuran ko ang aking kamay na nakatali rin.



“L-Lucien,” mahinang sabi ko. Nanunuyo na rin ang aking lalamunan. Bahagya ko pang nalasahan ang aking bibig na tila may kalawang. Malinaw na sariling dugo ko ang nasa bibig ko na natuyo nang tuluyan.



Isang maliit na lumang bumbilya na hindi ko alam kung magtatagal pa dahil unti-unti itong nawawalan ng buhay. Nakasabit ito sa lumang kisame, at ang tanging nagbibigay ng kaunting liwanag sa kuwarto kung nasaan ako. Tila isa itong bodega; tambakan ng mga pinaglumaan na gamit at patapon na katulad ko na itinapon dito na parang walang kuwentang bagay.



Gustuhin ko man na banggitin pang muli ang pangalan ng pinanghahawakan kong pag-asa, ngunit alam kong malabo dahil hindi iyon mangyayari. Siya na ang nagpapaalis sa akin, at marahil ay isa na rin itong paraan para—hindi! Mahal niya ako kung kaya’t hindi ko dapat isipin na gusto niyang lumayo ako sa kaniya. Hindi namin ito ginusto, kaya lalaban ako hangga’t ako’y may hininga pa.



Nagising ako dahil sa mga kaluskos at pagsigaw ng kung sino; tila nag-aaway ang mga ito. Bahagya kong iminulat ang aking mata para silipin ang kung sinong nasa loob ng kuwarto kung nasaan ako. Wala akong ideya kung ilang araw na akong nakakulong dito. Kailangan kong magkaroon ng lakas para makatakas.



“Wala sa plano natin na dadalhin mo si Zanchi rito! Ang plano ay iiwan mo siya roon sa may labas, pero bakit hindi ka sumunod sa usapan at ikinulong mo pa siya rito sa loob ng kaharian!?”



Ayaw kong maniwala, pero nakikita ko si Niall na galit na galit sa babaeng kausap nito.



“Pakawawalan ko rin siya, Niall huwag kang mag-alala. Tuturuan ko lang siya ng ilang leksyon bago ko kayo paalising dalawa.” Ramdam ko ang pagkainis nito sa binibitawang salita. Malamig ang pagtitig nito kay Niall na siyang nagdadala ng kilabot sa akin.



Pakiramdam ko handa itong pumatay nang wala sa oras. Tila nag-aapoy ang kaniyang mga mata, at kaunti na lamang ay kaya nitong patumbahin si Niall gamit lang ang matalim nitong pagtitig dito.

“Wala kang isang salita, Raelle. Ibinigay ko sa 'yo si Lucien, pero ganito ang ipapalit mo sa akin?”

Raelle? Isang pangalan na siyang narinig kong binanggit ni Lucien bago ako mawalan ng malay.

Sino ka ba? 



*27*

Follow SiriusLeeOrdinary for updates. Thank you!

Warning: She is Mine. [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon