Warning: 17

1.6K 56 3
                                    

Chapter 17

Third Person's POV

Walang imik at halos hindi malapitan ang dalaga dahil sa nararamdaman.

Galit, poot, at paghihinagpis. Sino ba naman ang hindi masasaktan kapag ang taong ipinaglalaban mo ay sumuko na at masaya na sa iba? Habang ikaw ay halos mamatay na sa paghihintay sa kaniya para balikan upang iligtas sa kadiliman. Masakit na ang taong ipinaglalaban mo ay may iba ng ipinaglalaban at pinoprotektahan, hindi na katulad noon.

Masakit na makita na halos ibuwis nito ang buhay para iligtas ang babae. Saksi ang mga mata niyang puno ng luha, nanghihina, at nawawalan ng pag asa.

"Lucien! Ano na! Ako ito si Raelle! Bakit hindi mo ako kausapin ngayon!? Hindi mo na ba ako kilala?!" sigaw niya.

Nasa gubat sila ngayon at hinarang niya si Lucien na sobrang bilis ng pagkilos na tila may isang bagay itong pinupunterya. Isang direksyon na kung saan ay nilingon ito ni Raelle. Sa gitna ng isang dosenang lalaki ay may babaeng tulala na tila may kung ano'ng enerhiya ang bumabalot rito.

Ibinaling niya ang paningin kay Lucien na ilang metro na lang ang pagitan sa kaniya. Napansin niya na seryoso ang mga mata ni Lucien, malayo sa nakilala niya nitong magkasama sila. Naramdaman niya ang panghihina ng kaniyang mga tuhod.

"Nag-iba ka na ba talaga, Lucien?"

Sa ilang araw na pagmamanman niya sa labas ng bahay ni Lucien, hindi niya mabasa na hinahanap siya nito. Ito ang dahilan upang magdamdam ang dalaga, dahil ang atensyon lamang ni Lucien ay nasa babaeng kasa kasama nito. Tama ang amang hari, may iba na ang kaniyang minamahal, pero hindi siya makapapayag. Babawiin niya si Lucien, kahit buhay niya ang kapalit.

Mabilis siyang kumilos upang salubungin niya ang binata, pero hindi pa niya naiiaangat ang mga kamay ay inatake na siya ni Lucien. Alam ng dalaga na iba ang anyo niya. Malayo sa totoong hitsura niya, isa sa kapalit ng kondisyon ng kamahalan sa kaniya upang makalabas siya ng kaharian at puntahan si Lucien, pero labis na ikinalungkot ni Raelle na hindi man lang nagdalawang-isip ang kasintahan sa pagtatagpo nilang muli. Hindi ba nito nararamdaman ang pagtibok ng puso nito nang mabilis sa normal?

Ang pag-ibig na pinagsasaluhan at ipinaglalaban nila?

Wala man lang ba itong nararamdaman na kakaiba o pamilyar na kaba? Ang pagmamahal?

Iniwan niya si Lucien at isang iglap lang ay nasa harapan na siya ni Zanchi. Walang sabing sinakal niya ito at malakas na sinuntok ang sikmura dahil sa galit na naghahari sa buong sistema niya. Akmang tutuluyan na niya si Zanchi nang biglang may umatake kay Raelle dahilan upang tumama siya sa katawan ng malaking puno. Nakaramdam siya ng hilo at panghihina ng katawan.

Tumingala siya at nakita niya ang isang lalaki na nakayakap kay Zanchi, at ilang saglit lang ay tumalon ito nang napakataas. Ilang mga nagtataasang mga puno pa ang tinalunan para makalayo. Hindi siya magpapatalo, nag-ipon muna siya ng lakas at sinundan sila.

Pagdating sa harap ng bahay kubo ni Lucien, gamit ang itim na mahika ay walang sinayang na segundo si Raelle upang tapusin na ang laban; laban sa isang babaeng walang ideya na ito na ang huling paghinga nito sa mundong inaapakan. Nagtagumpay siyang itapon sa malayong lugar ang lalaking kasama nito. Napangisi siya dahil sa nakikitang takot sa hitsura ni Zanchi. Bakas na bakas ang takot sa buong katawan nito. Panginginig ng mga tuhod, pagtulo ng nakapapasong luha, nakabibinging paghikbi, at ang mga walang kuwenta nitong mga dasal.

Gusto niyang tumawa nang malakas dahil sa kakayahan niya ngayon. Ang lakas ng katawan at mga abilidad na hindi niya kayang gawin noon bilang normal na tao.

Mabilis niyang dinakma ang leeg ni Zanchi. Sinakal niya ito at iniangat sa ere, halos bumaon na ang kuko niya sa balat ng karibal. Mapapansin na nahihirapan na ang dalaga, at ilang segundo na lang ay mapapatid na ang hininga nito, pero nagkamali siya.

Dumating si Lucien at walang pag-aalinlangan na tinapos ang laban na dapat ay sa kanila lang ng dalagang si Zanchi, ngunit naging laban ngayon ng magkasintahan. Hindi na niya kayang labanan ang lakas na mayroon ang lalaking minamahal. Hindi niya kayang saktan ang binata kahit binubulong ng isip niya na kalabanin ito at huwag hayaang matalo, ngunit hindi siya nagtagumpay; hinayaan na lang niya na maging abo, humalo sa hangin, at dalhin sa kung saan.

Ano pa ang dapat makita niya para siya ay tuluyan nang maniwala na hindi na siya mahal ni Lucien?

Naniniwala pa rin at pinipilit niyang isipin na may nararamdaman pa ang binata sa kaniya. Hindi pa rin siya susuko. Gagawa siya ng paraan para maibalik si Lucien sa piling niya, at handa niyang patayin ang kung sino man ang humadlang sa daraanan niya.

*17*

Warning: She is Mine. [COMPLETED]Where stories live. Discover now