Chapter 30

7.4K 280 7
                                    

 "KANINA pa kita inuutusan. Sinabi nang silipin mo 'yong cellphone ko, eh! Bilisan mo!"

Napangiwi si Flor nang makitang halatang nagdamdam ang kapatid niya nang bulyawan niya ito. Nasa kusina sila at tinutulungan siya nitong maghanda ng pang-Noche Buena. Kanina pa niya ito sinasabihang tingnan ang cellphone niya na naka-charge sa sala. Kung bakit naman kasi ngayon pa nagloko ang baterya niyon. Kapag hindi nakasaksak ay namamatay iyon nang kusa.

Inip na inip na siya sa text o tawag man lang ni Zeph. Pinauna na siya nito sa probinsiya at sinabing susunod na lang daw roon. Subalit anong oras na ay wala pa ito. Natetensiyon na siya. Dapat kasi, hindi na ako nauna. Ang kulit naman kasi ng lalaking 'yon. Sinabi nang magsabay na kami, piping himutok niya.

"Walang message," anang kapatid niya pagbalik nito sa kusina. "Ipinagpalit ko na ang cellphone mo sa cellphone ni Nanay."

"Salamat." Bakit ba hindi niya naisip iyon kanina? Ipinatong niya sa mesa ang cellphone, panaka-naka ay sinusulyapan iyon. "Pasensiya ka na. Inaalala ko lang ang Kuya Zeph mo."

"Naiintindihan ko naman 'yon. Kaso, 'wag ka nang masyadong mag-alala. Darating tiyak 'yon."

"O, sige na, buksan mo na 'yong gatas."

Tumalima ito. Tinimpla na niya ang buko salad. Hindi naman marangya ang handa nila. Hindi nila nakasanayan ang maraming handa kapag Pasko o Bagong Taon. Subalit sa pagkakataong iyon ay nadagdagan ang tipikal na handa nilang pancit at lechon manok. Iyon ay sa kagustuhan na rin ni Zeph. Ang sabi nito ay tradisyon na raw dapat ang masaganang handa.

Hindi na niya kinontra iyon. Nahuhulaan na niyang sa pamilya nito ay tiyak na napakaraming handa kapag ganoong okasyon. Hindi man sila makapantay roon, madama man lang nito na hindi handang-pangmahirap ang maabutan nito sa hapag.

Nag-pancit siya, spaghetti, kaldereta, at fruit salad. Bumili rin sila ng lechon manok, kastanyas—na natuklasan niyang paborito pala ni Zeph—ice cream, hamon, at keso-de-bola.

Nang hindi na siya makatiis ay nagpasya siyang tawagan na ito. Unattended ang cellphone nito. Lalo siyang hindi mapakali. Nag-ayos na lamang siya roon at pilit nakisali sa kasiyahan ng pamilya. Alas-diyes pa lang naman ng gabi. Baka na-traffic lang ito.

Ang sabi nito ay may aasikasuhin daw ito sa araw na iyon kaya mahuhuli ito ng dating. Maganda raw na mauna na siya para makatulong siya sa paghahanda. Iyon naman ang kanyang ginawa. Pero hindi niya inakalang magtatagal ito nang ganoon. Inisip niyang alas-singko pa lamang ay naroon na ito.

"Relax ka lang, Ate, darating na 'yon," wika ng isa pang kapatid niyang lalaki. Naroon ang asawa nito, maging ang mga biyenan nito. Tuwing may okasyon ay naroon sa kanila maging ang pamilya ng babae. "Ano kaya ang regalo sa 'yo ni Kuya?"

Nagkibit-balikat lamang siya. Siya ay may regalo kay Zeph. Isang dosenang puting kamiseta at isang libro. Ang praktikal na dahilan kaya kamiseta at libro ay dahil alam niyang mahilig itong magbasa. Nagtanong pa nga siya kay Molly kung ano kaya ang magandang bilhing libro. Talagang naglaan siya ng pera para doon. Mula iyon sa pag-aahente niya ng kung anu-anong produkto.

Ang mga kapatid niya ay hindi na niya binigyan pa ng regalo. Talu-talo muna. Ang mahalaga ay makaraos sila. Hindi naman nila ugaling magbigay ng regalo kapag Pasko. Ang mga pamangkin na lamang niya ang binilhan niya ng mga tsokolate. Ang kanyang ina naman ay inabutan niya ng maliit na halaga.

Mayamaya ay nagsimula nang mag-videoke sa labas. Nasa kanila na si Dina. Si Prospie ay sa Maynila magseselebra, kasama ang pamilya nito roon. Nagsimula na ring mag-inuman ang biyenan na lalaki ng kapatid niya, ang kapatid niya, si Dina, at ang ama nito. Noon ay kasama siya sa tagayan sa labas subalit alam niyang hindi siya mapapanatag hangga't wala pa si Zeph.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now