Chapter 42

11.2K 456 50
                                    

"THERE'S going to be a party here tonight."

Iyon lamang ang sinabi ni Zeph kay Flor, pero hindi niya inaasahan na isang malakihang party pala ang magaganap nang gabing iyon. Ang okasyon: kaarawan nito.

Pagkakain ng tanghalian ay nagsimula nang dumating ang kung sinu-sinong tao upang ayusin ang garden sa likod. Nagtayo ng tent, naglagay ng mga upuang may sapin at mga mesa. Maraming nagtulung-tulong. Saglit lamang ay nagmukha nang puwedeng pagdausan ng en grandeng kasalan ang likod-bahay. Maganda rin ang mga halaman doon, alaga ng hardinerong tuwing umaga ay pumaparoon.

Napakaraming dumating na mga bulaklak, mga naka-arrange na. May dumating na nagkabit ng mga ilaw at speakers. Pagsapit ng alas-sais ay nakaayos na rin ang mga pagkain na mula sa hotel.

Kilala niya ang ibang tauhan ng hotel na naroon. Ang ilan doon ay nagtanong sa kanya kung bakit naroon na siya ngayon. Hindi niya alam kung alam ng mga ito na nang mawala si Zeph ay sila ang magkasama, subalit alam niyang batid ng mga ito na noong sa hotel siya nagtatrabaho ay espesyal ang turing ni Zeph sa kanya. Kaya marahil nagtaka ang mga ito na makita siyang nakauniporme ng kawaksi.

Simpleng sagot lamang niya na doon na siya nakadestino ay umiwas na siyang makipag-usap pa sa mga ito. Wala siyang ipapaliwanag sa mga ito. Pasado alas-sais ay dumating na si Zeph at nagbilin sa kanyang tumulong daw siya sa paghahanda.

Sa kabila ng mga nangyari sa kanila, gustung-gusto sana niyang batiin ito subalit naalangan siya. Paano niya sasabihin ang kanyang pagbati nang hindi siya magmumukhang tanga?

Nagsimulang magdatingan ang mga panauhin bandang alas-otso ng gabi. Hindi siya nakikihalubilo sa labas, marami namang mga waiter doon. Nasa kusina lamang siya kung saan naroon ang mga pagkain. Kapag may lalagyang kailangang punan, siya ang naghahanda ng ilalabas na pagkain.

"'Looks like you're busy."

Paglingon niya ay nakita niya ang ina ni Zeph. "Magandang gabi po," magalang na bati niya rito. Nakatingin ito sa kanya at sinalubong niya ang tinging iyon. Wala siyang dapat ikahiya rito. Buo ang dignidad niya.

"Why didn't you encash the check?" Maayos ang tono ng pananalita nito pero ganoon din naman ito noong minsan siyang kinausap. Wala na rin siyang balak basahin ang tumatakbo sa isip nito. Nagawa na niya ang sa tingin niya ay tama. Bahala na ito kung hanggang ngayon ay hinuhusgahan pa rin siya nito.

"Wala pong bayad ang ginawa ko," simpleng tugon niya. "May kailangan po ba kayong pagkain? Inumin?"

Patuloy lamang itong nagmasid sa kanya, hanggang sa may lumapit na babae rito. Maganda ang babae, matangkad, balingkinitan ang katawan.

"Sophie, hija," anang matanda.

"I've been looking everywhere for you."

Ito pala ang babaeng gusto nito para kay Zeph. Hindi na kataka-taka. Mukhang edukada ito, bagay na bagay kay Zeph.

"Why don't you greet Zeph?"

"I will. I'll catch up with you later, Tita." Umalis na ito. Nanatili roon ang matanda. Matagal na nanatiling nakatingin lamang ito sa kanya. "That's Sophie..." anito kapagdaka. Tila nasabi lang nito iyon sa kawalan ng ibang sasabihin.

Tumango siya. "Mukhang bagay nga ho sila ni Zeph."

"Flor, hija—"

"Mom, what are you doing here?" ani Zeph. Kasama na nito si Sophie. Nasa baywang ng babae ang bisig nito. Tumalikod na siya at nagkunwang inaasikaso ang mga pagkain doon. Napakalaki ng espasyo sa labas, bakit doon pa nagtungo ang mga ito?

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon