Chapter 31

7.2K 265 9
                                    

Dumiretso si Flor sa receiving desk at nakigamit ng telepono. Tumawag siya sa hotel, pagkatapos ay itinanong doon ang numero sa bahay ng mga McNally. Matagal bago may sumagot doon. Hindi lumipas ang isang minuto ay kausap na niya ang ina ni Zeph.

Sinabi kaagad niya rito ang sitwasyon. Halatang nabahala ito at sinabing aayusin nito ang lahat. Alam niyang mag-uusap pa sila at handa siya roon.

Makalipas ang wala pang kalahating oras ay dinala na ng isang ambulansiya si Zeph patungo sa Saint Luke's. Naroon na ang mga magulang nito nang makarating siya roon. Tahimik lang siyang bumati sa mga ito. Si Zeph muna ang inasikaso ng mga ito, pagkatapos ay saka siya kinausap ng ina nito.

"What have you done to my son?"

"S-sorry po." Pumiyok kaagad ang tinig niya. "Sinabi ko naman po sa kanyang 'wag nang masyadong magpapagod."

"No. What have you done to him? You have turned him into someone we don't recognize anymore. Ano ang inaasahan mo ngayon? Na tatanggapin namin uli siya na kasama ka? Habang kasama ka niya, walang makukuha ni isang kusing sa amin si Zeph. Hindi pa ba malinaw sa 'yo 'yan hanggang ngayon?"

"M-malinaw po." Nakagat niya ang ibabang labi upang kahit paano ay pigilan ang mga luha niya. "L-lalayo na po ako sa kanya."

"That is not enough and you know it. Alam mong hindi mo mapipigilan si Zeph kung hindi ka gagawa ng paraan para itaboy siya. Matalino ang anak ko. Hindi ko nga alam kung paano mo..." Nagbuga ito ng hangin. "Ano ngayon ang plano mo?"

"I-itataboy ko po siya."

Tumayo na ito. "Hihintayin ko na lang na bumalik siya sa amin. Kung totoo ang sinabi mo, patunayan mo. And if you will be true to your words, I will give you a handsome amount."

Hindi na siya nakapagsalita sapagkat hirap na siya sa kakapigil ng mga luha. Iniwan na siya nito roon.

Hinayaan na lamang niyang dumaloy ang kanyang mga luha. Nang maubos ang mga iyon ay halos wala sa sarili na tigagal na nakatingin lamang siya sa pader. Parang binibiyak pa rin ang puso niya sapagkat alam niyang gagawa siya ng paraan para magkahiwalay na sila ni Zeph.

Buo na ang desisyon niya at mabigat na mabigat man iyon sa kanya ay alam niyang iyon ay para sa ikabubuti nito.

---


www.facebook.com/vanessachubby

www.facebook.com/theromancetribe

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang