Chapter 27

6.8K 304 7
                                    

PIGIL na pigil ang mga luha ni Flor upang hindi marinig ni Zeph. Himbing na itong natutulog sa kanyang tabi. Amoy-Salonpas at Oil of Wintergreen ito sapagkat iyon ang ipinahid niya rito nang masahihin niya ito. Nananakit ang likod nito kanina nang umuwi.

Ikatlong araw na nitong nagmamaneho ng taxi na binili nito nang hulugan. Ibinenta nila ang laptop nito at relo. Ang nalalabing balanse ng taxi ay mababayaran nila sa loob ng anim na buwan.

Awang-awa siya rito, hangang-hanga, mahal na mahal. Alam niyang walang ibang lalaking magmamahal sa kanya maliban dito. Gabi-gabi ay nakikiusap siya sa Diyos na sana ay mabigyang-liwanag na ang isip ng mga magulang nito. Hindi niya alam kung paano natitiis ng mga iyon ang sariling anak. Kung siya nga ay hindi na niya matiis ito.

Kung sasabihin lamang nito sa kanya na magkalimutan na sila dahil nahihirapan na ito, gagawin niya nang hindi na magtatanong pa. Alam niyang marahil ay alam ng mga magulang nito ang nangyayari dito. Imposibleng tuluyan nang kinalimutan ng mga ito ang anak. Iyon nga lang, mukhang hindi pa kumbinsido ang mga ito na mahal niya si Zeph kahit na ano pa ito.

Kung sana ay hindi niya alam kung anong klase ang mundong ginalawan nito noon, hindi marahil siya makakadama ng ganoon. Subalit alam na alam niya. At batid niyang isang napakalaking sakripisyo ang lahat ng iyon para dito. Hindi ito sanay sa ganoong buhay.

Mabuti sana kung sila lamang ang binubuhay nito, subalit hindi. Gusto nitong ito rin ang magbibigay sa pamilya niya kahit iginigiit na niya ritong magtatrabaho na siya. Ang totoo ay sineryoso na niya ang pagtitinda ng kung anu-anong produkto.

Itinatago niya kay Zeph ang sandamakmak na brochures niya. Ang lahat ng uri ng produkto ay mayroon siya—mula lipstick hanggang appliances. Ang buong kalye nila ay mga customers na niya, maging ang mga empleyado sa parlor na pinagtatrabahuhan nina Dina, pati na ang mga bagong taong nakilala niya sa mga ahente rin.

Sa bahay na tinutuluyan nila ay hindi muna sila nagbayad ng renta. Ginamit na lang nila ang deposito nila. Mabuti na lamang at mabait ang may-ari. Ang sabi niya kasi kay Zeph ay lumipat na sila sa isang mas maliit na bahay dahil dalawa lang naman sila. Mukhang napahinuhod na rin niya ito.

Ganoong hindi pa nila alam kung hanggang kailan sila sa ganoong sitwasyon at wala na silang pera sa bangko, maganda na iyong magtipid muna sila. Naniniwala siyang pansamantala lamang ang lahat ng iyon, pero hindi pa rin siya mapalagay.

Tumagilid siya at pinagmasdan ito. Napangiti siya. Ang guwapu-guwapo pa rin nito. Tiyak na maraming pasahero ang makakatipo rito. Kahit hindi na ito mayaman ay mukhang napakayaman pa rin nito. Kahit kadalasan ay naka-shorts lang ito sa bahay at ordinaryong T-shirt, taglay pa rin nito ang sopistikasyong hindi kayang pag-aralan at bilhin.

Tinawanan niya ito noong umpisa—nang makita niya itong nakaputing polo na pang-driver ng taxi—pero ang totoo ay gusto na niyang magkulong sa silid at mag-iiyak. Kung maaari lamang na siya na ang magmaneho at pabayaan na lamang ito sa bahay ay ginawa na sana niya.

"Hmm," ungol nito at bahagyang nagmulat ng mga mata. "You're still awake, honey?"

Pasimpleng pinahid niya ang mga luha. "Naalimpungatan lang ako."

"Let's sleep, okay? On Sunday, my rest day, I'm going to make love with you all day long. But not now, although I would really love to."

"Heh! Puro tapal na nga ng Salonpas 'yang likod mo, 'yon pa rin ang laman ng isip mo."

Umalog nang bahagya ang mga balikat nito at humigpit ang pagkakayakap sa kanya.

"Zeph, mahal na mahal kita. Tandaan mo, ha?"

"Hindi ko kalilimutan."


___

Like my page: www.facebook.com/vanessachubby
The Romance Tribe: www.facebook.com/theromancetribe

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon