Chapter 4

8.7K 318 23
                                    

SECOND runner-up ako sa Miss San Dionisio! Second runner-up!

Iyon ang paulit-ulit na tumakbo sa isip ni Flora habang pinupunasan ang mga muwebles sa silid na nililinisan niya. Isang buwan na siya sa trabaho niya bilang chambermaid ng de luxe hotel na iyon. Ang totoo ay masaya siya sa trabaho niya sapagkat bukod sa maayos na sahod ay may paminsan-minsang tip din siyang nakukuha. Ang kaso, sa mga pagkakataong ang nililinisan niyang silid ay tulad niyong ubod ng dumi, parang nahihiya siya sa sarili niya na hindi niya mawari.

Mukhang lumaki yata ang ulo niya sa pagkapanalo sa ikatlong puwesto sa paligsahan kaya hindi na niya matanggap ang trabaho niya. Sa Choleng's nga ay ubod ng liit ng suweldo niya, hindi siya nagrereklamo.

"Salaulang mga foreigners!" reklamo niya sa kawalan. Nang buksan niya ang silid ay umaalingasaw iyon sa putok. Masuka-suka siya nang tingnan niya ang toilet. Hindi man lang nag-flush ng inidoro ang salaulang guest. Kahit naman mahirap ang trabaho niya sa Choleng's, kailanman ay hindi siya naglinis ng toilet.

Si Dina ay nagawang ipasok ni Prospie sa salon subalit siya ay wala nang malugaran doon. Sa kabutihang-palad naman ay may opening sa hotel na iyon para sa trabahong chambermaid. Nag-apply siya. Ayon kay Prospie ay suwerte pa nga raw na pumasa siya. Ang hinahanap daw ngayon sa mga hotels, kahit chambermaids, ay iyong nakaabot ng college.

Magkasama sila ni Dina sa iisang silid. Inuupahan nila iyon. Masyadong maliit iyon pero ayos na rin. Masyado palang mahal ang mga paupahan sa Maynila. Hindi naman nila matiis na makipanuluyan pa kina Prospie sapagkat maliit lang ang bahay ng mga ito. Malaking tulong nang pinahiram sila nito ng pang-advance at pang-deposit sa inuupahan nila.

Nang matapos linisan ang mga silid na naka-assign sa kanya ay nagbalik na siya sa housekeeping department.

"Flor, baka naman puwedeng ikaw muna sa floor ko. Sige na, masakit lang ang tiyan ko, eh. Ililibre kita bukas," pakiusap sa kanya ni Helen. Kasamahan niya ito sa trabaho.

Panggabi sila nito. Mukhang masakit nga talaga ang tiyan nito. "Bakit hindi ka pa umuwi?"

"Kailangan ko ng pera, eh."

"O, sige, malinis na ang five-o-nine hanggang five-fifteen. Pumili ka na lang doon. Wala naman sigurong magtse-check in."

Tumango kaagad ito. Umakyat na siya sa floor nito. Tangan ang clipboard ni Helen ay tinungo na niya ang lilinisang silid. Nakalagay sa clipboard ang form ng bawat silid. Inire-report kaagad nila kung alin ang malinis na, kung kompleto ang laman ng maliit na refrigerator, kung may gamit na dapat palitan, at kung anu-ano pa.

Napakunot ang kanyang noo nang pagtapat niya sa isang silid na ayon sa listahan ni Helen ay hindi okupado at kailangan nang linisan nang may narinig siyang ingay roon.

Itatawag na muna sana niya sa opisina iyon, gaya ng SOP nila, nang makarinig siya ng kung anong kalabog, pagkatapos ay ang sigaw na pinahina na ng makapal na dingding. Hindi na siya nagdalawang-isip. Batid niyang mahalaga ang oras sa mga ganoong pagkakataon. Paano kung sa pagtawag niya ay mapahamak pang lalo ang kung sinumang sumigaw na iyon? At kahina-hinala na ang lahat sapagkat dapat ay hindi okupado ang silid. Sa katunayan, lahat ng silid sa floor na iyon ay hindi na pinaokupahan noong isang araw pa. Huling mga guests na ang nag-check out kani-kanina lang.

Gamit ang card key niya ay binuksan niya iyon. Laglag ang mga panga niya sa nadatnang eksena. Isang babae ang nakaposas ang mga kamay sa kama, habang isang lalaki ang nagpapasasa sa katawan nito!

"Hayup ka!" sambit niya, saka hinataw ng bakal na handle ng pang-eskoba ang ulo ng lalaki. Hindi pa nakontento na inulit niya iyon.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon