Chapter 6

9K 328 18
                                    

"SIR, MAKAKAPAGPALIWANAG po ako," ani Flora sa lalaki. Ngayon ay alam na niyang ito si Mr. Zeph McNally, ang big boss.

Napakalaking tanga niya. Hindi man lang niya naisip ang posibilidad na iyon subalit masisisi ba siya? Hindi naman niya sukat-akalaing ganoon pala ito. Alam niyang doon ito nakatira sa hotel subalit dahil hindi pa niya ito nakikita ay wala siyang ideya kung ano ang hitsura nito. Iba ang elevator nito. Bukod doon ay parati siyang abala sa kanyang trabaho para alamin pa iyon.

Wala rin siyang ideya na napakabata pa pala nito at hindi pala Puti. Hindi na siya nag-abalang itanong pa iyon sa mga kasamahan niya. Hindi siya interesadong magtanong sapagkat malinaw sa kanyang iba ito, iba siya. Hindi ito direktang makikipag-usap sa kanya kailanman. At malamang, kahit kailan ay hindi siya makikilala nito. Iba ang boss niya—ang head ng departamento niya, ang guests, at iba pang mas nakatataas doon.

Hindi niya inaasahang darating ang ganitong pagkakataon.

"Sumama ka na lang sa akin," wika sa kanya ni Sir Nathan. Lumabas na ng silid ang lahat. Hindi siya mapakali. Hindi siya makakapayag na ganoon na lamang ang lahat. Maganda ang suweldo niya at kailangan niya ang trabahong iyon kahit panay ang reklamo niya.

"Sir, Bossing, pakiusap, magpapaliwanag po ako," patuloy niya. Kulang na lang ay kalabitin niya ito sapagkat hindi ito tumitingin sa kanya.

"Sshh," saway nito sa kanya. Halatang mataas ang respeto nito sa amo nila. Pero hindi niya makuhang sumunod sa saway nito. Mas mahalagang maibalik sa kanya ang trabaho niya.

"Boss, nakikiusap po ako sa inyo. Sorry po. Sorry talaga. Hindi ko naman po alam na kayo pala 'yon. Kung tutuusin, kasalanan n'yo rin—"

Natahimik kaagad siya nang sa wakas ay nilingon siya nito. Kunot na kunot ang noo nito. Kinabahan siya. Noon lamang niya napagmasdan ito nang maigi. Napakagandang lalaki pala nito. Kanina kasi ay hindi na iyon rumehistro pa sa isip niya. Mukha ring mabagsik ito, iyong tipo ng taong lahat talaga ay mangingilag.

Mukhang matalino, suplado, at siyempre, isang tingin pa lang ay alam nang mayaman ito. Ang laki-laking tao nito, ang tangkad-tangkad.

"How's it my fault?"

"P-po?"

"Bakit kasalanan ko?"

Nakakita siya ng oportunidad na mabawi ang trabaho niya. "Eh, kasi hindi kayo nagpapakita sa mga tulad kong mababang empleyado lang. Siyempre naman, hindi namin alam kung ano'ng hitsura n'yo.

"Isa pa, wala naman sa listahan na okupado pala 'yong kuwarto. Dapat nga pong matuwa pa kayong ang mga empleyado n'yo pala ay handang tumulong sa nangangailangan. Isipin na lang ninyo, paano kung hindi pala kayo ang nandoon?

"Parang hindi naman po yata makatao na isang pagkakamali ko lang, eh, sisibakin na agad ninyo ako. Kung tutuusin naman, eh, kayo rin ang may—"

"Sir, isasama ko na po siya pababa," singit ni Sir Nathan sa sinasabi niya.

"Teka muna saglit, Sir," baling niya rito, nakadama ng galit. "Wala ba akong karapatang magpaliwanag? Kahit nga mga kriminal, pinagpapaliwanag, eh. Gusto ko lang naman sanang iparating—"

"It's okay. Go now, Nathan. Liza, I'll call you up." Binalingan siya ni Zeph. "Come with me."

"But I can stay," wika ng babae.

"No. You go now."

Tila napipilitan lang ang babae na sumama sa lalaking tinawag na "Greg." Nakasunod naman siya sa amo niya habang patungo ito sa elevator. Nag-iisip na siya ng mas mabigat na dahilan kung bakit kailangan nitong huwag siyang tanggalin sa trabaho.

Ang totoo ay bahagya na siyang nakakadama ng inis. Ganoon ba talaga ang mayayaman? Bigla-bigla na lamang nagpapaalis ng tauhan? Totoo naman ang katwiran niya ritong wala siyang kasalanan. Ginawa lamang niya ang natural na gagawin ng kahit sinong may malasakit sa kapwa.

Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas ay dahil sa mga taong tulad nito. Hanggang kailan magmamakaawa ang mga tulad niya sa mga tulad nito? Kung hindi lamang siya nangangailangan talaga ng trabaho ay hindi siya makikiusap dito. Hindi pa nga nila nababayaran ni Dina ang perang inutang nila kay Prospie na pambayad sa inuupahang silid ay mawawalan na siya ng trabaho.

Bukod doon, kumuha rin siya ng hulugang cellphone sapagkat hindi niya matiis na hindi magkaroon ng ugnayan sa kanyang ina at sa mga kapatid niya sa probinsiya. Mabuti na lamang at may napanalunan siyang cellphone sa Miss San Dionisio at iyon ang iniwan niya sa kanyang ina.

Habang lulan ng elevator ay napatingin siya kay Zeph. Napalunok na lang siya basta. Parang bigla na lamang siyang kinabahan na hindi niya maunawaan. Parang noon lang tumimo sa isip niya na heto na ang big boss. Narito na sa kanyang tabi. At ibang klase ito. Daig pa nito ang presensiya ng pangulo ng bansa. Mahirap ipaliwanag. Kahit nakatayo lang ito roon, direktang nakatingin sa pinto at wala namang sinasabi ay tila nagsasalita ang presensiya nito.

Inay ko po! Ano ba ang magandang sabihin sa isang ito?

Nang bumukas ang pinto ay naglakad na ito palabas. Tuluy-tuloy ito sa dulong pinto. Dalawa lamang ang pinto roon. Noon pa man ay alam na niyang ito lamang ang umookupa ng isang palapag sa gusaling iyon, ang pinakataas na bahagi, pero hindi iyon penthouse. Sa ibabaw kasi ng gusaling iyon ay isang helipad ang naroon.

Kung kailan kailangan niyang paganahin nang husto ang isip niya ay saka tila ayaw gumana niyon. Ang pasalit-salit sa isip niya ay ang nadatnan niyang eksena sa silid kanina. Malamang ay hindi talaga nire-rape nito ang babaeng iyon. Baka nagkakatuwaan lamang ang mga ito. Mga malalaswang nilalang.

Pero may pribadong kuwarto naman ito sa hotel ay kung bakit kailangan pang doon sa silid na iyon gumawa ng milagro ang mga ito. At bakit kailangan pa nitong iposas ang babaeng iyon? Ano ba ang mga ito? Ang mga ito ba ang mga taong naririnig lamang niya sa mga kuwento ni Dina? Iyong mga taong weirdo na ang paraan ng pakikipagtalik? Kung ganoon pala ay isang nakakadiring tao ito.

Subalit matay man niyang isipin, hindi ito mukhang nakakadiri. At ngayong napag-isip-isip na niya, ang babae kanina ay malayo sa nandidiri. Mukhang siyang-siya pa nga ito. Masyado lang nadiin sa isip niyang hindi normal ang kanyang nakita. May posas at nakarinig siya ng sigaw, naisip na lamang niya agad na may masamang nangyayari.

Kasalanan ba niyang sa pinagmulan niya ay hindi uso ang ganoon? Parang isang alamat nga lamang iyon kapag ikinukuwento sa kanya ni Dina, isang bagay na naririnig lamang din nito. At palibhasa kahit kailan ay hindi sila nagkaroon ng Betamax, VHS, at VCD player ay hindi pa siya nakakapanood kahit minsan ng kahit anong malaswang palabas. Ang pinakamalaswang napapanood niya ay iyong mga babaeng naka-two piece sa videoke. Ni hindi nga masasabing malaswa iyon.

Diyos ko, ano bang klaseng tao itong lalaking ito?

"Akala ko ba, gusto mong marinig ko ang sasabihin mo?" baling nito sa kanya. Nabuksan na nito ang silid at nakapasok na sila roon.

Ang sabihing marangya ang loob niyon ay kulang. Sobrang rangya ng loob niyon. Kahit sabihing sanay na siyang maglinis ng magagandang suites ng hotel, iba pa rin ang tinutuluyan nito. Kung ang mga suites na nililinisan niya ay walang dudang para lamang sa mga mayayaman, ang lugar nito ay tila para lamang sa hari.

Bigla siyang nagduda sa abilidad niyang makalusot dito. Subalit naisip niyang naroon na siya. Nakarating na siya sa puntong iyon. Ibig sabihin, malaki ang tsansang pakinggan siya nito at pagbigyan sa kahilingan niya.

"I don't have all day. You got a minute."

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now