Chapter 22

7.5K 290 0
                                    

NAHIHIYA man si Flor kay Zeph ay wala siyang magawa sa kanilang bahay sa probinsiya. Naghabilin na siya bago pa man sila pumaroon na maglinis maigi dahil ipapakilala niya sa kanyang ina ang kanyang nobyo. Malinis naman ang kabahayan, subalit halatang-halatang lumang-luma na iyon at salat sa gamit.

Mukhang hindi naman naalibadbaran doon ang kanyang nobyo. Ang daming pasalubong nito sa kanyang mga kapatid at ina, maging sa kanyang mga pamangkin. Ang lahat ay botung-boto rito at kitang-kita niya iyon.

Ang ilang kapatid niya ay parang nahihiya pa rito, subalit ang kanyang ina ay kinausap kaagad ito, kaharap siya. Nauunawaan niya ang mga katanungan nito sa binata kahit pa nga nais niyang lalong mahiya kay Zeph. Ang mga tanong kasi ay parang duda ito sa intensiyon sa kanya ng binata. Kung plano raw siyang pakasalan ay bakit hindi pa pinaplano iyon.

Ipinaliwanag dito ni Zeph na darating sila sa puntong iyon subalit marami pa silang kailangang gawin muna. Sa huli, mukhang nakumbinsi nito ang kanyang ina.

Masayang-masaya siya sa nangyayari. Tanggap na tanggap ito sa kanila kahit pa nga ito ang kauna-unahang lalaking ipinakilala niya sa kanyang ina. Alam niyang allergic sa nobyo o nobya ang nanay niya dahil sa wala sa oras na pag-aasawa ng dalawang kapatid niya.

Wala na yatang narinig si Zeph sa kanyang mga kaanak kundi pasasalamat sa mga bigay nito. Nang mapansin niyang parang naiilang na si Zeph ay iniba niya ang usapan.

Laking pasasalamat niya at nakaunawa ang mga kapatid niya. Nagsimula nang magkuwento ang mga ito tungkol sa kanya noong doon pa siya nakatira. Hindi nagtagal, ang buong-buong halakhak ng binata ang pumuno sa kanilang kabahayan.

Habang pinagmamasdan niya ito ay parang may mainit na kamay na humagod sa kanyang puso. Tama ito. Para sila sa isa't isa.

Nang magkasolo silang mag-ina ay sinabi nitong kinakabahan daw ito sa nangyayari sa kanya pero may tiwala raw ito sa kanya. Nauunawaan niya ito. Alam niyang hirap pa itong tanggapin na humalik ang langit sa lupa. Pero alam niyang mapapatunayan nila ni Zeph na kung ano ang mayroon sila ay totoo.

Gabi na nang magbalik sila ni Zeph sa Maynila. Hindi na yata nabura ang ngiti sa mga labi nito. Halatang tuwang-tuwa ito sa kanyang pamilya. Ang tumatakbo naman sa isip niya ay kung paano na sa pagkikita uli nila ng ina nito.

"Sabi mo, sa isang araw, sa inyo naman tayo magpupunta. Parang kinakabahan yata ako, Zeph."

"Everything's going to be fine. Relax."

Nais niyang maniwala rito subalit ayaw mawala ng kabang iyon sa kanyang dibdib.

____
If you're enjoying this story, please like my page. I'd appreciate it!

www.facebook.com/vanessachubby

www.facebook.com/theromancetribe

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now