Chapter 19

8K 320 4
                                    

PANAY ang tulo ng luha ni Flor habang nagkakape sila ni Dina. Hindi na sila natuloy kina Prospie. Hindi na sila umalis ng bahay na iyon na pag-aari pala ni Zeph. Naluluha siya sa labis na kaligayahan sa sinabi ng binata. Hindi niya inaasahan na ganoon ang mangyayari.

Nang mag-empake sila ni Dina ay buo na ang desisyon niyang huwag nang muling magpakita rito. Subalit pagkatapos ng paliwanag nito ay nalusaw nang lahat ang galit niya sapagkat narinig na niya ang panig nito.

Natuklasan niyang hindi pala ito ikakasal kay Sophie, gaya ng sinabi ng ina nito sa kanya. Sana raw ay huwag siyang magalit sa ina nito at pagpasensiyahan na lamang niya. Ganoon lang daw ito, nabibigla sapagkat noon lamang nito nakita ang anak na naging ganoon kaseryoso sa isang relasyon.

Sinabi niya ritong kahit ano ang gawin niya ay tiyak na hindi siya matatanggap ng ina nito, baka maging ng buong pamilya nito. Ang sabi nito sa kanya ay wala raw itong pakialam. Maghintay lang daw sana siya at bigyan ito ng pagkakataong patunayan sa kanya na seryoso ito.

Pagkatapos nilang mag-usap ay si Dina naman ang kinausap nito. Pagkatapos niyon ay saka sila muling nag-usap. Hinagkan siya nito at sinabing maaayos din ang lahat at naniwala siya rito. Ibig niyang maniwala rito sapagkat naunawaan niyang napakahirap malayo rito. Ganoon na pala kalalim ang pagtingin niya rito, mahirap nang kumawala pa.

"Tama na nga ang drama," pukaw sa kanya ng pinsan niya. Nagpalaman ito ng pandesal at ibinigay sa kanya. Alas-dose na ng madaling-araw at kapwa pa sila hindi makatulog.

"Natutuwa lang ako."

"Alam ko. Mukhang totoo naman ang sinabi niya. Kinausap pa niya ako. Sana lang, hindi ka na pahirapan pa ng bibiyenanin mo."

"Sobra ka naman. Biyenan agad. Hindi pa naman kami magpapakasal ni Zeph. Alam ko namang malayo pa 'yon sa isip niya. Isa pa, wala pa akong napapa-tunayan. Gusto ko pang makapag-aral."

"Kapag nakasal kayo, hindi mo na magiging problema 'yon."

Hindi na lamang siya umimik. Isang bagay muna kada isang araw. Mahirap bilangin kaagad ang mga biyaya niya gayong kaaayos pa lamang nila ni Zeph sa kanilang hindi pagkakaunawaan.

Napakarami pang bagay na gumugulo sa isipan niya. Ang totoo, kahit masaya siya ay nag-aalala siya sa lagay ni Zeph. Siyempre ay ayaw niyang magkaroon ito ng sama ng loob sa ina nito o sa pamilya nito nang dahil lamang sa kanya. Mukha kasing nagalit ito nang husto nang malaman nito ang lahat. Ikinuwento niya rito ang lahat.

Ang sabi nito ay kailangan nitong kausapin ang ina nito. Nahuhulaan na niyang magkakasagutan ang mga ito.

Alam niyang kung nais talaga niyang magkaayos sina Zeph at ang ina nito, ang pinakamagandang gawin niya ay sundin ang payo ng matanda. Pero paano ang nadarama niya kay Zeph? Kaya ang naiisip niya ngayon ay patunayan dito na wala siyang ano mang materyal na bagay na habol sa anak nito. Hindi pa nila napag-usapan iyon ni Zeph kanina subalit marahil bukas ay sasabihin niya iyon dito.

Maganda na rin sigurong humanap sila ni Dina ng pansamantalang malilipatan. Hindi magandang tingnan na sa bahay ni Zeph sila nakatirang magpinsan. Tiyak na isa iyon sa naiisip ng ina nitong paggamit niya sa anak nito. Kung sana ay noon pa niya nalaman iyon, disinsana ay hindi na sila nanirahan doon ni Dina.

"Ang hirap maging mahirap," nasambit niya.

"Mas mahirap maging maganda, loka." Natawa ang bakla. "Mantakin mo, nagkakagulo ngayon ang mga McNally dahil sa 'yo. Ang haba ng hair mo, 'day!"

Bigla tuloy siyang natawa sa tinuran nito.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now