Chapter 37

7.5K 310 3
                                    

"Z-ZEPH..." Magkakasunod ang naging paglunok ni Flor. Nakade-kuwatro ito sa sala nila, diretsong nakatingin sa kanya.

Ang kanyang ina ay wala nang mga sandaling iyon at nasa simbahan. Ang tanging naroon ay ang mga kapatid niya na mga tahimik lang sa isang panig ng sala. Nang makita siya ng mga ito ay agad na ring nagpaalam.

Hindi niya malaman kung ano ang una niyang gustong gawin: ang yakapin nang mahigpit si Zeph o humingi ng tawad sa mga nasabi niya rito. Alam niyang kahit alin sa dalawa ay hindi niya maaaring gawin.

Walang kangiti-ngiti sa mga labi nito. Malinaw na malinaw sa kanyang nagbalik na ito sa dating buhay nito—ang pananamit nito, ang suot na relo, lahat. Malayo na ang hitsura nito noong nagtitiis itong magmaneho ng taxi.

"N-napadalaw ka?" aniya, hindi makatingin dito. Nanliliit siya na hindi niya maunawaan. Naunawaan niya noon din na ang mga paglalarawang-diwa niya sa pagkikita nilang muli ay malabong mangyari sa tunay na buhay. Sa imahinasyon kasi niya, kapag nagkita uli sila nito ay yayakapin siya nito at sasabihing maayos na talaga ang lahat.

Minsan naman ay nangangarap siyang darating ang isang araw, kung kailan nakapagtapos na siya ng kanyang pag-aaral at may-kaya na rin sa buhay kahit paano, ay magkikita uli sila nito. Na wala pa itong asawa maging siya, at maibabalik uli nila ang nawala. At sa pagkakataong iyon ay wala nang kokontrang mga magulang nito.

Ang lahat ng magandang larawang dumaan sa isip niya ay mistulang nasa ibang planeta. Ang katotohanan ay heto sa harap niya.

Hindi na niya napigil ang kanyang sariling pagmasdan ito bagaman iniwasan niyang mapatingin sa mga matang iyon. Ang guwapu-guwapo pa rin nito. Mukha pa ring kay bangu-bango. Kung alam lang sana nito kung gaano siya nangungulila rito, baka sakaling mapangiti ito kahit kaunti.

Ibig niyang makita ang ngiti nito kahit saglit lamang. Subalit tila wala itong balak ipakita iyon sa kanya.

"I need a housekeeper," deklara nito, hupa ang tono.

"Z-Zeph, ano ang talagang gusto mo?"

"I already told you, I need a housekeeper. And I want it to be you. You see, I've been planning to put up a big grocery in your town. I also plan to sell all items cheaper than you do."

Napatda siya. "B-bakit mo ginagawa ito?"

"Because I can."

Nakadama siya ng kung anong kaba. Magbubukas ito ng grocery na tulad ng sa kanila, tiyak na higit na malaki. Ibabagsak nito ang presyo, higit pa sa kanila. Nakikinita na niya kung paano mauubos ang mga suki nila. Nandoon lahat ng perang ipon ni Dina, maging ang pera ni Prospie. Doon na rin nakaasa ang ilang kapatid niya, maging ang mga pinsan nilang tatlo.

"'W-wag mo naman sanang gawin, Zeph. Alam kong kaya mo pero 'wag mo sanang g-gawin."

Tumawa ito nang sarkastiko. "I'm not quite finished yet. After putting you three out of business, I'm gonna do everything I could for you to never find employment ever. And if you find someone to provide for you, I'm going to make that poor man's life a living hell, as well. Believe me, it would only be too easy."

"Galit ka sa akin, alam ko. Sorry sa mga nasabi ko sa 'yo, p-pero hindi naman yata tama ang gusto mong gawin. 'Wag mo naman sanang gawin." Nanghina siyang bigla. Alam niyang kayang-kaya nitong gawin ang lahat ng sinabi nito.

"Maniwala ka sa akin, gagawin ko."

"A-ano'ng gusto mong gawin ko para... para 'wag mong g-gawin 'yan?"

"I need a housekeeper, for starters." Tumayo na ito. "I'll see you in the hotel first thing tomorrow morning." Iyon lang at tuluy-tuloy na itong lumabas.

Galit lang siya... Hindi siya masamang tao. Galit lang siya sa akin dahil minahal niya ako nang sobra at ganoon ang sinabi ko sa kanya. Maaayos ko ito. Maaayos ko.

Like my page: www.facebook.com/vanessachubby or www.facebook.com/theromancetribe (writers collab page)

BUY THIS BOOK:  https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/4963/Ang-Lalaking-Nagmahal-sa-Akin-1---2

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon