Chapter 24

7.5K 351 14
                                    

"NOT BAD. Not bad."

Napangiti si Flor habang pinagmamasdan si Zeph. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin sa laptop nito. May isang linggo na silang nakahanap ng paupahang bahay sapagkat siyempre pa ay kasama sa isinauli nito sa mga magulang nito ang bahay na nabili nito para sa kanilang magpinsan.

Si Dina ay nagpasyang huwag nang sumama sa kanila ni Zeph. Eksakto namang ibig na ring bumukod ni Prospie. Ang dalawa ang magkasama ngayon. Kasal na lamang ang kulang sa kanila ni Zeph pero alam niyang hindi iyon dapat bigyang-priyoridad sa ngayon.

Nakauwi na sila ni Zeph sa probinsiya at nakapagsabi na sa kanyang ina. Siyempre ay tumutol ito noong una na magsama sila subalit kinausap niya ito nang masinsinan at sa huli, sinabi nitong may tiwala ito sa kanya at sana raw ay maikasal na sila ni Zeph kapag naging maayos na ang lahat. "Asawa" na ang taguri ng mga kapamilya niya sa lalaki.

Hindi malaki ang nahanap nilang bahay. Sa katunayan, ayaw ni Zeph doon noong una subalit kailangan nilang maging praktikal. Tinotoo nito ang sinabi nitong ibabalik nito sa mga magulang nito ang lahat ng pag-aari nito. Ang tanging dinala nito ay ang mga damit nito at ang laptop na iyon.

Pinagsama nila ang kanilang mga pera. Umabot din iyon sa mahigit isandaang libong piso. Ilang libo ang laman ng ilang wallet nito. Kung tutuusin ay malaki na rin iyon, subalit mukhang hindi kontento si Zeph doon at nauunawaan niya ito. Barya lamang iyon sa nakasanayan nitong buhay.

"Ano ang not bad?" tanong niya nang dalhan niya ito ng kape. Instant coffee iyon. Alam niyang hindi ito sanay roon subalit hindi ito nagrereklamo.

"The things I could do." Iniharap nito sa kanya ang laptop na nakakabit sa telepono. Nakatala roon ang mga posisyon sa iba't ibang kompanya na maaaring pag-apply-an nito.

"Alam mo, may opening din para sa akin. Malapit sa parlor. Kailangan ng crew n'ong restaurant—"

"'Ayan ka na naman. I told you I don't want you working. Your place is right here, in this house. This is only temporary, believe me. And I'm sorry for having put you in this situation—"

"Ikaw ang tumigil. Ako ang naglagay sa 'yo rito. Kaya nga naiinis ako sa 'yo na ayaw mo akong paghanapin ng trabaho. Hindi ako sanay na walang ginagawa." Napabuntong-hininga siya.

Ilang ulit na siyang tumingin sa diyaryo ng mapapasukang trabaho. Sa tingin naman niya ay makakakuha siya. Hindi siya maselan sa trabaho. Basta maayos ang pasuweldo ay ayos na sa kanya. Kahit housekeeper uli sa hotel, kahit waitress, o kahit crew sa kung saang kainan, walang problema sa kanya. Alam niyang iyon lamang ang makukuha niyang trabaho dahil hindi naman siya nakaabot ng kolehiyo.

"Sino naman ang nagsabi sa 'yong wala kang gagawin?" Naging ngisi ang ngiti nito, saka sabay na itinaas-baba ang mga kilay.

Nahampas niya ito ng throw pillow. "Diyan ka magaling."

"Talaga."

Natawa na siya. Ang totoo, kahit nauwi sila sa ganoon ay masaya siya. Gusto rin kasi niyang patunayan sa mga magulang nito na nagkamali ang mga ito sa pagkilatis sa kanya. Naniniwala siyang hindi ito matitiis ng mga magulang nito. Mayroon ba namang magulang na nakatiis sa anak?

Subalit ano't anuman, hayun sila at magkasama. Ito ang mahalaga sa kanya, hindi ang magandang buhay na noon ay kayang ipagkaloob nito sa kanya. Naisip pa nga niya minsan na maganda na rin ang nangyari. Tiyak niyang maraming matututuhan si Zeph sa ganoong uri ng buhay.

Nang mag-taxi sila pauwi sa probinsiya—sapagkat ayaw nitong mag-bus—ay saka lamang niya nalaman na noon pa lamang ito nakasakay ng taxi sa tanang buhay nito. Kahit nasa ibang bansa ito ay mayroon itong tsuper at sariling sasakyan. Marunong naman itong magmaneho—sa katunayan ay sumasali ito sa karera noon—subalit ngayong naging abala na sa pamamalakad ng negosyo ay nasanay na itong may nagmamaneho para dito.

Kaya pala habang sakay ng taxi ay ganoon na lamang ang pagkalukot ng ilong nito. Halatang ayaw nito ng amoy ng taxi. Pinagtatawanan lang niya ito. Mabuti na lang at hindi sila nag-bus dahil malamang ay hindi na ito natahimik sa kakareklamo.

Ang pinagsamang pera nila ay hindi muna nila ginagalaw, maliban lamang noong nagbayad sila sa bahay at namili ng ilang pangangailangan nila roon. Ang sabi nito, maganda raw na kahit kaunti ay mayroon silang pera sa bangko nang sa ganoon ay may magagamit sila kapag nagkaroon ng emergency. Huwag daw siyang mag-alala dahil tiyak na makakakuha kaagad ito ng trabaho.

Ang totoo ay hindi siya nag-aalala para sa kanyang sarili. Sanay siya sa hirap. Ang inaalala niya ay ito. Paano kapag natanggap ito sa trabaho? Makakaya ba nitong mamasahe sa araw-araw kung sakaling ang makuhang trabaho nito ay walang laan na sasakyan para dito?

Inabot nito ang kanyang paa kaya napadausdos siya sa sofa.

"Zeph, ha?"

"Anong 'Zeph, ha?'"

"Nabinyagan na natin itong sofa."

"Eh, di binyagan uli."

Impit na lamang siyang napatili nang simulan nitong harutin siya, hanggang sa kubabawan siya nito at hagkan sa mga labi. Hinaplos niya ang mukha nito.

"Zeph, sana, nakilala mo akong kahit paano ay may-kaya ako sa buhay. Siguro kung ganoon, wala tayo ngayon dito."

"Sshh. Stop talking that way, okay? And I told you, this is only temporary. Believe me. I'm gonna find a way."

"Naniniwala naman ako sa 'yo. Nahihiya lang ako. Dahil sa akin, nagkasamaan pa kayo ng loob ng mga magulang mo—"

"That's not your fault—"

"'Tapos, dahil sa akin, nandito ka. Mas malaki pa ang kuwarto mo rito sa bahay natin—"

"Shut up."

"Ni hindi ka na naka-aircon sa gabi. Kagabi, ilang ulit kitang napansing hinahampas iyong mga lamok."

Natawa ito. "We'll buy an insecticide."

"Hindi ito ang buhay mo."

"Nandito ka ba o wala?"

"Ha?"

"Nandito ka ba o wala?"

"Anong nandito o wala? Nandito ako. 'Wag mong sabihing nabulag ka na sa hirap?"

Muli ay ang lakas ng tawa nito. "Kung nandito ka, ito ang buhay ko. Kasi ikaw ang buhay ko."

"Naku po, ang corny-corny na talaga ni Zephyrus McNally na isa nang dakilang dukha! Halikan mo na nga ako. Baka mainis ako sa 'yo, masamantala ko ang kahinaan mo!"

---

If you're enjoying this story, please like my page. I'd appreciate it!

www.facebook.com/vanessachubby

www.facebook.com/theromancetribe

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now