Chapter 12

8.6K 364 18
                                    

PINAGAGALITAN ni Flor ang kanyang sarili sa tuwing makakadama siya ng panghihinayang sa kanyang gagawing pagsasauli sa regalo sa kanya ni Zeph.

Binuksan niya ang regalo nito pagkauwing-pagkauwi niya. Nang makita niya ang laman niyon ay laglag ang kanyang mga panga. Isang bracelet iyon na puno ng batong sarisari ang kulay. Ipinakita kaagad niya iyon kay Dina at ang sabi nito, malamang daw na imitation lamang iyon. Alangan naman daw bigyan siya ng boss niya ng original Bvlgari. Ganunpaman ay magandang imitation daw iyon.

Hindi niya maisip na fake iyon sapagkat totoong-totoo ang hitsura iyon. Wala siyang maisip na dahilan para suportahan ni Zeph ang mga pekeng produkto. Isa pa, kompleto sa kasamang dokumento ang alahas kaya malaki ang hinala niyang totoo iyon.

Ang ginawa nilang magpinsan ay nagtungo sa isang twenty-four hour pawnshop. Kunwari ay isasangla nila iyon. Nang makilatis na iyon ay sinabi na ng nakausap nila kung magkano maaaring isangla iyon. Ang sabi ng kahera sa sanglaan ay kulang daw ang cash doon. Bumalik na lamang daw siya kinabukasan nang umagang-umaga. Tumango na lamang siya.

Biglang-bigla siya. Maaari nang makabili ng maliit na lote sa probinsiya ang halagang sinabi sa kanya ng nakausap niya, sangla pa lamang iyon. Alam niyang mahilig managa ang mga sanglaan. Samakatuwid, ubod ng mahal ang alahas na iyon. Matay man niyang isipin ay wala siyang maisip na dahilan kung bakit kailangan siyang bigyan ni Zeph ng ganoon kamahal na alahas.

May tugon naman kaagad ang pinsan niya sa katanungang iyon. Ang sabi nito ay baka trip daw siya ng lalaki. Ayaw niyang tanggapin iyon sapagkat masakit sa pagkatao niya. Kung ganoon ang isasaisip niya, ibig sabihin ay ganoon pala kababa ang tingin nito sa kanya.

Ano, naisip nitong por que isang ordinaryong empleyado lamang siya at binigyan siya nito ng bracelet ay papayag na siya sa kung ano man ang nais nito? Ayaw sana niyang bigyang-bigat ang unang nadama niyang pagdududa rito subalit ano ang maiisip niya sa bigay nitong alahas sa kanya?

Naisip niyang tama si Dina. Hindi normal na bigyan siya ng ganoon kamahal na bagay ni Zeph nang dahil lang natutuwa itong kausap siya. Kaya ang unang iginigiit ng isip niya na tuwang-tuwa lamang ito sa kanya ay tinanggap na rin niyang mali.

Hindi rin siya ilusyunada para maisip na mahal na siya nito. Una, tatlong beses pa lang silang nagkikita. Isa pa ay nabili na nito ang alahas bago pa ang huling pag-uusap nila. Samakatuwid, mangangarap siya nang dilat na dilat ang mga mata kung iisipin niyang nahulog na ang loob nito sa kanya at nanliligaw.

Mabigat sa loob niya na ganoon ang tingin sa kanya ni Zeph, subalit parang ganoon na nga. Hindi niya alam ang madarama. Ayaw pa rin kasi niyang magalit dito pero bahagya siyang naiinis. Lamang yata ang inis niya sa sitwasyon kaysa rito.

At hayun, nanghihinayang man siya sa bracelet ay kailangan niyang isauli iyon. Hindi niya maaaring pabayaang isipin ng binatang tumatanggap na lang siya basta ng ganoon kamahal na bagay.

Ang hirap maging dukha, syet!

Nagtungo na siya sa palapag ni Zeph. Hapon na at pauwi na siya. Naglinis siya roon kanina subalit wala ito roon. Maging si Greg ay wala roon. Kaya ngayong naroon siya, hindi pa rin niya alam kung maaabutan niya ito roon. Ayaw niyang iwan na lamang basta roon ang bracelet. Nais niyang personal na isauli iyon dito upang makapagpaliwanag siya. Nais din niyang madiretsa na ito. Hindi iyon magandang basahin sa isang sulat.

Wala siyang nakitang tao sa pasilyo kaya nagtungo siya sa unang silid. Kumatok muna siya, saka binuksan iyon. Nakita niya roon si Greg, kasama ang ilang mga babae. Bumati kaagad siya rito. Nilapitan naman siya nito.

"May kailangan ka kay Sir?" pormal na tanong nito.

Tumango siya, bahagyang sumulyap sa mga babae roon. Ang lahat ng mga ito ay naggagandahan. Wala siyang itulak-kabigin. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang isa sa mga babae. Kakikita pa lang niya rito kagabi sa isang patalastas sa TV. Bagong artista ito. Napag-usapan pa nila ito ni Dina at kapwa iisa ang kanilang opinyon tungkol dito—ang ganda-ganda nito at malayo ang mararating sa larangan ng showbiz. Ano ang ginagawa roon ng babae?

"Ano'ng ginagawa nila rito?" interesadong tanong niya kay Greg.

Hindi ito sumagot, bagkus ay binuksan ang pinto at inilabas siya roon. Gamit ang radyo nito ay tinawagan nito si Zeph at sinabing naroon siya. Mayamaya ay bumukas kaagad ang pinto ng unit nito. Nakangiti ito sa kanya at agad nagmuwestrang pumasok na siya roon.

Kumakabog ang kanyang dibdib. Hindi niya malaman kung ang dahilan niyon ay ang alam niyang pagsasauli niya rito ng regalo nito o dahil nakita niya ito. Hindi siya makangiti rito. Hindi niya alam kung tama ba iyon, lalo na't naalala niya ang napag-usapan nilang magpinsan na motibo ng binata.

"How have you been?" nakangiti pa ring tanong sa kanya ng binata nang makapasok na sila.

"O-okay lang. May mga bisita ka yata?"

"Oh, the ladies?"

Tumango siya.

"No, they just sometimes want to hang out there. I'm actually busy. I can't entertain them right now."

"Pero naghihintay yata sila sa 'yo?"

Ngumiti ito at iniba ang usapan. "Ano'ng maipaglilingkod ko sa 'yo?"

"Ahm..." Kinuha niya ang kahon mula sa paper bag na dala niya. "Hindi ko matatanggap 'to."

Noon nabura ang ngiti nito. "That's yours. Keep it."

"Hindi ko nga matatanggap."

"Listen, when I give you something, you accept it." Nabahiran ng iritasyon ang tinig at mukha nito.

"Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nito." Dahil ayaw nitong kunin ang kahon ay inilapag niya iyon sa coffee table. "Ordinaryong empleyado lang ako rito. Ni hindi mo pa ako kilala. Masyadong mahal ang regalong ito. Hindi ko matatanggap 'yan."

"Take it!" Bahagya nang tumaas ang tinig nito.

Nagsimula naman siyang mainis. "Alin ba sa sinabi ko ang hindi mo maintindihan? Hindi ko 'yan matatanggap. Ano ang motibo mo sa pagbibigay sa akin niyan? Iyong dating housekeeper ba rito, binigyan mo rin ng ganyan?"

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin