Chapter 13

8.1K 340 5
                                    

Hindi kaagad umimik si Zeph bagaman bakas pa rin sa mukha ang pagkainis. Tumingin lamang ito sa kanyang mukha. Mayamaya ay nablangko ang mukha nito. Sinalubong niya ang tingin nito kahit nais na niyang mailang.
Namulsa ito at naglakad patungo sa piano. Tumayo ito sa tapat niyon, itinaas ang takip at ilang tiklada ang nilaro ng kamay. Ni hindi niya alam na marunong pala itong mag-piano. Ang akala niya ay dekorasyon lamang iyon doon.
Hindi niya malaman kung aalis na siya roon o hihintayin itong magsalitang muli. Parang ang sarap pagmasdan  nito. Ang isang kamay nito ay nasa bulsa pa rin nito habang ang isa ay patuloy sa pagpindot doon. Hanggang sa maupo na ito roon at tumugtog. Para bang napakakalmante nito kapag ganoong tumitiklada. Pero tama ba namang pakialaman nito ang piano sa gitna ng pag-uusap nila?
Magpapaalam na sana siya nang magsalita ito, ang paningin ay nasa tinitipa. “What’s your favorite song, Flor?”
“H-ha?”
“What’s your favorite song?” Hindi pa rin ito sumusulyap sa kanya.
“Kuwan, 'yong ‘I Just Can’t Stop Loving You.’ Paborito ko si Michael Jackson saka mataas ang score ko diyan sa videoke—” Natigilan na siya sa pagpapaliwanag. Tinitipa na nito ang kanta.
Parang ibig niyang tumunganga na lamang dito. Napakasarap pagmasdan nito. Parang naglalaro lang ito sa mga tiklada kahit buong-buo ang tunog ng kanta. Bahagya lamang gumagalaw ang likod nito at paang tumatapak sa ilalim ng piano. Parang ang sarap yakapin o palakpakan nito. Hindi niya alam kung alin ang mas gusto niyang gawin. Sa madaling-salita, hangang-hanga siya rito.
Naitanong niya sa sarili kung mayroon kaya itong hindi kayang gawin. Kahit  sino siguro ang titingin dito ay walang mag-aakalang mahusay mag-piano ito. Mukha kasing wala itong hilig sa musika. Parang lalaking-lalaki ang dating nito para maging magaan ang mga daliri nitong kakayaning tumipa nang ganoon kahusay.
“Ano ang naiisip mong motibo ko kung bakit binigyan kita ng regalo?” bigla ay tanong nito nang matapos ang awitin. Iba naman ang tonong tinitipa nito.
Kung maaari nga lamang ay huwag na lamang siyang magsalita. Parang alanganing-alanganing sabihin niya ang itinakbo ng isip niya. Kanina, handa siyang sabihin dito ang lahat ng iyon. Nais niyang ipamukha rito sa maayos na paraan na hindi siya isang babaeng ganoon. Subalit ngayon, parang masakit marinig sa mga tainga kahit pa nga siya ang magsasabi niyon.
“P-pass.” Nagpasya siyang magbiro na lamang. Bahagyang ngumiti ito.
“Tell me.” Noon ito biglang tumigil sa pagtipa pagkatapos ng tatlong maririing bagsak ng nota, saka humarap sa kanya.
Napayuko siya. “H-hindi tama.”
“And why is that?”
“Baka may naiisip kang kapalit.”
“Come here.” Umisod ito at pinatabi siya sa kaliwa nito. Ibinuka nito ang kanyang kamay. Gamit ang tatlong daliri niya ay pinadiinan nito sa kanya ang ilang tiklada ng piano. Isang chord daw iyon. Mabuti kung maalala pa uli niya iyon. Natetensiyon siya sa pagkakalapit nila at sa usapan kani-kanina lang na hindi niya alam kung naunawaan nito at ngayon ay binabale-wala na.
Pinadiinan lamang nito sa kanya iyon sa isang ritmo habang ito naman ang tumitipa sa tapat ng mga daliri nito sa piano. Tumugtog sila. Wala siyang ginawa kundi diin-diinan ang pinapadiinan nito sa kanya. Hanggang sa tumigil siya.
“Zeph, naintindihan mo ba ang sinabi ko sa 'yo?”
“Perfectly.” Ngumiti ito.
“Ano ngayon ang g-ginagawa natin?”
“We’re playing the piano.” Lumapad ang pagkakangiti nito.
Muntik na niyang maitirik ang mga mata. Pinaglalaruan ba siya nito? Bakit ganoon? Kani-kanina lang ay mukhang inis na inis ito sa kanya. Nang sinabi niyang baka may motibo ito sa kanya, mukhang ni hindi ito apektado at ngayon ay tinuturuan pa siyang mag-piano. Hindi niya maunawaan ang lalaking ito.
“Tama ba ang naisip ko?”
“Paano kung sabihin kong oo?”
“Pero tama nga ba ang naisip ko?”
“Maybe.”
Lalo siyang naguluhan. Sasabihin sana niya iyon subalit inabot uli nito ang kamay niya at pinatipa. Tuloy, mukha siyang ewan habang tumutugtog sila. Ni hindi na niya maalala kung ano ang tawag sa chord na itinuro nito. Tiyak na bukas ay limot na niya ang puwesto ng daliri sa piano.
Ano ba ito? Napapraning ako sa lalaking ito!
“Zeph, uuwi na ako.”
“Let me take you home.”
“Hindi na.” Tumayo na siya. “Salamat na lang.”
“Okay.” Tumayo na ito at inihatid siya hanggang sa pinto. “You take care.”
“Salamat uli.”
Tumaas ang kamay nito sa kanyang pisngi at pinasayad ang hinlalaki nito sa kanyang balat. Nanigas ang kanyang likod. Bumaba ang mukha nito sa kanyang mukha at inilapat nang saglit na saglit lamang ang mga labi nito sa mga labi niya. Halos parang mainit na hanging dumaan lamang iyon sa mga labi niya subalit sapat na upang mayanig siya.
“Z-Zeph...”
“I’ll see you tomorrow.”
“S-sige.” Natatarantang tumalikod na siya. Nakasalubong pa niya si Greg. Tinanguan lamang niya ito nang tipid, saka tuluy-tuloy na sa elevator. Malayung-malayo sa inaasahan niyang tagpo ang nangyari.
Ano nga ba ang nangyari? Hindi niya alam at may hinala siyang kahit himayin niya ay hindi niya malalaman.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now