Chapter 7

8.4K 352 10
                                    

Napalunok si Flor at hindi na nagsayang ng sandali. "Gaya nga ng nasabi ko na, Sir, hindi naman makatwirang basta-basta na lang ninyo ako sipain sa trabaho. Malinis po ang intensiyon ko sa ginawa ko kanina."

"Have you not been told about the hotel's SOP regarding matters like that?" anang lalaki.

"I heb." Napangiwi siya nang sumablay ang kanyang pagbigkas. "Ang gumana lang naman po sa akin kanina, eh, iyong naturalesa ko bilang tao. Masisisi po ba ninyo ako? Hindi ko naman sukat-akalaing may tao roon, 'tapos, mayroon pala. At lalong hindi ko alam na ikaw pa ang makikita ko roon..." Naging mailap ang kanyang mga mata. Nailang siyang bigla sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Tila ba ang pangunahing nais nitong gawin ay makadama siya ng pagkailang. Titig na titig lamang ito sa kanya, bakante ang mukha.

"'T-tapos, nakaposas pa iyong babae. Siyempre, naisip ko na agad na masama ang nangyayari..." Bumagsak ang mga balikat niya, sabay pakawala ng buntong-hininga. Naisip niyang nasabi na niya rito ang lahat ng punto niya. Matalinong tao naman siguro ito at nauunawaan na siya. "Ang pakiusap ko lang naman, sana ay maging makatao ka."

Noon pa lang niya muling tiningnan ito sa mukha. Nakatingin pa rin ito sa kanya, wala pa ring ekspresyong ipinapakita. Daig pa ng sitwasyong iyon ang mga sandaling hindi niya malaman kung paano babanatan ng sagot ang hurado ng Miss San Dionisio. Dama na niya ang paggiti ng pawis sa kanyang noo.

"Ahm... D-dispensa na rin pong nahataw kita. At, ah... hindi ko sinadyang makita ka sa ganoong sitwasyon." Hindi niya naiwasang pumikit nang mariin. Bigla niyang naalala ang hitsura ng hubad na katawan nito. Noon lamang siya nakakita ng lalaking nakahubad, maliban na lamang siyempre sa mga batang paslit.

Kakaiba pala ang hitsura ng mga lalaking nakahubad. Nakita na niya ang "bird" nito. Kakaiba pala. Ganoon pala ang hitsura niyon, iba sa bata. Ang sa mga bata ay pambata talaga, ang pangmatanda, pangmatanda palang talaga. Kumbaga, small versus extra-extra large. Nakakatakot na nakakapukaw ng interes na hindi niya makayang ipaliwanag. Pero bakit ba iyon ang tumatakbo sa isip niya? Ano ba ang kinalaman ng bahagi ng katawan nitong iyon sa trabaho niya?

"I want you to look at me when you're talking to me."

Mistulang sundalo siya na biglang humarap dito. Naghintay siya ng sasabihin nito. Kakayanin niyang tingnan ito kung ang kapalit ay ang pagbawi nito sa pagsesante sa kanya. At natuklasan niyang napakahirap palang tingnan ng isang lalaki kung tila nakatatak na sa isip niya ang nakita niyang kahubdan nito.

Noon bahagyang kumunot ang noo nito, may matipid na matipid na ngising kumabit sa mga labi nito. "You look funny. So tell me, how will this work out? You've already seen me naked and in action—can you handle that?"

Tila may laman ang sinabi nito, hindi lamang basta tanong. At bakit sa lahat ay iyon pa ang sinabi nito?

"Yes," aniya, pinipilit huwag malukot ang mukha. Hindi niya gusto ang paksa.

"Are you sure?"

"Yes. Very sure."

Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa, mula paa hanggang ulo, saka muling ngumisi. "Very well then, you're rehired."

"S-salamat."

"Humor me and tell me, how did you find my body?"

"Ha?"

"What can you say about my body, honey? Did you find me sexy?"

Laglag ang kanyang mga panga. May umalsang galit sa kanyang dibdib. Napakabastos nito! Humugot siya ng malalim na hininga at humandang talakan sana ito ngunit naisip niyang pagbigyan na lamang ito.

Noon lamang niya ito nakita. Malamang na matapos ang engkuwentro nilang iyon na hindi na niya makita pang muli ito. Baka naitanong lamang nito iyon upang pagbigyan ang banidad nito. Kanya-kanyang trip lang iyan, wika nga. Kung iyon ang trip nito, sasakyan na lamang niya.

"A-ayos naman. Kung wala nang iba, mauuna na po ako. Salamat uli." Tatalikod na sana siya nang magsalita uli ito.

"I haven't told you to leave yet, have I? What's your name?"

"Flor."

"Flor, I own this hotel and you are but a housekeeper. I call the shots here. You cannot leave until I tell you so," pahayag nito.

Nagpakatimpi-timpi na lamang siya. May araw din ang isang ito.

"Explain."

"Anong explain?" Nalukot ang mukha niya at hindi na niya itinago iyon dito.

"What does 'ayos naman' exactly mean?"

Eh, sira pala'ng tuktok mong kamote ka! May pagkamanyak ka pa yata, eh! Hoy, ibahin mo 'to! Hindi ako tulad n'ong babaeng nakaposas na 'yon na mukhang patay na patay sa 'yo!

"Mawalang-galang na sa 'yo pero hindi ko yata gusto ang sinasabi mo," aniya.

"Excuse me?"

"Mawalang-galang na uli pero hindi yata tamang tanungin mo ako tungkol sa katawan mo. Oo at chambermaid lang ako rito pero parang medyo bastos ang dating sa akin ng tanong mo. Parang hindi iyan tamang itanong sa dalaga." Oo at kailangan niya ang trabahong iyon, pero hindi siya umalis ng probinsiya nila upang iwasan ang isang manyak para makatagpo na naman ng isa pa. Kung igigiit nito ang paksa, tatanggapin na niya nang maluwag sa dibdib na sinesante siya nito. Hindi por que mayaman ito ay maaari na siyang bastusin nito.

Kumunot ang noo nito, nabahiran ng galit ang mukha. Sinalubong niya ang tingin nito, nakataas ang noo. Parang ibig niyang magsising halos nagmakaawa pa siya rito. Hanggang sa unti-unting mawala ang gatla nito sa noo at biglang tumawa nang malakas. Mukhang may pagka-weirdo nga talaga ito.

"All right then, I won't ask. You may go now."

Napatango na lamang siya at umalis na. Hindi niya mapagdesisyunan kung mabuti ba o masama ang nangyari.

Ang Lalaking Nagmahal sa Akin (COMPLETED)Where stories live. Discover now