Part Four: Match Thirty Seven

2.8K 103 8
                                    

Match Thirty Seven

Calvin’s Court

~+*+*+*+*+*+*+*+*+~

Naglalakad kami ngayon ni Cookie sa subdivision namin. Niyaya ko na lang siyang umuwi dahil wala naman daw darating na mga propesor. Pumayag naman siya.

Habang naglalakad kami ay ikuwinento niya sa akin na nakalaro raw niya si Yumi Diaz. Parang ang saya-saya niya habang nagku-kuwento siya.

Pinagmasdan ko si Cookie. Nasa kanya na halos ang lahat… bukod sa isa. Saka ko lang napagtantong wala nga pa lang matalik na kaibigang babae si Cookie. Puro lalake ang mga nakapaligid sa kanya. Si Jela naman eh kahit na bakla ‘yun, lalake pa rin.

Masaya ang mukha ni Cookie ngayon. Parang batang nagkaroon ng bagong kaibigan.

Minsan eh hindi ko maintindihan si Cookie. Oo, alam ko ang lahat ng gusto niya. Alam ko rin ang lahat ng ayaw niya. Alam ko ang halos lahat ng bagay tungkol sa kanya. Halos.

Pero hindi ko siya maintindihan minsan. Gusto niya ang ganitong bagay, pero hindi ko maintindihan kung bakit. Ayaw niya ng ganitong bagay, pero ‘di ko maintindihan kung bakit. Ganoon. O baka dahil babae siya?

Sa totoo lang, ang daming misteryo ng isang babae eh. ‘Di ko malaman ang takbo ng utak ng mga babae. Pabago-bago.

Tapos itong si Cookie, ang hirap niyang basahin. Dati nga eh ‘di ko malaman kung babae ba talaga ‘to o tomboy eh kasi parang sadista kung umasta. Ang hilig manghampas. Tapos ang lakas pa ng boses. Sa madaling salita, parang lalake siya kung kumilos.

Hindi kaya dahil nga puro lalake kami sa paligid niya? ‘Di kaya nape-pressure siyang sabayan kami? Naalala ko pa nga dati eh madalas ‘di namin siya isinasama sa tuwing naglalaro kami o kaya ‘pag may pupuntahan kami. Ang dahilan namin dati eh dahil babae siya. ‘Di kaya ‘yun ang dahilan kung bakit parang lalake siya kung kumilos? Dahil sa impluwensiya namin? Dahil nape-pressure siya? Para masabayan kami? Para makasama sa’min?

Pero bakit si Jela, naimpluwensiyahan naman niya? Kaya nga naging bakla ‘yun eh. Ang gulo. Naguguluhan ako. Saka kahit naman ano pa ang maging pag-asta ni Cookie, ayos lang naman sa’kin eh. Pero sa kanya kaya, ayos lang?

Pinagmasdan ko siya. Maarte naman. Maldita. Mareklamo. Pero ‘di siya mahina. ‘Di niya ipinapakitang mahina siya. Sa madaling salita, parang ‘di siya nagpapaka-babae. Dahil siguro natatakot siya? Paano ba? Ang gulo kong mag-isip, takte. Parang… parang kahit ‘di sabihin ni Cookie, parang ang tingin niya sa pagiging isang babae eh isang kahinaan. Parang… parang ayaw niyang umasta nang normal na pag-asta ng isang babae dahil natatakot siyang baka laitin namin siya at sabihan namin siyang mahina.

Tama. Kaya pala. Kaya pala isang beses ay narinig kong sinabi niya kay Jela na ayaw raw niya kina Cinderella at Snow White ba ‘yun dahil tatanga-tanga raw ang mga ito at mahihina sila. Ang gusto raw niya eh ‘yung si Belle. ‘Yung may prinsipe na dati eh halimaw? Takte. Makikinig na nga lang ako sa usapan, ‘di ko pa inayos ang pakikinig ko. ‘Di ko tuloy maalala ang mga pangalan nila.

Basta ‘yun. Kasi dati naman, mahilig ‘yang si Cookie sa mga kaartehan ng prinsesa eh. Tapos noong medyo lumaki na kami at napapadalas na ang pagsama niya sa’min, parang unti-unting nawawala ang hilig niya doon. Tapos parang naging boyish nga siya. Pero ngayon… Parang nakikita ko ulit sa mga mata niya ang kinang na nakita ko dati. Parang… parang ‘yung katulad ng sa isang prinsesa.

Siguro kung nagkaroon ‘to ng kaibigang babae, ‘di ‘to naging boyish. Kaya siguro ganito na lang ang kasiyahan niya noong nakilala niya si Yumi.

‘Di naman mahalaga sa’kin kung mala-prinsesa ba siya o hindi eh. Ang mahalaga sa’kin eh siya si Cookie.

“Calvin! Tingnan mo! Naaalala mo ba ‘yan?” bigla niyang sabi sabay turo doon sa isang lumang mansyon. Oo. ‘Di ko ‘yan makakalimutan. Iyan ang mansyon kung saan nakakita raw kami ng multo ayon kay Cookie.

MatchedWhere stories live. Discover now