Part Two: Calvin's Court (Match Nineteen)

3K 92 6
                                    

Match Nineteen

~+*+*+*+*+*+*+*+*+~

“Kumatok ka,” utos ni Cookie.

“Bakit ako? Bakit hindi ikaw?” tanong ko.

“Basta! Dali na!” pagpupumilit niya.

“Ayoko nga,” sagot ko. “Bakit kasi hindi ikaw ang kumatok eh ikaw nga ang nagyaya rito?”

“Eh gusto kong ikaw ang kumatok eh! Ang dami pang reklamo!” inis niyang bulong.

Nagulat na lang kami noong biglang may nagsalita sa loob. “Kung mang-iistorbo rin lang kayong dalawa ngayong gabi, bilisan niyo. Pumasok na kayo at nang matapos na tayo,”

Nagkatinginan kami ni Cookie. Sinenyasan niya akong buksan ang pintuan. Binuksan ko ‘yung pintuan at nauna akong pumasok. Baka sabihin pa nitong biik na ‘to eh duwag ako. Nakasunod siya sa akin, hawak-hawak ang braso ko. Sinasabi ko na nga ba eh may gusto ‘tong biik na ‘to sa’kin. Malamang. Sa guwapo kong ito?

Nakita namin ang isang matandang babae na nakaupo sa upuang kawayan at nagtatahi. Hindi niya kami tiningnan at patuloy lang siya sa kanyang ginagawa.

Tahimik. Matagal na katahimikan ang nagdaan. Noong sa wakas ay nagsalita na siya, nagulat pa kaming dalawa ni Cookie.

“Wala akong dapat hulaan sa inyo,” bigla niyang sinabi sa amin habang tinitingnan kami nang matalim.

“Po? Eh sabi po ni Tatang, manghuhula raw po kayo,” nagtatakang sabi ni Cookie. Siniko ko siya nang mahina. Tiningnan naman niya ako nang masama.

“Hindi porke’t manghuhula ako ay hinuhulaan ko na ang lahat ng gustong magpahula. Hindi porke’t may kakayahan akong magsabi ng maaaring mangyari sa hinaharap ay sasabihin ko na iyon sa kung sino man ang magtatanong,” simpleng sagot ni Tandang Hana.

“May favoritism,” bulong ni Cookie sa akin. Takte. Baka mamaya eh marinig siya ni Tandang Hana tapos magalit pa ‘yun at isumpa pa kami.

Pero kung sabagay, hindi naman ako natatakot kung isumpa man niya ako eh. Hindi ba’t matagal na akong isinumpa mula noong nagkakilala kami ni Cookie?

Mukhang narinig ni Tandang Hana ‘yung sinabi ni Cookie. “Hindi ako namimili. Hindi ako ang namimili ng pagsasabihan ko ng kapalaran. Ang kapalaran mismo ang pumipili.”

Ngumuso si Cookie. “Teka lang po. Kayo po ba talaga si Tandang Hana? Baka naman hindi kayo ‘yung sinasabi ni Tatang kanina?”

Bahagyang tumawa si Tandang Hana. “Nasa iyo, Hija, kung ikaw ay maniniwala o hindi.”

Namula si Cookie. Hinawakan ko ang kamay niya at sinenyasan siyang umalis na kami.

“Pasensiya na po sa abala. Aalis na po kami,” nagmamadaling sabi ko habang hatak-hatak ang kamay ni Cookie. Nagkibit-balikat lang si Cookie at aalis na sana kami noong biglang nagsalita ulit si Tandang Hana.

“Nakikita kong nakikipagtulungan kayo sa tadhana. Iyan lamang ang masasabi ko sa inyo,” sabi ni Tandang Hana.

Nagkatinginan ulit kami ni Cookie.

“Sige po, aalis na po kami,” nag-aalangang sagot ko habang nakatingin kay Cookie. Nakataas lang ang kilay niya at halatang takang-taka sa sinabi ni Tandang Hana. Eh sa ako nga rin eh, hindi ko naintindihan.

Nasa labas na kami ng kubo noong biglang nagsalita ulit si Tandang Hana. Napatigil na naman kami.

“Hija,” sabi niya kay Cookie. “Ingatan mo ang iyong sinapupunan.”

Nanlamig ako sa sinabi niya at napatingin ako bigla kay Cookie. Siya naman ay napatingin bigla sa akin at nanlaki ang kanyang mga mata.

Natigilan si Cookie at napakurap. “Sinapupunan?”

Para akong tuod. Hindi ako nakaimik. Ni hindi nga ako nakagalaw. Sinapupunan? ‘Yung bahay-bata? Takte. Anong ibig niyang sabihin doon? Humigpit ang pagkakahawak ko kay Cookie.

Napatingin siya bigla sa akin. “Calvin?”

Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote ko, pero bigla ko siyang kinaladkad paalis mula sa kubo.

“Aray, Calvin, ano ba!?” reklamo niya. Hindi ako umimik. Ewan ko, pero nilalamig ako na naiinitan. Pakiramdam ko eh parang bumagsak ‘yung langit sa akin. Hindi ko alam, pero para akong naiirita na naiinis na… takte, ewan ko. Kabadinga, takteng ‘yan. Sinapupunan? Bahay-bata yun eh! Bakit siya pinag-iingat ng sinapupunan!?

“Calvin!” sigaw ni Cookie. Medyo malapit sa kami sa campsite. Hindi ko pa rin siya iniimik.

Hindi ko na kaya. Pakiramdam ko ay sasabog na ako. Hinarap ko siya samantalang siya nama’y napaatras.

“Cookie! Anong ibig niyang sabihin doon? Ba’t pinag-iingat ka niya ng bahay-bata mo? Buntis ka ba!?”

Namutla siya at napatakip ng bibig. Lalo siyang umatras papalayo sa akin. Bakit hindi siya nagsasalita? Totoo ba!?

“Buntis ka, Cookie? Takte! Sinong ama!? Mapapatay ko—”

Hindi ko natapos ang sinasabi ko dahil sinipa niya ako nang sobrang lakas sa binti. “Gago ka, Calvin! Ulitin mo ulit ‘yung mga sinabi mo at hindi ka na sisikatan ng araw!” sigaw niya sa akin. Hindi ako nakaimik. Tiningnan niya ako nang matalim. “Buntis? Hindi ako buntis! At isa pa, ayoko ng bata! Hindi ako mag-aasawa at lalong hindi ako mag-aanak!”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tinalikuran niya na ako at nilayasan.

Takte. Anong ginawa ko? Mali. Anong sinabi ko? Galit si Cookie. Pero… takte. Hindi ko naman sinasadyang sabihin ‘yun. Nawala lang talaga ako sa katinuan kanina. Hindi ko alam kung bakit. Nakakagulat kasi ‘yung sinabi ng Tandang Hana na ‘yun. Hindi ko alam kung ano ‘yung dapat kong isipin. Ano ba ‘tong nangyayari sa akin? Naiimpluwensiyahan na ba ako ng mga pinapanuod ni Cookie? Pero… takte. May kasalanan ako. Takte talaga.

Nasaktan ko ang damdamin niya. Ang isinumpa ko pa namang hinding-hindi ko gagawin. Kanina lang ay ginawa ko. Isa pa… ano raw ang sabi niya?

Ayaw niya ng bata at… hindi siya mag-aanak at…

Hindi siya mag-aasawa!? Takteng ‘yan!

~+*+*+*+*+*+*+*+*+~

MatchedWhere stories live. Discover now