Part Three: Calvin's Court (Match Twenty Four)

2.9K 109 17
                                    

Match Twenty Four

Calvin’s Court

~+*+*+*+*+*+*+*+*+~

Ang bango. Nakapikit pa ang mga mata ko. Sa antok pa eh, bakit ba? Inaantok din ang mga guwapong katulad ko. Alam ko namang kahit na sinapian ako ng kaluluwa ni Adonis at Apollo, katawang tao pa rin ‘to. Inaantok at napapagod din.

Ano ba ‘tong pinag-iisip ko? Tulog pa nga dapat ako, ‘di ba? Kalahating tulog, kalahating gising. Tama.

Nagising ako nang dahil sa mabangong naaamoy ko. Mabangong malambot. Unan? At kailan pa naging mabango ang fabric conditioner namin? Kadalasan eh walang amoy ang ginagamit naming ganoon.

Nakapikit pa ang mga mata ko. Ang lambot ng unan. Niyakap ko nang mahigpit. May narinig akong mahinang tunog. Baka may maligno lang sa labas. Nagpapapansin. Makatulog nga muna. Ang lambot ng unan ko eh. Ang bango pa.

Teka. Ang init naman nitong unan ko. Saka bakit parang… parang gumagalaw? Namamaligno lang ako. Wala. Makatulog na nga kasi. Sayang ang kagwapuhan.

Naramdaman kong may gumalaw. Ano ba naman ‘yan? Mananaginip na nga lang ako, malikot pa ‘yung panaginip ko? Mali. Malikot sa panaginip ko. Magalaw. Naramdaman ko na namang may gumalaw. ‘Yung unan, gumalaw. Ang likot. Niyakap ko nang mahigpit. Teka. Bakit parang may yumayakap din sa’kin? Iminulat ko ‘yung isang mata ko. Huh? Wala namang kakaiba. Wala talaga. Pero…

Patay. Takteng ‘yan, giyera ‘to!

Kalmado. Tabi nga pala kaming natulog kagabi. At nandito kami sa condo ni Jelang Bakla.

Tulog pa siya. Kalmado lang. Takte. Kailangan kong maghanda mamaya. Armor, takte, nasaan ‘yun? Takte, kinakabahan na ako. Pinagpapawisan na ako nang malamig. Kaya pala pakiramdam ko eh minamaligno ako kanina.

Pinagmasdan ko ang mukha niyang nakaharap sa’kin. Takte. May kumakabog malapit sa dibdib ko. Wala naman akong hika. Sakit sa puso, malabo. Wala sa lahi. Sa’kin pa lang yata mag-uumpisa. Takte, kinakabahan ako. Kailangan kong mag-curl ups. Push-ups. Kailangan kong tumakbo nang mailabas ko ‘tong malamig na pawis ko. Tama. Lagnat yata ito. Pinagmasdan ko ulit siya.

Ang lapit niya. Takte. Napalunok ako. Kaunti na lang.

Kaunti na lang eh magdidikit na ang mga… takte, bakit ‘yun ang iniisip ko!?

Bigla siyang gumalaw. Dali-dali akong pumikit. Mahirap na. Kahit na papaano eh kapag nakapikit ako, mas ligtas. Kunwari ay hindi ko alam na magkaharap na pala kami.

Teka… parang kalmado yata? Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Nakita kong nakapikit pa rin siya. Tulog pa rin? Siguro nga. Pinagmasdan ko ulit ang mukha niya… ‘yung mukha niyang lagi kong sinasabihang mukhang biik. Ewan ko ba kung bakit lagi kong nasasabi ‘yun. ‘Di naman siya mukhang biik. Baka dahil matakaw siya? Hindi nga kapanipaniwala eh kasi kahit anong takaw niya, hindi siya tumataba.

Ang cute niyang matulog. Parang biik. Kinilatis ko ang mukha niya. Ang haba ng mga pilik-mata niya. Maliit pero matangos ang ilong. At ang mga labi niya…

Napalunok ako.

Parang nang-aakit.

Pikit! Babae ‘yan, takte, ano ba!? Anong itinatak mo sa kokote ko mula pa noong sekondarya? Ang mga babae ay may lason. At kapag nalason ka nila, wala, patay ka na. Impiyerno ang bagsak mo.

Teka, eh bakit impiyerno agad? Kapag namatay ba eh sa impiyerno na kaagad ang bagsak? Hindi ba puwedeng sa langit muna?

Oo nga naman. Pero, hindi. Takte. Tandaan, babae ‘yan. Wala kang mapapala sa mga babae. ‘Yang mga labing nasa harapan, o, nang-aakit. ‘Wag mahuhulog sa patibong ng mga babae kung ayaw paglamayan nang maaga. Lason. Tama. Tandaan—lason. Pero… takte, eh nang-aakit talaga eh. Ayun, o, nakanguso pa. Ang cute naman ngumuso nito. T*kte. Ayan na nga ba ang sinasabi ko eh. Hindi dapat ako tumatabi sa kanya.

Apektado yata ako masyado, pero… teka… apektado? Mali. Ayoko lang mapaslang nito. Baka kasi mamaya niyan eh sabihin pa niyang pinagnanasahan ko siya.

Eh, bakit, pinagnanasahan ko naman talaga siya, ah?

Potek. Hindi! Hinding-hindi! Takteng ‘yan!

Kailangan kong kumalma. Takte, kailangan ko talagang kumalma!

Naramdaman kong mas humigpit ‘yung yakap niya sa’kin.

Takte naman, Cookie. ‘Wag mo namang gawin sa’kin ‘to. Baka mabuang na’ko. ‘Pag nabuang ako, sino nang mag-aalaga sa’yo?

At bakit kasi ako mabubuang? Kasi… takte! Gumalaw na naman siya! Ibinaon niya ang ulo niya sa may leeg ko.

Takteng ‘yan! Kailangan kong tumayo!

Baka kung ano pa ang magawa ko.

Kailangang kong takbuhin ang gym nang singkuwentang ikot!

Takte, kabadingan. Para akong bakla. Babae lang ‘yan, nanlalamig na ako. Mukhang tanga lang dahil pakiramdam ko eh kinakapos na ako sa hininga.

Sabi na eh. Sabi na talaga. Galit si Cookie sa’kin. Galit pa siya. Galit pa siya nang dahil doon sa insidenteng nangyari sa Antipolo. Doon sa nasabi ko pag-aalis namin sa kubo ng matandang ‘yun. At dahil galit pa siya, ipinakulam o ipinasumpa niya ako. Kung kanino, hindi ko na alam. Pero, takte, kaya ako nagkakaganito ngayon eh dahil doon.

Kinakapos ako ng hininga eh wala naman akong hika o sakit sa puso. Sabi na talaga.

Hindi na ako makatulog. Takte. Sa lagay na ‘to ba, makakatulog pa ‘ko?

Adrenaline Rush.

Para akong uminom ng sangkatutak na energy drinks at kumain nang sangkatutak na tsokolate. Adrenaline Rush. Sugar Rush. At kung anu-anong rush pa ‘yan. May narinig akong nagsalita nang mahina. Huh? Ano ‘yun?

“Calvin.”

Yumuko ako at sinilip ko ang mukha niya sa gilid ng mga mata ko. Tulog naman yata siya, ah?

“’Wag kang malikot,” mahina niyang sabi.

Gising ba ‘to? Hindi. Imposibleng gising ‘to. Kilala ko ‘to. Sa oras na magising ‘to at mapagtanto niyang magkayakap kami, maghahalo na ang balat sa tinalupan. Pero… bakit nagsalita siya? Nananaginip? Napapanaginipan niya ako? Ngayon? Ngayong magkayakap kami? ‘Di nga? Seryoso?

Hindi ko mapigilan ang mapangiti. Seryoso nga.

~+*+*+*+*+*+*+*+*+~

MatchedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon